Rev. Angus Stewart
(1)
Ang pagkakakilanlan ng isang tao ay pumapatungkol sa kung sino siya. May dalawang problema dito. Una, ano ang pagiging tao sa pangkalahatang pananaw? Pangalawa, sino ako sa ganang akin? Ang pagkakakilanlan ng tao at ang personal na pagkakakilanlan ay marahil ang mas malaking isyu sa ating mundo ngayon kaysa noon.
Ano ang isang tao? Sa nakalipas na 150 na taon, ang mga katutubo ay hinahamak sa kabila ng katotohanang tayo naman talaga ay nagmula sa ating mga unang magulang, kina Adan at Eba (Mga Gawa 17:26). Katulad nito, 75 na taon na ang lumipas, ang Nazis ay di-makatarungang inuri ang isang grupo ng tao bilang Untermenschen, kabilang rito ang mga Hudyo, na “sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman” (Roma 9:5).
Maraming naniniwala na ang mga ‘di pa naipapanganak na sanggol ay hindi tao. Kaya sila ay maaari ring itapon o patayin gaya ng mga Katutubo o mga Hudyo sa nakaraan. Sa mga ilang lugar sa mundo, mayroong pagnanais na ituring ang mga hayop bilang mga tao na may legal na mga “karapatan” (hal. mga bonobo, mga chimpanzee, mga elepante, mga balyena, mga dolphin, at mga agila).
Kumakalat ang modernong “kultura ng kamatayan”, hindi lamang ang aborsyon (ang pagpatay ng mga ‘di pa naipapanganak na sanggol) sa isang dulo ng buhay ng tao, ngunit pati euthanasia (ang boluntaryong pagpatay sa mga matatanda) sa kabilang dulo naman ng buhay ng tao. Bukod dito, ang paghingi ng pahintulot ay nagiging problema dahil may mga ulat ng mga di-boluntaryong euthanasia. Sa patuloy na paglala, pinapayagan na din ang pagkitil ng buhay sa kalagitnaan ng taon ng tao lalo na ang mga may malubhang kapansanan o nakakaranas ng matinding sakit.
Lahat ng ito’y nagbibigay katanungan. Sino ba tayo bilang mga tao? Ano ang ating buhay?
Ang ating katawan ay kasama sa ating pagkakakilanlan. Habang ang mga Kanluraning lipunan ay bumabalik sa paganismo, ang pagbubutas sa katawan ay makikitang nagiging talamak. Hindi lamang ang pagbubutas ng tainga ngunit pati ng ilong, dila, pusod at iba pang mga parte ng katawan. Ang mga lalaki, maging ng mga babae, ay ginagawa ito.
Kasama ng pagbubutas ng katawan, ang pagpapa-tattoo ay halos makikita na sa lahat ng dako—sa mga babae, maging sa mga lalaki. Ginagamit ng ilan ang tattoo (at iba pang paraan ng pagpapabago ng katawan) para mas lalo silang maging kawangis ng mga hayop.
Ang iba ay nagsusulong na mas lalong maging katanggap-tanggap ang paghuhubad sa publiko. Kung tayo’y galling nga sa hayop, dahil ‘di naman nagsusuot ng damit ang mga hayop, bakit ‘di tayo maghubo? Ang mga ideya ay may kahihinatnan; umiiral ang mga prinsipyo!
Anong mga pananaw ng isang tao sa kanyang sariling pagkakakilanlan at kahulugan ng buhay ang makukuha niya sa paglalasing at paggamit ng droga gayong ang ganoong mga gawain ay pagpasok sa pagkalimot?
Ang sekswalidad ng isang tao ay isang aspeto ng kanyang pagkakakilanlan. Lagi nating naririnig ang patungkol sa homosexuality,bisexuality at marami pang iba. Parte ng depensa ng mga ganyang pamumuhay at pag-uugali ay ito: “Ganito kami! Dapat ninyong respetuhin kung ano kami!” Ang mga ito’y agresibong dinedepensahan, hinihimok, pinapalawig at ipinagdiriwang sa maraming aspeto kahit pa sa usaping legal, pulitika, kultura at edukasyon.
Ang iba’y ginagawa at ikinakalat ang pakikipagtalik sa mga hayop (bestiality). Ilan sa mga kat’wiran nila ay: “Tayo’y mga hayop din katulad nila. Ang ibang hayop ay tila gustong-gusto ito. Walang nasasaktan sa mga ginagawa namin.” Sa ating makamundong panahon, ang pinaka-ligal na argumento laban sa bestiality ay ang karapatan ng mga hayop!
Ang marital status (katayuang sa pag-aasawa) ng isang tao ay isang aspeto ng kanyang pagkakakilanlan. Sa nakalipas na ilang taon, ang pagsasamang sibil ay naipakilala na para sa mga bakla at tomboy. Sinabi ng mga tagapagsulong na iyon lamang ang gusto nila. Ngunit ang tinta ay halos ‘di matuyo nang ipaglaban naman nila ang homosexual “marriage”bilang karapatang pantao! Sa mga naninindigang ang kasal ay sa pagitan lamang ng lalaki at babae, gaya ng itinuro ng Panginoong Hesu Kristo (Mateo 19:4-6), ay tinutuligsa bilang “mga panatiko” (bigots) at mas masahol pa. Kamakailan lang sa UK, kagaya din naman sa ibang bansa, ang kampanya para sa heterosexual (sa pagitan ng lalaki at babae) na pagsasama ay ‘di nagtagumpay.
Ang kasarian ng isang tao ay parte ng kanyang pagkakakilanlan. Sa ngayon, hindi na dalawa ang kasarian: lalaki at babae (Genesis 1:27); mayroon na tayong iba pang “pagpipilian.” Sa bagong form ng Brighton, mayroon silang binigay na 25 na pagpipilian! Ang transgenderism ay isang bagong ipinaglalaban ng marami upang pangatwiranan ang lalaking naniniwala, o gustong maging, babae at sa isang banda, ganun din naman ang babae. Ginagawa ng isang tao ang paglipat sa gusto niyang kasarian sa pamamagitan ng pag-inom ng hormones, pagpapaopera or pagpaparetoke, pagsusuot ng mga gusto niyang damit, pagpapalit ng pangalan, atbp. Napasimulan na ang pagtatalo patungkol sa tamang panghalip. Sa halip na “he”o “she” (sa sistema ng wikang Ingles), ang isang tao ay maaaring pumili ng mga gender-neutral na panghalip gaya ng “ze,” “e,” “xhe,” “they” o iba pa.
Gaya din naman ngtransgenderism, mayroon na tayong transracism. Mayroon isang aktibistang Amerikana ang binago ang kanyang buhok, kulay ng balat, pananalita, atbp., at nagsabing siya raw ay itim. Gayunpaman, lumabas na siya ay puti. Ang kanyang pinaka-ipinaglalaban ay, “Lahat ay dapat irespeto ang aking sariling pagkakakilanlan! Kung sasabihin kong ako’y itim, ako nga’y itim!”
Mayroon ding transageism, kung saan ang matatandang kalalakihan (or kababaihan) ay umaasta o kumikilos na parang mga bata at inaaliw ang kanilang sarili sa mga laruan. Kung ang kasarian, sekwalidad, lahi, atbp. ng isang tao ay maaaring bigyan ng sariling pakahulugan o palagay ,ayon sa kanyang nasa at nararamdaman, nang hindi isinasaalang-alang kung ano ba talaga ang totoo o reyalidad, ano ngayon ang masama kung ang isang lalaking may edad 50 ay ipalagay ang kanyang sarili bilang 6 na taong gulang na batang lalaki o babae (o kahit pa bilang pusa o aso)?
Saan ito magtatapos? Mayroong mga tao na gustong may kapansanan (sa pag-aasta nilang ganyan, mayroong nagpaputol na ng mga paa nila). Ito ay transableism. Sa panahon ngayon na lahat ay tama, sino ang hahamon para tutulan sila?
Taong 1979, isinulat nina Francis Schaeffer at Everett Koop ang sikat na librongWhatever Happened to the Human Race? Malamang mas marami pa siguro silang maisusulat patungkol sa taong 2017.
Ang ating mundo, lalo na sa Kanluran, ay lubhang nalilito at naliligaw patungkol sa kahulugan ng buhay at ng sarili. Marami ang walang kapagurang “hinahanap ang kanilang mga sarili” o “gumagawa ng bagong sila” o “muling kinikilala ang kanilang mga sarili.” Marami ang hindi alam kung sino sila o ayaw kung sino sila o sawa na kung sino sila. Ang ilan ay naghahanap sa mga pagano o relihiyon sa Silangan, o naghahanap sa kanilang mga sarili, o naghahanap sa pabago-bagong opinion ng publiko upang makasumpong ng kahit konting kahulugan ng buhay . Marami na ang nalumpo dahil sa takot sa kung ano ang sasabihin ng ibang tao tungkol sa kanila.
Siguradong may mas mainam pang paraan! Paano kung iyon ay ang ebanghelyo ni Hesu Kristo at dito masusumpungan natin ang ating tunay na pagkakakilanlan sa Kanya at sa pag-ibig ng Diyos?
(2)
Gaya ng nakita natin sa nakaraang isyu ng News (Covenant Reformed News), ang pananaw ng Kanluranin ay mas lalong nagiging makamundo at laban sa Kristyano. Bagaman walang tao ang nakakaalam ng hinaharap, maraming kadahilanan ang nagtatagpo at nagmumungkahi na ang mga bagay ay mas lalo pang lalala sa hinaharap.
Nangunguna d’yan ang evolutionism. Mahigit sa 150 na taon na ang lumipas nang isinulat ni Charles Darwin ang tanyag na librong The Origin of Species na nailimbag noong 1859. Sa panahong ito, ang kaisipangevolution ay umiiral na sa lahat ng aspeto ng kaisipan at gawa ng tao. Ayon sa Evolutionism, ang tao ay isa lamang nabuong putik. Ang buhay ay isa lamang bagay samakat’wid ay walang saysay. Kaya naman ang tao ay ‘di nalalaman, at hindi kayang malaman, kung saan s’ya nagmula at kung saan s’ya hahantong.
Pumapangalawa naman ang postmodernism na kung saan walang ganap na katotohanan. Ang katotohanan ay nakabase sa kung ano ang totoo sa’yo. Ang pag-alam sa kung ano ba talaga ang totoo ay makapagbibigay lamang ng yabang sa tao. Ang diumano’y gobyerno na siyang may mas higit na kakayahan ay ang s’yang nangangalaga ng “katotohanan” para sa tao.
Pangatlo, mayroong makapangyarihang pulitikal at ligal na pwersa, gaya nghomosexual lobby, na naglalayong isantabi at patahimikin ang Salita ng Diyos. Ang pagkakakilanlan ng tao ay patuloy na nagbabago, habang ang mga aktibistang homosexual at ang kanilang mga tagasuporta ay matagumpay na nailatag ang kanilang mga plano. Marami pa ang darating, habang ang mga tao ay lalong nasasanay sa ganitong bagay at lalo silang nagiging handa para sa mga susunod pang hakbangin o yugto.
Pang-apat, may mga teknolohikal na pag-unlad o pagbabago sa medisina, computing,robotics, atbp., maging sa mga teorya at gawi na naglalayong impluwensyahan ang madla.
Sa lahat ng ito, patuloy na binabago ang tao at ang kanyang pagkakakilanlan: binabago ang tao bilang hayop, binabago ang mismong tao, binabago ang kasal, binabago ang sekwalidad, binabago ang kasarian, atbp.
Bago at kasama ng pagbabagong ito sa tao ay ang pagbabago o pagbibigay ng ibang pakahulugan sa Diyos, lalo na sa maling pananaw patungkol sa pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig na Diyos ang numero unong pinapakilala bilang katangian Niya at, bilang epekto, nag-iisang Niyang katangian. Ang karunungan Niya, ang pagiging maalam sa lahat, ang Kanyang katarungan, kapangyarihan, di-pagbabago, kabanalan, pagkawalang hanggan, atbp., ay naisantabi dahil sa maling pananaw patungkol sa Kanyang pag-ibig. “Kaya nga, kahit na umiiral ang Diyos, hindi Siya banta sa atin o sa ating makasalanang pamumuhay”—‘yan ang kaisipan ng isang hangal.
Ang di-malinaw at di-nakakasakit na Diyos ng puro emosyon at di-makatwirang pag-ibig ay pinapalitan ng tao, binabago ng tao, nang may pinakamataas na pagkilala sa tao bilang isang malaya o autonomous state. Bukod pa rito, ang estado o bansa ay lalong nakikita ng marami bilang isang intermediate na yugto sa kilusan patungo sa isang isang-daigdig na pamahalaan (one-world government).
Lahat ng pagbibigay ng bagong kahulugan na ito sa tao at sa Diyos ay ginagawa upang maging malambot na ang mundo para sa Anti-Cristo o ang tao ng kasalanan na siyang “sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na Diyos o sinasamba; anupa’t siya’y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos” (II Tesalonica 2:4).
Salamat at mayroon tayong Salita ng Diyos na may mga katotohanang matatag na nailatag naman at naituro kahit sa unang pahina pa lang ng Biblia. “Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1). Siya ang Manlilikha at Pinuno ng sansinukob. Sa Genesis 1 pa lang, mababasa natin Siya bilang Diyos, ang (nag-uutos na) Salita at Espiritu ng Diyos (1-3). Tinutukoy ni Jehovah ang Kanyang sarili bilang parehong “Ako” (isahan o singular; 29) at “kami” (maramihan oplural; 26), ang Diyos na iisa at nasa tatlong Persona.
Ang katotohanan tungkol sa pinagmulan ng tao at likas na katangian ay na siya ang pinakamataas na sangay ng paglikha, na ginawa sa huling araw ng lingguhang paglikha. Ang lahat ay ginawa para sa kanya upang mapagsilbihan niya ang kaluwalhatian ng Diyos (Kapahayagang Belgic, art. 12). Ang tao ay hindi produkto ngcosmic chance at random mutations—sa madaling sabi, hindi siya produkto ng pagkakataon.
Ang tao ay nilikha mula sa alabok at sa hininga ng Diyos (Genesis 2:7). Ang dalawang aspeto ng banal na paglikha ng Diyos sa tao ay tugma sa kanyang katauhan na may kapwa katawan at kaluluwa. Kaya nga dapat silang magalak sa kung ano ang mayroon sila o kung ano sila!
Ang tao ay nilalang sa larawan ng Diyos (1:26-27; 5:1; 9:6), hindi sa larawan ng unggoy. Siyang tunay na ang tao ay dapat magkaroon ng maka-diyos na pamamahala sa mga hayop, isda at mga ibon (1:28).
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan sa dalawang kasarian. Ang mga salita ni Cristo sa mga Pariseo dalawang libong taon na ang nakaraan ay akma pa rin sa ating lipunan ngayon: “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae” (Mateo 19:4; winiwika ang Genesis 1:27)? Kaya nga’t magalak ka sa kasariang ibinigay sa’yo ng Diyos!
Nilalang ni Jehovah ang sangkatauhan para sa kasal, na isang pag-iisang laman sa pagitan ng isang lalaki at isang babae hangga’t sila’y nabubuhay. Gaya ng Sinabi ni Cristo, “Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mat. 19:6). Kaya nga’t maging kuntento ka sa buhay walang asawa at sa buhay may asawa (I Corinto 7).
Ang Kataas-taasan ay nilalang ang tao para magtrabaho. Magtrabaho sa loob ng anim na araw para sa kaluwalhatian ng Diyos sa iyong karapat-dapat na pagtawag o panawagan (Gen. 2:1-3; Exodo 20:8-11)! Mamahinga ka kay Cristo (Mat. 11:28) lalo na sa Araw ng Panginoon (Apocalipsis 1:10).
Ang mga bagay sa unang pitong talata ay base sa unang dalawang kabanata ng Biblia. Sila ay mga pangunahin na katotohanan patungkol sa sangkatauhan, at kung ano ang makabubuti sa kalalakihan at kababaihan. Ngunit, habang ang ating lipunan ay mas lalong nagiging makatao at pagano, kahit ang mga pangunahing mga saligang ito para sa buhay ng tao sa mundo ng Diyos ay iniaalis na.
Marami tayong naririnig sa ating panahon ngayon patungkol sa “pagkakapantay-pantay.” Ang mga sumusunod ay susi sa biblical na balangkas ng pagkakapantay-pantay. Pantay-pantay nilikha ng Diyos ang tao. Lahat ay pantay-pantay na ikinatawan kay Adan at nahulog kasama siya, kaya lahat nga’y naging lubos na masama (Rom. 5:12-21). Lahat ay dapat magdamit upang itago ang kanilang kahubaran (Gen. 3:21). Ang lahat ay pantay-pantay na pinamamahalaan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang panukala at probidensya (Efeso 1:11). Kaya dapat nating kilalanin ang ating mga sarili bilang mga nakapasailalim sa matalino at makapangyarihang pamumuno ng Diyos.
Bukod dito, kasama sa biblical na pagkakapantay-pantay ang katotohanang lahat ay tatayo sa harap ng luklukan ng paghahatol ng Panginoong Hesu Cristo. Ang tumpak na ebanghelyo na siyang dumating sa lahat, mga Judio man o mga Hentil: Ang kaligtasan ay na kay Cristo lamang, at lahat (pantay-pantay) ay dapat magsisi at sumampalataya sa Kanya!
(3)
Ang mga kalalakihan at kababaihan ay tunay na nalalaman at nagagalak sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga tao, bilang lalaki at babae, kay Cristo Hesus lamang! Tayo ay pumasok sa ating bago at espirituwal na buhay sa pamamagitan ng bagong kapanganakan. Nagkaroon muna tayo ng pisikal na kapanganakan at tayo ay ipinanganak muli na may espirituwal na kapanganakan. Ang ating unang kapanganakan ay dito sa ibaba; ang ating pangalawang kapanganakan ay mula sa itaas. Para sa marami sa’tin, ang ating unang kapanganakan ay nangyari sa ospital; ang ating pangalawang kapanganakan ay mula sa langit.
Itong pangalawang kapanganakan ay nagbibigay kakayahan sa atin upang maunawaan natin ang ating panlupang pagkakakilanlan bilang mga tao at ito rin naman ang nagbibigay sa’tin ng espirituwal at makalangit na pagkakakilanlan bilang mga Kristyano. Sa pamamagitan ng ating bagong kapanganakan, tayo ay mga anak ng Diyos sa Kanyang Anak, hindi tayo mga ulila. Ang Diyos ay ang ating Ama, “Ama naming nasa langit,” bilang isinaysay sa Panalangin ng Panginoon. Sa Kanya tayo tumatawag ng, “Abba, Ama” (Roma. 8:15; Galacia 4:6).
Para sa mga mayroong bagong buhay sa pamamagitan ng bagong kapanganakan, tayo’y mga bagong kalalakihan at bagong kababaihan kay Cristo. Gaya ng sinasabi ng II Corinto 5:17, “ang mga lumang bagay ay lumipas na.” Kasama sa mga ito ang luma at makasalanang mga pananaw sa pagkakakilanlan—paganong pananaw, makamundong pananaw, mga walang saysay na tradisyon na ipinamana sa atin ng mundo (cf. I Pedro 1:18).
“Kaya’t kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago” (II Cor. 5:17). Ito ang ating bagong pagkakakilanlan at bagong buhay sa ating Panginoong Hesus.
Nakakamangha na matagpuan natin ang ating pagkakakilanlan kay Cristo! Ano ang ibig sabihin ng pagpapawalang-sala ng mga mananampalataya? Ano ang katuwiran ng Diyos na ipinataw at ibinilang sa akin? Ito ay hindi anumang katuwiran na aking ginawa kundi ang katuwiran ng iba, katuwiran ni Jesu-Cristo.
Ano ang pinapaging-banal? Hindi anumang kabanalan o kabutihan na aking ginawa. Ito ang kabanalan ni Jesu-Cristo mismo na ginawa sa akin sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu. “Si Cristo ang nabubuhay sa akin, at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos” (Gal. 2:20). Namatay ako sa unang Adan; nabuhay ako sa pamamagitan ng huling Adan!
Ano na nga ba ang nangyari sa bawat isang mananampalataya? Gaya ng Sinabi ni Hesus! Matatagpuan natin ang ating mga tunay na sarili sa pamamagitan ng pagtanggi sa ating mga sarili at pagkawala ng ating mga buhay alang-ala sa Kanya (Mat. 16:24-25); Matatagpuan natin ang ating tunay na pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagkawala ng ating lumang pagkatao at makasalanang pagkakakilanlan.
Ang isang mananampalataya ay nalalamang siya’y hindi perpekto—malayong-malayo! “Simul Justus et peccator,” gaya ng iniwika ni Martin Luther, na, “Matuwid at makasalanan din.” Ang isang anak ng Diyos ay matuwid ng may katuwiran ng Diyos kay Jesu-Cristo na natatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Ngunit siya din naman ay mga makasalanan. Hindi lamang ako mayroong bagong nilalang kay Jesu-Cristo ngunit mayroon din naman akong lumang pagkatao o nananahang kasalanan. Bagaman ang laman ay itinakwil na at hindi na nangingibabaw pa, ito ay nagnanasa pa rin para sa kasalanan at laban sa espiritu (Gal. 5:17). Mayroong pakikipaglaban sa loob natin at ito ay bahagi din naman ng ating pagkakakilanlan habang tayo ay nabubuhay. Ngunit ang bagong nilalang na “ako” (cf. Rom. 7:14-25), sa pinakamalalim na pakahulugan, ay dominante at magpakailanman, samantalang mamamatay ang aking lumang pagkatao kasama sa aking pisikal na kamatayan.
Ito ang iyong pagkakakilanlan, anak ng Diyos. Ikaw ay iniibig na nilalang—iniibig ng Diyos. Ikaw ay iniibig na Niya bago ka pa mabago, bago ka pa ipanganak at kahit bago pa itatag ang sanlibutan, dahil ikaw ay iniibig kay Jesu-Cristo ayon sa walang hanggang panukala ng Diyos ng pagkahirang!
Ikaw ay isang tinubos! Ikaw ay binili ni Jesu-Cristo mula sa kasalanan at kamatayan at impyerno sa pamamagitan ng pagbabayad ng Kanyang dugo doon sa krus! “Ito ang tangi kong kapanatagan sa buhay at kamatayan,” sabi ng anak ng Diyos, ayon sa mga panimulang salita ng Katekismong Heidelberg, “Na sa aking katawan at kaluluwa, sa buhay man at kamatayan, hindi ko pag-aari ang aking sarili, sa halip ako ay pag-aari ng aking tapat na Tagapagligtas na si Jesu-Cristo; sa pamamagitan ng Kanyang mahalagang dugo, Siya ay naging lubos na kabayaran sa lahat ng aking mga kasalanan, at nagpalaya sa akin mula sa lahat ng kapangyarihan ng diyablo.”
Tayo ay nasa mapagbiyayang tipan ng Trinidad kay Jesu-Cristo. Ang siyang Pinuno ng daigdig, na tumatahan sa walang hanggan, na naninirahan sa mataas at banal na dako maging sa may pagsisisi at mapagpakumbabang-loob (Isaias 57:15). Ang aking Maylikha ay inihahayag ang Kanyang sarili sa Kanyang magagandang likha sa’king paligid maging sa Kanyang walang kamaliang Salita at sa krus ni Jesu-Cristo.
Paano pa na ang pagiging na kay Jesu-Cristo ay natutukoy ang ating pagkakakilanlan? Kay Cristo, mayroon tayong masaganang buhay (Juan 10:10), hindi sa buhay ng pagkaalipin sa kasalanan. Kay Cristo, mayroon tayong layunin: “Ang pangunahing layunin ng tao ay dakilain ang Diyos, at magalak na makasama Siya sa walang hanggan” (Maikling Katekismong Westminster, A. 1), kung saan marami ang nalilihis ng landasin sa buhay nang hindi nalalaman kung ano ba dapat ang kanilang ginagawa o bakit sila narito.
Mayroon tayong dignidad dahil tayo’y mga propeta, pari at hari kay Jesu-Cristo. At hindi tayo nag-ibanyuhay na protoplasm. Nakakaapekto ito sa ating buhay at gawain! Tayo’y mayaman sapagkat lahat ng bagay ay atin na nagsisilbi sa ating kaligtasan (I Cor. 3:21). Tayo’y hindi mga espirituwal na pulubi!
Alam natin ang pagkakaiba ng tama sa mali (dalub-asalan; ethics) at para sa’tin, hindi iyon mababago ng bawat ilang taon na mga bagong batas sibil, opinion, maging ng PC elite o ng bulaang iglesia. Ang moral na batas ng Diyos (‘di katulad ng di-makadiyos na batas ng tao) ay isinulat sa bato at sa’ting mga puso, ayon sa pangako ng bagong tipan (Jeremias 31:33; II Cor. 3:3)!
Alam natin ang gagawin sa’ting mga katawan. Ang ating mga katawa’y para sa Panginoon at hindi para sa pakikiapid (I Cor. 6:13). Ang mga bahagi ng ating katawan ay dapat magamit bilang “kasangkapan ng pagiging matuwid,” hindi bilang kasangkapan ng karumihan at ng kasamaan (Rom. 6:13, 19).
Sa madaling sabi, kay Jesu-Cristo, tayo’y naging mga totoong nilalang, mas mabubuting kalalakihan at kababaihan, mga isinasalarawan ang Diyos na ating Maylikha at si Cristo na ating Manunubos. Pagkatapos ng lahat, tayo ay naselyohan na, hindi ng may 666 (ang numero ng halimaw), ng selyo o tatak ng Espiritu!
Translated by: Jeremiah Baguhin Pascual
*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/