Menu Close

Isang Pagtatanggol sa Calvinism bilang siyang Ebanghelyo

(A Defense of Calvinism as the Gospel)

ni David J. Engelsma

Ang mga talata ng Kasulatan ay nagmula sa Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society © 2001
(Scripture quotations are from the “Ang Bagong Ang Biblia,” Philippine Bible Society © 2001)

Preface

Maraming dahilan, sa aming paniniwala, ang dapat ibigay para sa pagpapalaganap ng pamplet na ito:

  • Ito ay isang paunang paliwanag tungkol sa Calvinism para sa hindi-Reformed.
  • Ito ay panawagan sa mga nagsasabing sila ay Calvinist na ipamuhay kung ano ang ipinapahayag nila tungkol sa kanilang sarili.
  • Ito ay simpleng deklarasyon para sa darating na henerasyon ng ating sariling kabataan sa Protestant Reformed Churches kung ano ang ating pinaniniwalaan, bilang mga Calvinist, at bakit.
  • Upang ipaliwanag na ang Calvinism ay hindi isang teyolohiyang pangkaisipan lamang, kundi EBANGHELYO
  • At upang akayin ang mga tao tungo sa Calvinism sa biyaya ng Diyos.

Ang tala ng maraming “Calvinistic” na mahahalagang personalidad sa pabalat ay nagpapaalala sa mambabasa na tumitindig tayo sa isang dakilang tradisyon na ipinasa sa atin ng mga tao na, sa kanilang bawat gawa, ay kaloob ng Diyos sa Kanyang Iglesia. Ang Diyos, na tapat na Tagapag-ingat ng Kanyang Iglesia , ay nagdagdag sa “makapal na bilang ng mga saksi” na tayo ay kanilang “napapalibutan” (Heb. 12:1a).

“Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos; malaki ang hukbo ng mga … naghahayag ng balita” (Awit 68:11).

Habang pinangungunahan ng Kanyang ebanghelyo at katotohanan ating “hinihintay at pinagmamadali ang pagdating” ng Panginoon sa ulap ng kalangitan. Nawa’y hindi tayo “mailigaw sa pamamagitan ng kamalian …” na “mahulog tayo sa sarili nating katatagan.” “Subalit lumago tayo sa biyaya at pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang hanggan” (II Pedro 3:12, 17-18).

“Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan!” (Awit 68:26a).


Isang Pagtatanggol sa Calvinism bilang siyang Ebanghelyo

(A Defense of Calvinism as the Gospel)

Ang taguring, “Calvinism,” ay hindi ang pangalang nais naming mga Calvinists na ipangalan sa aming pananampalataya; ni hindi namin pinili na tawagin kaming mga “Calvinists.” Ang Calvin ay pangalan ng isang tao, isang dakilang lingkod ng Diyos, si John Calvin. Isa siya sa mga Reformers na sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay nireporma ang Iglesia noong ika-16 na siglo. Ang tawagin ang aming sarili na “Calvinists” at ang aming pananampalataya na “Calvinism” ay nag-iiwan ng impresyon na kami ay sumusunod sa isang tao at ang aming mga paniniwala ay imbento lang ng isang tao. Ang totoo, ang mga taguring ito ay unang ginamit bilang taguring pang-aalipusta na ginamit ng aming mga kaaway, tulad ng mga pangalang, “Cristiano,” at “Protestante.” Kaya, mula pa sa simula, tinawag ng mga Calvinists ang kanilang sarili na “Reformed” o “Presbyterian.” Sa ganitong paraan sinadya nilang itangi ang kanilang sarili sa iba pang malalaking sanga ng Repormasyong Protestante, ang Iglesiang Lutheran, na tinawag nga ang kanyang sarili ayon sa pangalan ng tao (na salungat sa kagustuhan ni Luther mismo).

Gayon pa man, ang “Calvinism” at “Calvinist” ay mga taguring kapakipakinabang sa panahong ito. Tanyag ang mga ito, bagamang bahagi ng dahilan ng katanyagan nito ay sa pamamagitan ng mga atake at panunuligsa sa Calvinism ng mga kaaway nito. Ang pangalang “Calvinist” ay tinatanggap din ng mga tao at iglesia na hindi Reformed, o Presbyterian, ngunit ipinapahayag ang mga katuruan ng Calvinism na tinatawag nilang “mga doktrina ng biyaya.” Naninindigan ang “Calvinism” para sa mga katuruan, isang tiyak na sistema ng katotohanan. Wala kaming tutol na tawagin sa pagtawag sa mga doktrinang ito bilang “Calvinism” hangga’t dalawang bagay ang malinaw na nauunawaan. Una, dapat maintindihan na hindi ang taong si John Calvin, kundi ang Banal na Kasulatan ang pinagmumulan ng mga iyon. Pangalawa, dapat ding maintindihan na kami na nanghahawakan sa mga katotohanang ito ay hindi mga alagad ng taong si Calvin, kundi hangad lamang naming sundin ang eternal na Anak ng Diyos sa aming laman, si Jesu-Cristo, tunay nga sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga doktrinang ito.

Maraming paraan ang pagtanaw sa Calvinism. May ilang nakatuklas ng pulitikal na implikasyon sa Calvinism, hal., isang mariing pagtutol sa lahat ng anyo ng opresyon. Ang ilan ay natagpuang ang Calvinism ay mahalaga sa ekonomiya. Inisip ni Max Weber na ang diwa ng kapitalismo ay matutunton sa Calvinism, tunay nga, sa doktrina ng Calvinism na “dobleng pagtatakda” (double predestination). Masusuri natin ang Calvinism bilang isang buong pananaw-sa-mundo-at-buhay. Higit pa ito, mas higit pa nga sa sistema ng mga doktrina, at tunay na higit pa sa limang punto ng doktrina. Tulad ng humanism at Marxism, ang Calvinism ay isang pananaw-sa-mundo-at-buhay na pinaninindigan ng isang tao sa bawat bahagi ng buhay bilang tao. Ang Calvinism din ay kaisang bahagi sa Iglesia, ang organisadong Iglesia, at hindi lamang ito personal na paniniwala ng isang indibidwal; ito, mula sa unahan hanggang dulo, ay pang-iglesia. Kasama ng sinaunang Iglesia, taimtim na pinanghahawakan ng Calvinism na “sa labas ng Iglesia ay walang kaligtasan.”

Gayon pa man, sa puso ng “Calvinism” ay teyolohiya, totoong relihiyon; at ang ibig sabihin nito ay doktrina. Sa ganitong paraan natin tatanawin ang Calvinism dito. Lilimitahan natin ang ating sarili sa pagsasa-alang-alang sa Calvinism bilang siyang Ebanghelyo.

Ang Calvinism ay ang Ebanghelyo. Ang mga tampok nitong doktrina ay ang mga katotohanang bumubuo sa Ebanghelyo. Ang paghiwalay sa Calvinism, kung gayon, ay pagtalikod sa Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos kay Cristo. Ang ating pagdepensa ng Calvinism, kung gayon, ay tatakbo sa ganitong paraan. Una, ipapakita natin na ang Calvinism ay ang Ebanghelyo. Kinakailangan ito dahil sa mga kritiko nito, na tinutuligsa ito bilang pagbabaluktot ng Ebanghelyo. Pangalawa, idedepensa natin ito bilang siyang Ebanghelyo. Habang ginagampanan natin ito, sinusunod natin ang pagkatawag ng bawat mananampalataya na buhat sa Diyos. Sinulat ni Pablo na, “itinalaga sa pagtatanggol sa Ebanghelyo” (Filipos 1:17). Tinatawagan ng I Pedro 3:15 ang bawat mananampalataya na magbigay ng sagot, isang “katuwiran,” o pagtatanggol, sa lahat ng humihingi sa atin ng dahilan ng pag-asang nasa atin.

Tulad ng ipinapahiwatig ng pangalan, ang Calvinism ay isang katuruan na nakaugnay kay John Calvin; tinutukoy nito ang mga Biblikal na katuruan na kanyang inilahad. Si Calvin ay isang Pranses, isinilang noong 1509 at pumanaw sa gulang na 55 noong 1564, na nabuhay noong panahon ng pagrereporma ng Iglesia, at kasabayan ni Martin Luther. Siya ay nabago mula sa pagiging Romano Catolico noong kanyang kabataan, “sa isang biglaang pagbabago,” sinasabi niya sa atin sa paunang salita ng kanyang komentaryo sa mga Salmo, “yamang ako’y lubos na determinadong nakadeboto sa mga pamahiin ng sistema ng Papa at madaling nasagip mula sa malalim na hukay na putikan,” at nagsikap para sa Pananampalatayang Protestante sa buong nalalabing buhay niya. Namuhay siya at gumawa sa Geneva, Switzerland bilang pastor at teyologo. Ang kanyang mga pagsisikap ay kakaiba. Nangaral siya halos araw-araw; ginampanan ang isang mabigat na gawaing pagpapastor; ginawa ang isang malawak na pakikipagkomunikasyon; at sumulat ng mga komentaryo, mga pulyeto, at iba pang sulating pangteyolohiya. Naaalala siyang higit sa kanyang dakilang gawa sa teyolohiyang Cristiano, ang Institutes of the Christian Religion (na may malaki pa ring impluwensya, na pakikinabangan pa ring basahin ng lahat ng nagpapahayag ng pagka-Protestante, at sana’y napag-aralan ng bawat kritiko ng Calvinism, kung nais niyang siya ay seryosohin sa kanyang mga panunuligsa), at sa kanyang mga komentaryo sa halos lahat ng aklat ng Biblia. Kinilala ng mga kasabayan ni Calvin ang kanyang mga nangingibabaw na kakayahan, lalo na sa teyolohiya at pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan. Simple nila siyang tinaguriang “Ang Teyologo.”

Napakalaki na ng naging impluwensya ni Calvin sa buong mundo noong panahon niya at maging kahit pagkatapos noon. Nag-iisa si Luther, siyempre, bilang tagapagtatag ng Repormasyong Protestante. Ngunit si Calvin, na nakinabang kay Luther, ay nahigitan maging si Luther sa pag-impluwensya sa Simbahan ni Cristo sa buong mundo.

Sa kasaysayan ng Iglesia, Calvinism ang tawag sa pananampalataya ng sangang Reformed at Presbyterian ng Repormasyong Protestante. Tinawag ang mga simbahang ito na “Reformed” sa Germany, France, Switzerland, at sa Netherlands. Sa England, Scotland, at hilagang Ireland tinatawag silang “Presbyterian.” Ang pananampalatayang ito ay ipinahiwatig noong una sa mga naisulat ng pagpapahayag (confessions) at mga kredo. Ilan sa mga pagpapahayag ng mga Iglesiang Reformed ay ang Katesismong Heidelberg, ang Belgic Confession, at ang Canons of Dordt. Ang mga dakilang kredong Presbyterian ay ang Westmeinster Confession of Faith, at angn Westminster Catechisms. Lahat ng mga pagpapahayag na ito ay nagkakaisa sa mga mahahalagang bagay.

Iginiit ng mga simbahang Reformed at Presbyterian na ang mga katuruan na nakapaloob sa mga kredong ito, na tinatawag ngayong Calvinism, ay ang kapahayagan ng Diyos sa Banal na Kasulatan. Ibinabatay ng Calvinism ang kanyang sarili sa Kasulatan. Ganap nitong pinanghahawakan ang prinsipyong Protestante na sola scriptura (Kasulatan lamang). Ang doktrina ng Kasulatan ang pinakabatayan ng Calvinism. Isang pagkakamali, kung gayon, na tukuyin ang Calvinism nang hiwalay sa paniniwala nito tungkol sa Kasualatan.

Ang Biblia ang tanging awtoridad sa loob at sa ibabaw ng Iglesia. Ganito ito dahil ang kinasihang Salita ng Diyos, tulad ng inaangkin ng II Timoteo 3:16: “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran.” Sa gayon, ang Kasulatan ang “hindi-nagkakamaling pamanatayan” (Belgic Confession, Artikulo VII). Hindi ito puwedeng balewalain, kuwestyonin, o tuligsain, kundi dapat na tanggapin, sampalatayanan, at sundin. Mahalaga ito sa Calvinism dahil tinuturo ng Calvinism ang maraming bagay na inirereklamo ng tao, “Mabibigat na mga pananalita ito, sino ang makakatanggap ng mga ito?” Para sa Calvinism ang tanong ay hindi, “Magugustuhan ba ng mga tao sa ika-20ng siglo ang mga bagay na ito?” Subalit ang tanong ay, “Sinabi ba ng Diyos?”

Pinagsisikapan ng Calvinism ang maiproklama ang mga Kasulatan. Ang pangangaral ng Kasulatan sa loob man o labas ng simbahan ang sentrong interes ng Calvinism. Maling pag-isipan ang Calvinism teyoretikal, isang syensyang teknikal na isinusulong ng mga matatalinong tao na nakatira sa mga toreng ivory.

Ang Calvinism, kung gayon, ay makikilala nang tama bilang mga paunang doktrina, na tinaguriang “limang punto ng Calvinism” (five points of Calvinism). Ngunit kahit dito ay kinakailangan ng pag-iingat. Sa kasaysayan isang pagkakamali ang tawagin ang mga doktrinang ito na “Calvinism.” Sa mga doktrinang ito, walang naging pagkakaiba sa pagitan nina Luther at Calvin. Ang dalawang nangungunang Reformer na ito ay nagkaisa sa kanilang katuruan tungkol sa doktrina ng double predestination o dobleng pagtatalaga, sa ganap na pagkamakasalanan ng tao, at sa pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananamplataya lamang. Tunay nga, at halos walang liban, pinanghawakan ng lahat ng Reformers ang tinatawag nating“Calvinism” ngayon. Bukod pa rito, ang “limang punto ng Calvinism” na limang partikular na doktrina na nagtatangi sa Calvinism, ay nagsimula pagkatapos pumanaw si Calvin. Ibinalangkas ang mga ito ng isang Kunseho (synod) ng mga Iglesiang Reformed sa Netherlands, noong 1618-1619, ang Synod of Dordt, bilang tugon sa isang pag-atake sa mga doktrinang ito ng isang grupo na nasa loob ng mga Iglesiang Reformed na nakilala bilang mga Remonstrants, o Arminians. Inilahad ng Synod na ito, ipinahayag, ipinaliwanag, at ipinagtanggol ang limang katotohanan sa Canons of the Synod of Dordt. Subalit si Calvin ang naglinang sa mga katotohanang ito, nang ganap at may sistema, kaya natawag sila ayon sa kanyang pangalan.

Ang Toatal Depravity o Ganap na Pagkamakasalanan ang isa sa mga punto ng Calvinism. Tinuturo ng doktrinang ito na ang tao, ang bawat tao, ay likas na makasalanan at masama—tangi at ganap na makasalanan at masama. Walang anuman sa tao, habang hiwalay sa biyaya ng Diyos kay Cristo, na mabuti at kakayahan para gawin ang kabutihan. Ang ibig sabihin ng “mabuti” ay kung ano ang nakalulugod sa Diyos, at ito ay ang gawang nagmumula sa pananampalataya kay Jesus, ang pamantayan nito ay ang kautusan ng Diyos, at ang hangarin nito ay ang kaluwalhatian ng Diyos. Mula sa pagkakalihi hanggang sa kapanganakan, ang bawat tao ay nahatulan sa harapan ng Diyos at nararapat sa walang hanggang kaparusahan. Ito ang suliranin ng tao dahil sa pagkakahulog ng buong sangkatauhan sa pamamagitan ni Adan, tulad ng tinuturo ng Roma 5:12-21: “Kaya’t kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya’t dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala …” Isang aspeto ng kapighatiang ito ng tao ay ang pagkabihag, o pagkaalipin, ng kalooban (will) ng tao. Ang kalooban ng bawat tao, habang hiwalay sa nagpapalayang biyaya ng Espiritu ni Cristo, ay alipin sa Diyablo at sa kasalanan. Kusa itong nagpapaalipin, ngunit ito ay alipin. Hindi nito magagawang loobin, nasain, o piliin ang Diyos, si Cristo, ang kaligtasan, o ang mabuti. Hindi ito malaya na piliin ang mabuti.

Hindi Calvinism, ang puwersahin ng Diyos ang tao na magkasala o hindi nagkukusa ang taong magkasala, kundi ang kalagayang espiritwal ng taong makalaman ay nasa sa sitwasyong hindi niya kayang isipin, loobin, o gawin ang anumang mabuti. Sa doktrinang ito, ganap na nagkakaisa sina Luther at Calvin. Sumulat pa nga si Luther ng isang akalat na pinamagatang The Bondage of the Will (“Ang Pagkaalipin ng Kalooban”), kung saan iginiit niya na ang pangunahing isyu ng Repormasyon, ang pangunahing pagkakaiba ng tunay na Protestantismo at Romano Catolicismo, ay ang isyung ito, kung ang alipin ba ng taong makalaman ay alipin o malaya. Ipinapakita ng Calvinism na ito ay purng Protestantismo sa pamamagitan ng pahayag nito tungkol sa kalooban (will) ng tao sa Westminster Confession of Faith, Kab. IX, III, IV:

Sa kanyang pagkahulog sa kasalanan, lubusang nawala ang kakayahan ng tao na loobin at gawin ang anumang espiritwal na kabutihan. Ang tao sa kanyang kalikasan ay patay dahil sa kasalanan at pawang laban sa anumang mabuti. Hindi niya kaya, sa kanyang sariling lakas, na magbalik-loob sa Diyos o ihanda man lamang ang kanyang sarili sa pagbabalik-loob sa Diyos.Kapag binago ng Diyos ang isang makasalanan sa kalagayan ng biyaya, pinalalaya siya ng Diyos sa kanyang pagkaalipin sa kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya lamang, binibigyan Niya siya ng kakayahan na loobin at gawin ang espiritwal na kabutihan …

Isa pa sa limang punto ng Calvinism ay ang limited atonement o limitadong pinaglaanan ng pagtutubos. Mayroon lamang kaligtasan ang mga taong nahulog sa kasalanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang eternal na Anak ng Diyos sa ating laman. Nangyari ang pagliligtas na ito sa kamatayan ni Cristo sa krus. Ang Kanyang kamatayan ay katubusan para sa mga kasalanan, yamang binigyang kaganapan Niya ang katuwiran ng Diyos, pinagdusahan ang parusa ng poot ng Diyos para sa atin na nararapat sa poot na iyon dahil sa ating mga kasalanan. Ang kamatayan ni Jesus ay mabisa; nakapagligtas ito! Niligtas nito ang bawat isang pinaglaanan Niya ng Kanyang kamatayan. Ganap nitong inalis ang parusa ng bawat isa na pinaglaanan ng kamatayan ni Jesus. Nagtubos Siya para sa ilan, na partikular na tao, hindi para sa lahat na walang liban. Limitado ang pagtutubos Niya sa aspeto ng bilang ng mga taong pinaglaanan Niya ng kamatayan at Kanyang tinubos. Sila ay ang Kanyang “bayan” (Mateo 1:21); ang Kanyang “tupa” (Juan 10:15: “ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa”); at “ang lahat ng ibinigay (ng Ama) kay (Jesus)” (Juan 17:2).

Hindi Calvinism ang pagsasabing sinuman, kahit isa, na naghahanap ng kaligtasan ay tatanggihan, kundi ang kamatayan ni Jesus ay nagligtas, ito ay mabisa, at hindi ito nasayang.

Ang Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng ganap niyang pagsunod at paghahandog ng kanyang sarili, na sa pamamagitan ng eternal na Espiritu ay minsan at magpakailan man niyang inihandog sa Diyos, ay nabigyang kaganapan ang katarungan ng Ama; at binili hindi lamang ang pakikipagkasundo, kundi ang walang hanggang pamana sa kaharian ng langit, para sa kanila kung kanino binili ni Cristo ang katubusan, tiyak at mabisa niyang inilalapat at ibinabahagi ang gayon … (Westminster Confession of Faith, Kab. VIII, V, VIII)

Ang irresistible grace o ang hindi natatanggihang biyaya ay ang pangatlo sa limang punto ng Calvinism. Tinutukoy ng doktrina ang aktwal na pagliligtas sa mga taong nahulog sa kasalanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pagsasagawa sa kanila ng katubusan naganap sa krus. Ang gawang ito ng pagliligtas ay buung-buong gawa ng Diyos; nangyayari ito sa pamamagitan ng biyaya lamang. Sa negatibong aspeto, nangangahulugan ito ng dalawang bagay. Una, ang kaligtasan ng tao ay isang bagay na hindi siya karapatdapat, o ginagawa siyang karapatdapat, sa anumang kaparaanan. Pangalawa, ang kaligtasan ay hindi gawa na ginagampanan ng tao, bahagi man o buo. Hindi nakikipagtulungan ang tao sa Diyos upang maisakatuparan ang kanyang kaligtasan. Sa aspetong positibo naman, na ang kaligtasan ay nangyayari sa biyaya (by grace) lamang ay nangangahulugang ang kaligtasan ay ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao ng walang kapalit, buhat lamang sa Kanyang pag-ibig at kabutihan. Nangangahulugan din na ang kaligtasan ay naisasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ang Espiritu Santo. Siya ang gumagawa ng muling kapanganakan; Siya ang tumatawag; Siya ang nagbibigay ng pananampalataya; Siya ang nagpapabanal; Siya ang nagluluwalhati. Ang gawang ito ng pagliligtas at ang kapangyarihan ng biyaya na sa pamamagitan ng mga ito ay ginagampanan ng Espiritu Santo ang mga gawang ito ay mabisa. Sa pagsasakatuparan ng gawang ito, ang Espritu at ang Kanyang biyaya ay hindi ginagawang posible ang kaligtasan ng tao, kundi tagumpay itong inililigtas. Hindi ito isang pagtatangka ng Diyos na nakadepende, kahulihulihan, sa tao na sinusubukan ng Diyos na iligtas, at sa gayon, ay puwedeng mabigo at mauwi sa walang kabuluhan; kundi ito ay isang gawa ng paglikha na makapangyarihan at walang kabiguang inililigtas ang tao kung kaninong kinalugdan ng Diyos na iligtas ang isang bagong nilalang kay Jesu-Cristo.

Hindi Calvinism, na pinupuwersa ng Diyos ang mga tao, nagpapadyak at nagsisisigaw, papunta sa langit, kundi ginagawa ng Diyos ang isang tao na nagkukusa, na dating walang pagkukusa. Sa Canons of Dordt, nilalarawan ng mananampalatayang Reformed ang gawang pangkaligtasan ng hindi natatanggihang biyaya (irresistible grace) sa ganitong paraan:

…ito ay maliwanag na gawang supernatural, pinaka makapangyarihan, at saka pinaka-kaiga-igaya, kamangha-mangha, mahiwaga, at kagila-gilalas; hindi mas mahina ang bisa kaysa sa paglalang o kaya’y sa pagbuhay mula sa kamatayan… upang sa lahat na sa kanilang mga puso ay gumagawa ang Diyos sa kahanga-hangang paraang ito, ay tiyak, walang pasubali, at mabisang magbabagong-buhay, at talagang sasampalataya … (III, IV, 12).

Ang doktrina ng pagtitiyaga ng mga banal (perseverance of the saints), o “eternal security” ayon sa iba, ay bunga ng katotohanan ng hindi natatanggihang biyaya ng Diyos. Walang tao na pinagkalooban ng biyaya at Espiritu Santo a mapapahamak, sapagkat ang biyaya at Espritung iyon ay iniingatan siya tungo sa perpektong kaligtasan sa Araw ni Cristo.

Hindi Calvinism, na magagawa ng isa ang anumang naisin niya at maliligtas pa rin siya, o ang isang banal ay hindi mahuhulog sa kasalanan. Laban sa paratang na ang doktrina ng pagtitiyaga (perseverance) ay nagpapahiwatig na magagawa ng tao ang magustuhan niya at pupunta pa rin siya sa langit, sagot ng Calvinism na iniingtan tayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagbabanal sa atin, sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating pananampalataya, at sa pagbibigay sa atin ng kaloob ng pagtitiyaga. Tungkol naman sa “malumbay na pagbagsak” ng mga Cristiano, at minsa’y nagagawa, ng mga banal na mahulog sa kasalanan, kahit na “malaki at karumaldumal na mga kasalanan,” subalit ang nananahang Espiritu, na hindi ganap na humihiwalay sa kanila, ay inihahatid sila sa pagsisisi. Ibinabahagi ng Calvinism sa lahat ng tunay na mananampalataya ang hindi masukat na mahalagang kaaliwan na “tiyak nilang sinasampalatayanan na sila ay patuloy na mananatiling tunay at buhay na mga bahagi ng iglesya, na mayroon silang kapatawaran ng mga kasalanan at buhay na walang hanggan” (Canons of Dordt, V, 9).

Ang kabuoan ng kaligtasang inilalarawan sa itaas ay nagmumula sa walang hanggang paghirang (election) ng Diyos. Ang katotohanan ng paghirang ay isa pang katangian ng mga doktrinang Calvinist. Hinirang, pinili, ng Diyos kay Cristo mula nang walang hanggan (eternity) ang ilan mula sa lahi ng tao—isang tiyak, takdang bilang ng mga tao—tungo sa kaligtasan. Ang pagpiling ito ay walang kundisyon, mapagbiyaya, at walang bayad; hindi ito dahil sa anumang bagay na unang nakita (foreseen) doon sa mga pinili. Ang pagtatakwil (reprobation) ay nakapaloob dito. Hindi pinili ng Diyos ang lahat ng tao; kundi tinanggihan niya ang ilang tao, sa walang hanggang panukala. Walang pagkakaiba kung ang pananaw ng isang tao na ang pagtatakwil ay paglampas ng Diyos sa ilang tao sa Kanyang panukala ng paghirang mula sa walang hanggan (na, ang totoo’y, isang desisyon ng Diyos tungkol sa kanilang walang hanggang tadhana), o kung ang pananaw ng isa na ito ay positibong pagtatakda na ang ilang tao ay mapapahamak sa kanilang kasalanan, kawalang pananampalataya, at pagsuway. Ang paghirang at pagtatakwil ang bumubuo sa pagtatalaga (predestination). Itinakda ng Diyos ang tadhana sa lahat ng tao mula sa walang hanggan. Ang katotohanang ito ay itinuturing bilang “tatak” ng Calvinism. Ang pinapuso ng Iglesiang Reformed ay ang paghirang, ang mapagbiyayang pagpili ng Diyos sa atin na mga makasalanan, nahahatulan at masama, karapatdapat sa pagkasumpa, tungo sa kaligtasan.

Ang paghirang ang bukal ng lahat ng kaligtasan! Ito ang sukdulan, napagpasiyahan, nakakakumbinsing pruweba, at garantiya na ang kaligtasan ay mapagbiyaya—na ang kaligtasan ay hindi nadepende sa tao, kundi sa Diyos; na angn kaligtasan ay hindi ideya ng tao, kundi ng Diyos; na ang kaligtasan ay hindi gawa ng tao, kundi ng Diyos; na ang kaligtasan ay hindi dahil sa desisyon ng tao para sa Diyos, kundi sa eternal na desisyon ng Diyos para sa tao.

Ganito mismo ang pananaw ni Calvin sa pagtatalaga o predestination—bilang pinal, walang alinlangan, hindi masasalungat na patotoo sa, at garantiya ng, mapagbiyayang kaligtasan. Kaya, sa kanyang pinakamahusay na edisyon ng Institutes (1559) tinalakay ni Calvin ang predestination sa hulihan ng Aklat III, pagkatapos ng pagtalakay niya ng pagtutubos na nakay Cristo ang pagtalakay niya sa paglalapat ng katubusan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sinulat ni Calvin:

Hindi natin madadamang nakumbinsi tayo ayon sa nararapat na ang ating kaligtasan ay dumadaloy mula sa walang bayad na awa ng Diyos bilang bukal nito, malibang maipakilala sa atin sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang paghirang, ang biyaya ng Diyos na inilalarawan sa pagsasalungatan – alalaong baga’y hindi niya inilalaan sa lahat ang pag-asa ng kaligatasan, kundi ibinibigay Niya sa ilan ang ipinagkakait Niya sa iba (III, XXI, 1).

Ito ang Calvinism!

Ito ang Ebanghelyo!

Ipinapahayag ng Ebanghelyo ang kapighatian ng tao bilang total depravity o ganap na pagkamakasalanan, kabilang ang pagkaalipin ng kanyang kalooban (will). Tinutukoy ng Efeso 2:1 ang espiritwal na kalagayan ng makasalanan, bago ang pagbibigay-buhay ng Espiritu ni Cristo, sa ganitong paraan, “patay sa mga pagsalangsang at mga kasalanan.” Habang patay sa espiritu, ang makasalanan ay salat sa lahat ng kabutihan, sa anumang kakayahan para sa kabutihan, at sa kakayahan at kagustuhang baguhin ang kalagayan ito. Sa sarili niya’y wala siyang magagawa at ang kanyang kalagayan ay wala nang pag-asa—ang kawalang-kakayahan at kawalang-pag-asa ng kamatayan. Ganito rin ang hatol ng Roma 8:7-8 sa tao: “Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari; at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.” Ang “kaisipang laman” ay ang kalikasang tao sa kalagayan nito mula pa sa pagkasilang. Gayon ang kalagayan nito na wala itong kakayahang magpasakop sa kautusan ng Diyos. Sila na nasa laman ay sila na hindi pa naipapanganak muli sa Espiritu ni Cristo, sila na mga labas kay Cristo. Gayon ang kanilang espiritwal na kalagayan na hindi nila kayang bigyang-lugod ang Diyos; ang kaya lamang nilang gawin ay magkasala. Bago mapagpasiyahan at magawa ng makasalanan ang mabuti at nakalulugod sa Diyos, dapat munang gawin ng Diyos sa kanya ang pagpapasiya at paggawa, sa pamamagitan ng Espiritu ni Cristo (Filipos 2:13).

Ipinapahayag ng Ebanghelyo ang kamatayan ni Cristo bilang kamatayan na mabisang tinutubos ang ilang tao, imbis na isang kamatayan na ginagawa lamang posible ang kaligtasan para sa lahat ng tao. Tinutro ng Kasulatan ang limitadong pagtutubos (limited atonement). Tinuro mismo ni Cristo ang tungkol sa Kanyang kamatayan sa Juan 10:15: “… at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa.” Sa pagpapatuloy pa ng kabanata, malinaw na sinabi ng Panginoon na may ilang tao na hindi kabilang sa “mga tupa”: “Subalit hindi kayo naniniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa” (v. 26). Namatay Siya para ilang tao, “ang mga tupa,” na itinatangi sa ibang mga tao, na hindi kabilang sa Kanyang mga tupa. Inilarawan ni Cristo ang Kanyang kamatayan sa Mateo 20:28: “Kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa (Griego: ‘alang-alang sa’) marami. Ang mahalagang punto ay hindi gaano sa sinabi Niya na namatay Siya para sa “marami,” hindi para sa “lahat,” kundi sa sinabi Niya na ang Kanyang kamatayan ay pantubos para sa, o kahalili ng, iba. Sa Kanyang kamatayan, binayaran Niya ang halagang pantubos sa Diyos alang-alang sa maraming makasalanan. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng paghalili Niya sa kanila, isinuko ang sarili Niyang buhay para sa kanila na hindi na karapatdapat mabuhay. Ang epekto ng kamatayang ito ay bawat isa na pinaglaanan Niya ng kamatayan ay napalaya sa kasalanan, kamatayan at impiyerno. Walang kahit isa na pinaglaanan Niya ng kamatayan ay mapapahamak. Wala sa kanilang puwedeng mapahamak, dahil ang pantubos ay nabayaran na. Ang Ebanghelyong ito (at wala ng iba pa) ay ipinangaral na ng propeta ng mabuting balita, si Iasias, sa Isaias 53: inako ng nagdurusang Cristo ang kasalanan ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng paghahampas sa Kanya ng Diyos bilang kahalili nila.

Ipinapahayag ng Ebanghelyo ang isang hindi matatanggihang biyaya (irresistible grace), bilang kapangyarihan na nagliligtas sa mga hinirang na makasalanan. Hindi puwedeng mangyari ang kabaligtaran, kung ang makasalanan ay “patay sa mga pagsalangsang at mga makasalanan.” Matapos ituro ito sa Efeso 2:1, nagpatuloy ang apostol sa pagtuturo ng hindi matatanggihang biyaya sa mga talatang 4-5: “Ngunit ang Diyos, palibhasa’y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin, maging noong tayo’y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo’y naligtas.” Ang pagliligtas sa makasalanan, sa anumang kaso, ay ang pagbuhay ng Diyos sa kanya mula sa kamatayan, na inilalarawan ng mga kababalaghan ni Cristo ng pagbuhay Niya sa mga pisikal na patay. Ngayon dalawang bagay ang totoo tungkol sa muling pagkabuhay: ito ay gawa ng Diyos lamang, kung saan ang taong binubuhay ay hindi nakikipagtulungan; at ito ay makapangyarihan—hindi nabibigo ang Diyos na isagawa ang muling pagbuhay sa sinumang naisin Niyang buhayin. Sa bersikulo 10 ng kabanatang ito, inihahambing ni Pablo ang gawang pagliligtas sa atin sa gawa ng paglikha, sa gayo’y nililinaw Niya na ang gawang ito ay tanging gawa ng Diyos na Manlilikha, at hindi kailan man gawa ng nilalang na nilikha: “Sapagkat tayo’y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa …” Ipinaliwanag ni Jesus na ang kaligtasan ay nangyayari sa pamamagitan ng makapangyarihan pagdadala o paglalapit ng Makapangyarihang Diyos, sa Juan 6:44: “Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin …”

Ipinapahayag ng Ebanghelyo ang pagtitiyaga ng mga banal (perseverance of the saints). Sinabi ni Jesus, “Pinapakinggan ng aking tupa ang aking tinig, at sila’y aking kilala, at sila’y sumusunod sa akin. Sila’y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay. Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng aking Ama. Ako ant ang Ama ay iisa” (Juan 10:27-30). Binibigyan ni Jesus ng buhay na walang hanggan ang bawat isa sa Kanyang mga tupa; at wala ni isa sa mga banal na iyon ay mapapahamak. Imposible na may makaagaw sa isang banal mula kamay ng Diyos, iyon ay, ibunsod ang isang ipinanganak-na-muling anak upang bumagsak sa kapahamakan. Ang dahilan ay hindi ang lakas ng mga banal, kundi ang kapangyarihan ng biyaya ng Diyos (“ang aking Ama … ay higit na dakila kaysa lahat” [KJV]). Ang mga salitang ito na Jesus ay nagbibigay linaw na ang naka-aaliw na katotohanan ng pagpapatuloy sa kaligtasan ay nakadepende sa paghirang (election) at hindi matatanggihang biyaya (irresistible grace). Ang mga banal ay nagpapatuloy, dahil ibinigay sila ng Ama kay Jesus at dahil binibigyan (hindi: sinusubukang bigyan, kundi: binibigyan) sila ni Jesus ng buhay na walang hanggan.

Bilang sanhi at sandigan ng kaligtasan, ipinapahayag ng Ebanghelyo ang paghirang ng Diyos (Divine election). Ang katotohanang ito ay lantad sa Bibliang Lumang Tipan: pinili ng Diyos ang Israel upang maligtas, habang itinatakwil ang ibang bansa. Sinasabi sa Israel ng tagapamagitan ng lumang tipan: “pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa. Kayo’y inibig at pinili ng Panginoon hindi dahil sa kayo’y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao; kundi inibig kayo ng Panginoon …” (Deut. 7:6-8).

Sa perpektong pagsang-ayon ng lantad na katotohanang ito sa lumang tipan, iniuugnay ng Tagapamagitan ng bagong tipan ang bawat aspeto ng kaligtasan pabalik sa paghirang ng Diyos. Ang Kanyang nagbibigay-buhay na kamatayan ay umuusbong mula sa paghirang: “upang bigyan ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya” (Juan 17:2). Ang habag at panalangin Niya bilang pari ay nireregulahan ng paghirang: “Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo” (Juan 17:9). Ang Kanyang nakapagliligtas na paghahayag ng katotohanan sa mga tao ay nakadepende sa paghirang: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan…” (Juan 17:6). Ang paglapit ng mga tao sa Kanya sa tunay na pananampalataya ay bunsod ng paghirang: “Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin …” (Juan 6:37). Ang pag-iingat Niya sa mga tao sa pananampalataya at angn muling pagbuhay Niya sa mga taong ito tungo sa kaluwalhatian ay dahil sa paghirang: “… na sa lahat ng ibinigay Niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw” (Juan 6:39).

Ang paghirang o election ay may prominenteng bahagi sa Ebanghelyo na ipinangaral ng mga apostol. Ito ang dahilan ng kaligtasan ng bawat naligtas, at ang sanhi ng lahat ng pagpapala ng kaligtasan: “… ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo … siyang nagpapala sa atin … ng bawat pagpapalang espiritwal … ayon sa pagpapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan …” (Efeso 1:3-4). Sa ibabaw ng pagtatalaga (predestination) ay pinanday ang ginto (at hindi napuputol) na tanikala ng kaligtasan: “at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuturing niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya” (Roma 8:30). Ang buong ilog ng awa ng Diyos na nakay Jesus ay dumadaloy mula sa Kanyang kalooban ng paghirang; at ang makapangyarihang pagiging mapagbiyaya ng Kanyang kalooban ay inilalarawan sa ganitong paraan, na pinagmamatigas ng Diyos ang ilang tao ayon sa Kanyang eternal na pasiya ng pagtatakwil (reprobation): “Kaya nga siya’y may awa sa kanyang maibigan at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan” (Roma 9:18).

Hindi puwedeng balewalain ang mga doktrinang ito, na tinatawag na “Calvinism;” kapag ang mga ito ay hindi ipinapangaral at hindi ipinapahayag, ang mga ito ay tinututulan. Ang bawat mangangaral, ang bawat Simbahan, ang bawat myembro ng bawat Simbahan ay dapat na manindigan tungkol sa mga ito, at talaga namang naninindigan. Imposibleng hindi gawin ito. Sapagakat ang mga ito ay nakasulat sa malalaking titik sa mga pahina ng Kasulatan, bilang mahahalagang elemento ng Ebanghelyo. Sinuman ang tumututol sa Calvinism ay niyayakap ang kapalit ng Calvinism—isang sistema ng doktrina na sumasalungat sa Calvinism sa lahat ng punto.

Tinututulan ba ng isang tao ang ganap na pagkamakasalanan (total depravity) ng tao? Kung gayon naniniwala siya na ang nahulog, ang taong makalaman ay may tinataglay pang kaunting mabuti at kaunting kakayahan para magawa ang kabutihan, partikular ang isang kalooban (will) na may kakayahang magdesisyon para kay Cristo; na ang taong wala kay Cristo ay hindi patay sa kasalanan, kundi may sakit lamang, iyon ay hindi patay, kundi buhay.

Tinututulan ba ng isang tao ang limitadong pagtutubos (o limited atonement)? Kung gayon naniniwala siya na si Jesus ay namatay para sa bawat isang tao na walang nililiban. Dahil sa ang Kasulatan at ang mabibigat na katotohanan ng buhay ay nagtuturo na ang ilang tao ay napapahamak sa impiyerno, ang tagapagtanggol na ito sa pagtutubos para sa lahat (universal atonement) ay naniniwala na ang kamatayan ni Jesus ay hindi totoong tumubos para sa kasalanan ng lahat, kundi ginawa lamang “posible” ang pagtutubos; na ang krus ay hindi pambayad sa halaga ng pagtutubos para sa bawat isa na pinag-alayan ng kamatayan ni Cristo, kundi isang halimbawa lamang ng pag-big; na ang pagdurusa ng Anak ng Diyos ay hindi mabisang naganap ang katarungan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpasan ng mga kasalanan, kundi …? Kundi ano? Mayroon bang anumang nagawa? At kung wala, Siya nga ba talaga ang Anak ng Diyos na nagkatawang tao?

Tinututulan ba ng isang tao ang hindi matatanggihang biyaya (o irresistible grace)? Kung gayon naniniwala siya na ang pagtawag ng Diyos tungo sa kaligtasan at ang biyaya ng Banal na Espiritu ay nakadepende sa pagtanggap ng makasalanan sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang “malayang kalooban” (free will) nang sa gayo’y ang biyaya ng Diyos ay puwedeng matalo at mabigo. Dagdag pa, naniniwala siya na, kapag ang makasalanan ay lumalapit kay Jesus sa tunay na pananampalataya at tumanggap ng kaligtasan, hindi ito dahil sa biyaya ng Diyos, kundi sa mabuting kalooban (good will) ng makasalanan.

Tinututulan ba ng isang tao ang pagtitiyaga ng mga banal (perseverance of the saints)? Kung gayo’y naniniwala siya na ang bawat mananampalataya ay puwedeng tumalikod at mapahamak anumang oras, kabilang na siya.

Tinututulan ba ng isang tao ang pagtatalaga ng Diyos (o predestination)? Kung gayon, naniniwala siya na ang ultimong sanhi at pundasyon ng kaligtasan ay ang pagpili, desisyon, at kalooban ng tao.

Sa katapustapusan, mayroong dalawa, at tanging dalawa lang, na posibleng pananampalataya. Pinanghahawakan ng isa na ang buong sangkatauhan ay nasa kamatayan; na ang Diyos sa malaya at soberano Niyang biyaya ay eternal na pinili ang ilan; na ibinigay ng Diyos si Cristo upang mamatay para roon sa Kanyang mga pinili; na ipinapanganak silang muli ng Espiritu Santo at mabisa silang tinatawag tungo sa pagsampalataya; at iniingatan ng Espiritu ang mga hinirang na ito, mga tinubos, at muling ipinanganak na mga makasalanan tungo sa walang hanggang kaluwalhatian. Ito ang Calvinism.

Ang isa pang pananampalataya ay nagtuturo na may nananatili pang kaunting kakayahang espiritwal ang taong nahulog sa kasalanan upang magawa ang mabuti, may kaunting buhay; na ang pagpili ng Diyos sa mga tao ay nakadepende sa kanilang paggamit ng kakayahang gawin ang mabuti na nasa kanila; na ang kamatayan ni Cristo ay nakadepende sa kabutihang nasa isang tao; na ang pagkakamit ng walang hanggang kaluwalhatian ay nakadepende sa kabutihang iyon sa tao. Ito ang kaaway ng Calvinism. Ito ang kaaway ng Ebanghelyo! Dahil ipinapahayag ng Calvinism ang kaligtasang batay sa biyaya; ang isang pananampalataya naman ay ipinapangaral na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng kalooban (will) ng tao, at gawa at halaga ng sarili.

Ang Calvinism ang Ebanghelyo! Ang Ebanghelyo ng Diyos ay ang mensahe ng buung-buong mapagbiyayang kaligtasan. Hindi nito ibig sabihin na ang Calvinism ay hindi nakakasakit o nakakatisod. Salungat nga dito! mismong si Calvin ay binigyang diin noon kung paanong kinamuhian ang katotohanang kanyang tinuro, lalung lalo na tungkol sa ganap na pagkamakasalanan (total depravity):

Hindi lingid sa akin kung gaano kapani-paniwala ang pananaw, na binubunsod tayo na manangan sa ating sariling mabubuting katangian kaysa isaalang-alang kung ano ang lalamon sa atin sa kahihiyan—ang ating miserableng karukhaan sa espiritu at kahihiyan. Walang mas katanggap-tanggap pa sa kaisipan ng tao maliban sa paghanga sa sarili … Kapag nabanggit ang isang paksa na nagbibigay papuri sa kahambugan na likas na umuusbong sa kaibuturan ng puso ng tao, wari’y wala nang mas kaiga-igaya pa. Sang-ayon dito, sa bawat panahon, kung sino ang malakas ang loob na nagtataas sa kagalingan ng kalikasan ng tao, ay tinatanggap nang may pinakamaingay na papuri (Institutes, II, 2, 2).

Subalit ang pagkatisod ng mga tao sa Calvinism ay walang iba kundi ang pagkatisod sa krus ni Cristo. Sa Galacia 5:11, nagsalita si Pablo tungkol sa “katitisuran ng krus,” isang katitisuran na mapapawi lamang sa pangangaral ng isang kabulaanan na tumatanggi sa krus. Ang krus ni Cristo, na siyang mismong puso ng Ebanghelyo, ay hindi nakalulugod sa tao, ni katanggap-tanggap man sa kanya. “Subalit ipinapangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil” (I Corinto 1:23). Ang krus, bilang krus ng eternal na Anak ng Diyos sa ating laman, ay ipinapakita ang lawak ng kapighatian ng taong nahulog: maliligtas lamang siya sa pamamagitan ng kamatayan ng Anak ng Diyos. Mauubos ang mga salita na magpapatunay sa laki ng kapighatian ng makasalanan, na inilalahad ng krus: sukdulang napapahamak, ganap na nawawasak, ganap na makasalanan. Ipinapakita ng krus na ang kaligtasan ay mula sa Panginoon, buung-buong biyaya ng Diyos lamang, at ganap na hindi mula sa tao. Bilang krus ng Prinsipe ng buhay, ang krus ay makapangyarihang nagliligtas. Walang anuman o sinuman ang magpapawalang-bisa o tatalo sa dugo at Espiritu ni Cristo na napako sa krus. Ang Ebanghelyo ng krus ay ang mensaheng ito: “Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos” (Roma 9:16).

Dahil lang ito ang mensahe ng Calvinism, ang Calvinism ay katitisuran sa mga tao. Nakakatisod sa taong hambog kung kanyang marinig na siya ay patay sa espiritu, ganap na walang anumang nakalulugod sa Diyos, ganap na walang kakayahang iligtas ang sarili, walang ng iba kundi isang anak ng pagkapoot. Subalit ito ang hatol sa kanya ayon sa Calvinism—at sa Ebanghelyo. Nakakatisod sa taong hambog na kanyang marinig na ang kaligtasan ay eksklusibong walang bayad na regalo ng Diyos at makapangyarihang, mapagbiyayang gawa. Ngunit iyon ang ipinapangaral ng Calvinism—at ng Ebanghelyo.

Dahil lang dito, ang Calvinism ay mabuting balita! Ito ay Ebanghelyo, masayang balita! Bilang mensahe ng biyaya, inaaliw tayo nito at lahat silang, sa pamamagitan ng biyaya ng Espiritu, ay sumasampalataya kay Cristo. Ang mensahe lang na ito ang makapagbibigay pag-asa sa mga taong napapahamak, makasalanan, at mga walang pag-asa. Mayroong kaligtasan, dahil lang ang kaligtasan ay mapagbiyaya.

Ang pagtatanggol sa Calvinism ay isang bagay lang na pagtatanggol sa Ebanghelyo. Kaya, hindi natin ito ipinagtatanggol nang may pagpapaumanhin o pagsalag, o kung waring walang katiyakan ang katayuan nito, ay nakadepende ito sa ating pagtatanggol. Bilang katotohanan ng Diyos, ang Calvinism ay tumitindig at ito ay mananayo, nagtatagumpay at hindi natatalo. Ang Diyos mismo ang nagpapanatili nito; at Diyos mismo ang nagpapahayo ng hindi matatanggihang landasin ng pananakop sa buong sanlibutan.

Ang Calvinism ay ang Ebanghelyo sa lahat ng kapanahunan. Ito ang katotohanang naging dahilan ng pagsapit ng Repormasyon (Reformation) ng Iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo noong ika-16 na siglo. Hindi nagbago ang Ebanghelyo simula noon; si Cristo sa Kanyang katotohanan ay Siya kahapon, at ngayon at magpakailan man. Subalit ang katotohanan ng Ebanghelyo ay laganap na nawala at nabaon sa mga Protestanteng Iglesia sa ating kapanahunan, kabilang na sila na nagmamalaking sila’y “fundamental” at “evangelical.” Ang Ebanghelyo ay nabaluktot na upang maging isang mensaheng katulad ng diwa ng mensaheng kinalaban ng Repormasyon at sa panig nito’y masidhing sinalungat ang Repormasyon. Noong mga panahong iyon, ipinangaral ng Iglesiang Romano ang kaligtasang kailangang makamit sa pamamagitan ng mga gawa ng tao, tulad pa rin ng ipinapangaral nito ngayon; tinuro ng Iglesiang Romano na ang mga tao ay matuwid sa harapan ng Diyos, sa pamamagitan ng kanilang sariling gawa, bilang bahagi nila, tulad pa rin ng tinuturo nito ngayon. Sa panahon natin, tinuturo at ipinapangaral ng mga simbahang Protestante na ang kaligtasan ay nakadepende sa sariling kalooban (will) ng tao; ipinapahayag nila na kailangang makamit ng makasalanan ang kanyang kaligtasan sa pamamagitan ng pagde-desisyon (willing). Ang “ebanghelyo” na ito ng karamihan sa Protestantismo at ang “ebanghelyo” ng Roma ay iisa lamang at magkatulad. Sa diwa nila, wala silang pagkakaiba. Ito ang dahilan kung bakit maraming Protestanteng Iglesia, mangangaral, ebanghelista, at mga tao ay posibleng malalim na makipagtulungan sa Simbahang Romano Catolico, lalung-lao na sa gawain ng evangelism; at ito rin ang dahilan kung bakit ang malaking pagbabalik sa Iglesiang Romano ng maraming Protestante ay nalalapit na. Sinasabi ng Roma (Catolico), “Ang kaligtasan ay nakadepende sa taong gumagawa;” sinasabi naman ng modernong Protestantismo, “Ang kaligtasan ay nakadepende sa taong nagkukusa.” Pareho lang ang sinasabi ng dalawa: “Ang kaligtasan ay nakadepende sa tao.” Pinag-iisa ng apostol ang dalawang bersyon ng iisang pangunahing doktrinang ito sa Roma 9:16, at kinukundina sila: “Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.”

Matapos kundinahin ang mga hidwang pananampalatayang (heresies) ito idineklara ni Pablo na ang sanhi ng ating kaligtasan ay ang Diyos na nagpapakita ng awa—ang Diyos lamang na nagpapakita ng awa; ipinoproklama niya na ang kaligtasan ay nakadepende sa Diyos na nagpapakita ng awa—sa Diyos lamang na nagpapakita ng awa. Ito ang mensahe ng Calvinism; at dahil ito nga, ang aming pagtatanggol ng Calvinism ay matapang, walang kompromiso, walang ikinahihiyang pagtatanggol. Sinasabi namin tungkol sa Calvinism kung ano ang minsang sinabi ni B.B. Warfield tungkol dito: “ang kinabukasan ng Cristianismo—tulad ng ginawa ng nakaraan nito—ay nakasalalay sa kanyang kamay.”

Pinabubulaanan namin ang mga maling akusasyong ibinabato laban sa Calvinism, at ang mga karikatura na ginagawa rito. Sinasabi ng mga tao tungkol sa Calvinism na mapaminsala ito sa mabubuting gawa at sa kautusan ng Diyos, na nagbubunga ito ng mga walang ingat na Cristiano. Sinasabi ng mga tao na sinisira nito ang kasigasigan sa pangangaral at pagmimisyon. Sinasabi ng mga tao na nakakatakot ito sa mga may mahihinang budhi, na ito ay walang puso at matigas, at ang mga Calvinists ay puro lang ulo at walang puso.

Luma nang mga paratang ang mga ito, ika nga’y namumuti na sa katandaan. Matatagpuan mo ang mga ito na halos eksaktong mga salitang ibinato sa apostol, kay Pablo, at sa Ebanghelyo na kanyang ipinangaral (cf. Roma 3:8; 3:31; 6:1ss.; at 9:19ss.).

Huwag sanang madaling tanggapin ng mga tao ang karikatura ng Calvinism na inihanda ng kanyang mga kaaway laban sa kanya, kundi hayaang magsalita ang Calvinism para sa kanyang sarili, sa mga pormal na kapahayagan (confession) nito. Basahin ang Heidelberg Catechism, o ang mga Westminster Catechisms, mapapatunayan mo sa iyong sarili kung ang Calvinism nga ba ay matigas, malamig o walang puso at malupit, at kung ito ay mainit at nakakaaliw. Basahin ang Belgic Confession, o ang Westminster Confession of Faith, makita mo kung binabalewala ng Calvinism ang kautusan ng Diyos o ang mabubuting gawa ng taong Cristiano, o kung nangangatal ito sa harapan ng kautusan, binibigyang diin ang pagpapabanal, at iginigiit ang kahalagahan ng mabubuting gawa. Basahin ang Canons of Dordt, ang kredong Reformed na hindi nahihigitan sa kanyang pagpapahayag sa pagtatalaga ng Diyos (predestination) at sa pagtatanggol nito sa kaligtasang batay lamang sa biyaya, at makita mo kung pinuputol ng Calvinism ang ugat ng masiglang pangangaral ng Ebanghelyo, kabilang ang seryosong panawagan ng Ebanghelyo sa mga nakakarinig ng pangangaral. Masdan din ang kaamuan ng Pananampalatayang Reformed sa mga makasalanang nagsisisi, at ang malalim na pagbibigay-halaga nito tulad ng pastol sa mga nababagabag ang kunsyensya.

Gayon din naman, tayo na mga Reformed na mananampalataya at simbahan ay dapat pabulaanan ang mga karikatura ng Calvinism sa pamamagitan ng ating buhay at gawa. Nabibilang din ito sa isang “Pagtatanggol ng Calvinism.” Makakabuti kung babantayan natin ang ating mga sarili, gayon din ang ating doktrina. Masigasig ba tayo sa mabubuting gawa? Handa ba tayong ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng nilalang at magbigay ng sagot sa bawat taong humihingi sa atin ng paliwanag tungkol sa pag-asang nasa atin? Namumuhay ba tayo bilang masayahin, puspos ng pag-asa, at panatag na mga mananampalataya? Gagawin natin ito, sa biyaya ng Diyos, kung mamumuhay tayo mula sa katotohanan ng Calvinism, iyon ay, ang Ebanghelyo.

Mayroon tayong makapangyarihang motibo upang ipagtanggol ang Calvinism. Isa rito, bilang Ebanghelyo ito ang tanging pag-asa para sa mga makasalanang tao—ang tanging kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan, ang tanging pamamaraan sa pagkalap at pag-iingat sa Iglesia.

Higit na nakakakumbinsi ay, niluluwalhati ng Calvinism ang Diyos. Ang kaluwalhatian ng Diyos ang tibok ng puso ng Calvinism at ang puso ng mga puso ng bawat Calvinist. Ganito ang palaging nakita ng mga kaaway ni Calvin at nilait siya bilang “ang lalaking iyon na lasing sa Diyos” (“that God-intoxicated man”). Ibinibigay ng Calvinism ang kahanga-hangang sagot sa tanong na, “Ano ang kataastaasang layunin ng tao?”: “Ang kataastaasang layunin ng tao ay luwalhatiin ang Diyos at ikasiya siya habang panahon” (Westminster Shorter Catechism, Quest. 1). Ngunit ang kaluwalhatian ng Diyos ang hangarin ng Ebanghelyo, iyon ay, ang hangarin mismo ng Diyos sa pamamagitan ng Ebanghelyo: “… para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya” (Efeso 1:6). Hindi Niya ibibigay sa iba ang Kanyang kaluwalhatian (Isaias 42:6). “Mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay;” Sumakanya nawa, kung gayon, ang kaluwalhatian magpakailan man (Roma 11:36).

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito.
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/

Show Buttons
Hide Buttons