Menu Close

Nasa Langit Ba Si Pope John Paul II?

“At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya …” (Lucas 16:23 )

Rev. Angus Stewart

Mismong si John Paul II, noong nabubuhay pa siya sa mundo, ay hindi inangkin na pagkamatay niya ay makakasama niya si Cristo sa paraiso. Dahil ayon sa opisyal na katuruang Romano Catolico, walang sinuman ang makakaalam kung pupunta siya sa langit kapag siya ay namatay, maliban sa pamamagitan ng espesyal at direktang kapahayagan. Ang ipinapalagay na merito ng mga misa, penitensya, pagdalangin sa mga santo, pag-aayuno, mga panatang paglalakbay, mga indulhensya at ang iba pa ay hindi makapagbibigay kaaliwan at katiyakan ng walang hanggang kaligtasan. Sapagkat sino ang makapagsasabi na ang kanilang mga gawa ay busilak? At kailan sila nakagawa nang sapat? Tanong nga ng kawikaan, “Puso ko’y aking nalinisan; ako’y malinis mula sa aking kasalanan”? (Kawikaan 20:9).

Bukod pa rito, ang Iglesia Romana Catolica mismo ay hindi naniniwala na si John Paul II ay nasa langit. Masdan ang mga misa para sa patay at ang mga panalanging iniaalay para sa kanyang kaluluwa. Sang-ayon sa katuruang Romano Catolico sila lamang na nasa purgatoryo at hindi sila na nasa Langit ang nakikinabang sa mga ganoong misa at panalangin. Subalit ang purgatoryo ay kathang-isip lamang! Ayon sa pagkakalahad ng Westminster Confession, “Maliban sa dalawang pook na ito para sa mga kaluluwang nahiwalay sa kanilang mga katawan [Langit at Impyerno], wala nang kinikilala pa ang kasulatan” (32:1).

Bagamang kinikilala ng maraming “sinserong tao” na ang papa ay nasa Langit at iniisip ng Iglesia Romana na siya ay nasa purgatoryo, nauunawaan ng biblikal na Cristiano na siya ay nasa Impyerno. Ipapakita ko sa ibaba ang dalawang simpleng dahilan sa kongklusyong ito: ang pangangaral niya ng ibang ebanghelyo at ang kanyang idolatrya o pagsamba sa diyus-diyosan.

(1) Tinutulan ng papa ang “pag-aaring ganap” (justification) sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang, na tinatawag ng Diyos na “katotohanan ng ebanghelyo” (Gal. 2:5, 14). Nabuhay si John Paul II “sa pagka-alipin” (4:9; 5:1) at nasa ilalim ng “sumpa” ng Diyos (3:10), sapagkat hindi niya sinunod “ang katotohanan” (3:1; 4:16; 5:7) na “nagayuma” ni Satanas at ng kasalanan (3:1). Ang Diyos ay hindi maaaring lokohin: sinuman na “bumabaluktot sa ebanghelyo ni Cristo” (1:7) “ay tatanggap ng parusa sinuman siya,” kabilang na ang papa (5:10). Ipinahayag ni apostol Pablo, “Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain!” (1:8). Pagkatapos ay inulit ng apostol ang seryosong salita: “Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain!” (1:9).

Kung ang mga apostol o anghel man ay susumpain kapag nangaral sila ng ibang ebanghelyo, paano makakatakas ang papa? Bilang pinuno ng higit 1 bilyong Romano Catolico, ipinangaral ni John Paul II ang bulaang ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya at gawa sa lahat ng kontinente, inaakay ang milyun-milyong tao tungo sa Impyerno. Pinangunahan pa niya ang isang simbahan na opisyal na kinundina ang ebanghelyo ni Cristo at ang lahat ng sumasampalataya sa ebanghelyong iyon, dahil ang Kunseho ng Trent kabilang ng lahat ng mga anatema (sumpa) nito (1545-1563) ay sinang-ayunan sa Vatican II (1962-1965).

(2) Isipin mo rin ang lahat ng kanyang mga idolatrya bilang obispo ng bulaang iglesia ng Roma. Si John Paul II ay habang-buhay na mananamba sa ostiya ng misa, at kanyang sinasamba at hinahalikan ang mga larawang pangrelihiyon, mga rebulto, mga krus atbp. Inialay niya ang kanyang sarili at ang buo niyang pagka-obispo sa Birheng Maria at sinikap na itaguyod ang pagsamba kay Maria (Mariolatrya) sa buong mundo. Hindi niya inilihim na ang kanyang personal na moto ay totus tuus sum Maria (“Maria, ako’y iyong iyo”). At nariyan pa ang kanyang mga lapastangang pag-angkin na siya ang pangulo ng iglesia at kahalili (bikaryo) ni Cristo sa mundo. Ang Salita ng Diyos—ang pamantayan ng lahat ng Kanyang mga paghatol (Juan 12:48)—ay nakapakalinaw. “Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan…ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos” (I Cor. 6:9-10). Sa labas ng makalangit na lunsod ay mga “sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan,” dahil ang “mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan” (Apo. 22:15; 21:8).

Ngunit may awa ang Diyos sa lahat ng mga makasalanang nararapat sa Impyernong katulad natin na tumalikod mula sa “dumi” ng pagiging matuwid sa sarili (Fil. 3:8; Isa. 64:6) tungo sa perpektong katuwiran ng Diyos na nakay Cristo lamang!

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/

Show Buttons
Hide Buttons