Menu Close

Kapahayagang Belgic

Mga Larawan sa Pabalat

Ang unang larawang-guhit ay pagtatangkang paglalarawan kay Guido deBres ang awtor ng ating Belgic Confession. Ito’y pagtatangkang paglalarawan sapagkat wala talaga siyang pormal na larawang naiwan bilang alaala. Ang larawang-guhit ng mukha ni Guido deBres ay iginuhit ng mga pinunong pari na suklam na suklam sa tunay na Ebanghelyong ipinangaral ni Guido deBres. Noong Disyembre 24, 1561 ang pamahalaan na pinangungunahan ng mga pinunong pari ay nagpalabas ng utos sa bawat bayan na dakpin si deBres sa salang pangangaral ng katuruang salungat sa kanila. Dahil sa tindi ng pag-uusig gamit ang “Spanish inquisition” bilang parusa sa mga mananampalapataya, si deBres ay nagpatagu-tago, nagpapalit-palit ng hitsura at ng pangalan, ginamit niya ang pangalang Jerome sa halip na Guido. Kaya si deBres ay naging “wanted” ng mga awtoridad at ang larawang-guhit ng kanyang mukha ay ikinalat sa halos lahat ng dako na mababasa sa ilalim nito ang deskripsiyon ni deBres sa wikang French, “Description de certain heretique predicant, par ci-devant appele Guy, et presentement nomme Jerome.” Na ang kahulugan ay “Ito ang larawan ng isang heretik na mangangaral na dating kilala sa pangalang Guy ngunit ngayon ay tinatawag na Jerome.” At sinundan ito ng deskripsiyon kay deBres tulad ng siya raw ay nasa pagitan ng 36 at 40 años, matangkad, may mahaba, hapis at namumutlang mukha. May balbas na hindi naman itim ngunit mamula-mula at minsan ay mahaba at minsan ay maigsi. May mataas na balikat at nakasuot ng itim na amerikana na sira-sira na ang kuwelyo. Madalas nagpapalipat-lipat ng tirahan at papalit-palit ng pangalan at kasuotan. Ngunit di naglaon ay nahuli rin siya ng mga awtoridad, kinulong at pinahirapan at noong Mayo 31, 1567 sa idad na 47 años siya ay binitay sa harapan ng publiko, tapos ay inilibing sa mababaw na lupa na pagdakay hinukay ng mga asong ligaw at mababangis na hayop at kanilang kinain ang kanyang bangkay. Siya si Guido deBres na sa kabila ng matinding pag-uusig ay nanatiling tapat sa katotohanan ng Ebanghelyo ng Biyaya ng Diyos at ipinamana sa atin ang ang napakahalagang kapahayagan ng ating pananampalataya, ang Belgic Confession.

Ang dalawang larawan sa gawing ibaba ay mga halimbawa ng “Spanish inquisition” na sinumulang gamitin ng hari na si King Charles V noong 1522 upang sugpuin ang paglago ng mga protestante. Ang “Spanish inquisition” ay isang malupit na pagpapahirap sa mga nahuling protestante, ang layunin ay sa gitna ng matinding pahirap ay itakwil nila ang pananampalatayang protestante at yakapin muli ang pananampalatayang Romano Catoliko. Ang hindi magtakwil ay tuloy-tuloy sa matinding hirap hanggang sa malagutan ng hininga. Si Guido deBres at ang iba pang mananampalataya ay tahasang nagpahayag ng tunay na pananampalataya sa kabila ng lupit ng “Spanish inquisition”!

Paunang Salita

Sa kasaysayan, ito ay ang una sa ating three forms of unity, yamang ito’y nalathala noong 1561. Tinatawag itong Belgic Confession sapagkat ito’y sinulat sa southern Lowlands, na ngayon ay kilala sa tawag na Belgium. Ang pangunahing awtor nito ay si Guido deBres, isa sa mga manlalakbay na mangangaral na nagbuwis ng buhay alang-alang sa Ebanghelyo noong kapanahunan ng pag-uusig.

Sa ilalim ng pamumuno ni Philip II ng Espanya, na kapanalig ng Romano Catoliko, ang mga mananampalatayang Reformed sa Lowlands ay pinag-uusig bilang mga rebolusyunaryo. Isinulat ang Confession na ito sa pangunahing layunin na patunayan sa hari ng Espanya na ang mga Reformed na mananampalataya ay hindi mga rebolusyunaryo, na tulad ng akusasyon sa kanila, kundi mga masunuring mamamayan na nanampalataya lamang sa mga doktrinang itinuturo ng Banal na Kasulatan. Noong 1562 isang kopya ang ipinadala sa hari ng Espanya, kalakip ang isang pakiusap na matigil na ang pag-uusig. Ang mga nakiusap ay nagpahayag na sila’y handang sumunod sa pamahalaan sa lahat nitong kautusan, bagama’t kung kinakailangan ay “handa silang ibigay ang kanilang likod para sa mga latay ng latigo, maputol ang mga dila, mabasag ang mga bibig, masunog ang buong katawan sa apoy, kaysa naman ikaila nila ang katotohanan ng Salita ng Diyos.”

Ang Confession at pakiusap ay binale-wala ng mga pamunuan ng Espanya. Gayun pa man, naging isang paraan ito ng pagtuturo sa mga mananampalatayang Reformed at naging kapahayagan ng pananampalataya ng mga mananampalatayang inuusig dahil sa kapakanan ni Cristo. Masasalamin din ito sa mga pananalitang ginamit. Bagama’t sa mga artikulo ng Confession ay sinunod ang pagkakasunod-sunod ng doktrina, makikita rin naman ang personal na elemento sa bawat artikulo, na nagsisimula sa mga pananalitang tulad ng, “Sumasampalataya kami…,” “Sumasampalataya’t aming ipinapahayag…,” “Kaming lahat ay suma-sampalataya sa aming mga puso at ipinapahayag ng aming mga labi …”

Ang Confession na ito ay pinagtibay ng maraming mga pambansang synod noong ika-16 na siglo, at, matapos ang maingat na rebisyon ng texto, ay sinang-ayunan at pinagtibay ito ng Synod of Dordrecht, noong 1618–1619, at magmula noon ay napasama na sa ating three forms of unity.

The Confession of Faith, 1561

Revised in the National Synod Held at Dordrecht, in the Years 1618 and 1619.

Artikulo 1 – Mayroon Lamang Iisang Diyos

Kaming lahat ay sumasampalataya sa aming mga puso at ipinapahayag ng aming mga labi, na mayroon lamang nag-iisa1 at espirituwal2 na Buhay, na tinatawag naming Diyos; at Siya ay walang hanggan,3 di-kayang lubos na maunawaan,4 hindi nakikita,5 hindi nagbabago,6 walang hangganan,7 makapangyarihan sa lahat, ganap ang karunungan,8 makatarungan,9 mabuti,10 at pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.11

______________

1 Efeso 4:6; Deuteronomio 6:4; I Timoteo 2:5; I Corinto 8:6
2 Juan 4:24
3 Isaias 40:28
4 Roma 11:33
5 Roma 1:20
6 Malakias 3:6
7 Isaias 44:6
8 I Timoteo 1:17
9 Jeremias 12:1
10 Mateo 19:17
11 Santiago 1:17; I Cronica 29:10-12

Artikulo 2 – Mga Paraan ng Pagpapakilala ng Diyos

Nakikilala namin Siya sa dalawang kaparaanan: una, sa pamamagitan ng paglalang, pagpapanatili at pamamalakad ng sansinukob;1 na sa aming paningin ay isang maringal na aklat, kung saan ang lahat ng mga nilalang, dakila at hindi, ay mga karakter na nagtuturo sa amin na pagnilay-nilayin ang mga di-nakikitang mga katangian ng Diyos, na ang mga ito’y ang Kanyang kapangyarihan at pagka-Diyos, tulad ng sinabi ni Apostol Pablo (Roma 1:20). Lahat ng mga ito’y sapat upang mapaniwala ang mga tao at mawalan sila ng maidadahilan.

Ikalawa, higit na mas malinaw at ganap Niyang naipapakilala ang Kanyang sarili sa amin sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Salita;2 samakatuwid baga’y ang mga bagay na kailangan naming malaman sa buhay na ito, para sa Kanyang kaluwalhatian at sa aming kaligtasan.

______________

1 Awit 19:2; Efeso 4:6
2 Awit 19:8

Artikulo 3 – Ang Nasusulat na Salita ng Diyos

Ipinapahayag namin na itong Salita ng Diyos ay hindi ipinadala ni ibinigay ng kalooban ng tao, kundi ang mga banal ng Diyos ay nagsalita ng kilusin ng Espiritu Santo, tulad ng sinabi ni apostol Pedro.1 At pagkatapos, dulot ng Kanyang natatanging pangangalaga sa amin at sa aming kaligtasan ay ipinag-utos Niya sa Kanyang mga lingkod, mga propeta2 at mga apostol3 na isulat ang Kanyang ipinahayag na Salita sa Kasulatan; at Siya mismo, sa pamamagitan ng Kanyang sariling daliri ay nagsulat ng dalawang bahagi ng Kautusan.4 Kaya nga tinatawag namin ang mga kasulatang iyon na Banal na Kasulatan na nagmula sa Diyos.

______________

1 II Pedro 1:21
2 Exodo 24:4; Awit 102:19; Habakuk 2:2
3 II Timoteo 3:16; Apocalipsis 1:11
4 Exodo 31:18

Artikulo 4 – Mga Kanonikal na Aklat ng Banal na Kasulatan

Sumasampalataya kami na ang Banal na Kasulatan ay napapaloob sa dalawang aklat, na tinatawag na, ang Matanda at Bagong Tipan, na mga kanonikal, na laban sa mga ito ay walang maipaparatang na kamalian. Ang mga ito ay kinilala sa Iglesia ng Diyos.

Ang mga aklat ng Matandang tipan ay: Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, Deuteronomio, Josue, Mga Hukom, Ruth, II Samuel, II Samuel, I Mga Hari, II Mga Hari, I Mga Cronica, II Mga Cronica, Ezra, Nehemias, Esther, Job, Mga Awit, Mga Kawikaan, Eclesiastes, Ang Awit ng mga Awit, Isaias, Jeremias, Mga Panaghoy, Ezekiel, Daniel, Hoseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Sefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias.

Ang mga aklat naman ng Bagong Tipan ay: ang apat na ebanghelista, ang mga ito nga’y ang, Mateo, Marcos, Lucas, at Juan; ang Gawa ng mga Apostol; ang labing-apat na sulat ni Pablo, alalaong baga’y: isa sa mga taga-Roma, dalawa sa mga taga-Corinto, isa sa mga taga-Galacia, isa sa mga taga-Efeso, isa sa mga taga Filipos, isa sa mga Colosas, dalawa sa mga taga-Tesalonica, dalawa kay Timoteo, isa kay Tito, isa kay Filemon, isa sa mga taga-Hebreo; pito ang sinulat ng ibang mga apostol, ito nga’y, isa kay Santiago, dalawa ang kay Pedro, tatlo ang kay Juan, isa ang kay Judas; at ang Apocalipsis na sinulat ni apostol Juan.

Artikulo 5 – Kung Saan Nagmumula ang Karangalan at Kapangyarihan ng Banal na Kasulatan

Tinanggap namin ang lahat ng mga aklat na ito, at ang mga ito lamang, bilang banal at kanonikal, para sa pamamalakad, batayan, at pagpapatibay ng aming pananampalataya; walang halong dudang pinaniniwalaan ang lahat ng mga bagay na nilalaman nito, hindi naman dahil sa tinanggap at sinang-ayunan ng Iglesia na gayon nga kundi dahil sa mas mahalagang dahilan, sapagkat ang Espiritu Santo ang nagpapatunay sa ating mga puso na ang mga ito ay mula sa Diyos, na ang ebidensiya ay mismong nasa Kasulatan. Kahit ang mga bulag ay kayang maunawaan na ang mga bagay na sinabi noong una pa ay nagkakaroon ng kaganapan.

Artikulo 6 – Ang Kaibahan ng Kanonikal sa Apokripal na mga Aklat

Kinikilala naming iba ang mga Banal na Aklat kaysa sa mga tinatawag na apokripal. Ang mga apokripal na mga aklat ay: ang pangatlong aklat ni Esdras, Tobit, Judith, Ang Karunungan ni Solomon, Eclesiastico, Baruc, Ester, Awit ng Tatlong Kabataan, Susana, Si Bel at ang Dragon, Ang Panalangin ni Manaseh, ang dalawang aklat ng Macabeo. Ang mga ito’y maaaring basahin ng Iglesia at matututo sa mga ito kung ang mga ito’y umaayon sa mga Kanonikal na mga Aklat; ngunit ang mga ito’y walang kapangyarihan at walang bisang magpatibay ng pananampalataya at relihiyon ng Cristianismo; ni hindi dapat ang mga ito na makabawas sa kapangyarihan ng mga Banal na Aklat.

Artikulo 7 – Ang Kasapatan ng Banal na Kasulatan Bilang Pamantayan ng Pananampalataya

Sumasampalataya kami na ang Banal na Kasulatan ay ganap na naglalaman ng kalooban ng Diyos, at anumang dapat na paniwalaan ng tao para sa kaligtasan ay sapat na itinuturo nito.1 Sapagkat, yamang ang buong paraan ng pagsamba na hinihingi ng Diyos sa amin ay nasulat na sa mga ito, hindi tama para kanino man, kahit na siya ay apostol, na magturo ng kakaiba2 kaysa sa itinuro ng Banal na Kasulatan; hindi tama, kahit na ang magturo nito ay anghel mula sa langit, tulad ng binanggit ni apostol Pablo.3 Yamang ipinagbabawal na magdagdag at magbawas ng kahit na ano sa Salita ng Diyos,4 ito’y nagpapatunay na ang doktrinang nasulat dito ay perpekto at kumpleto sa lahat ng aspeto.

Hindi rin namin itinuturing na kasing halaga ng Banal na Kasulatan ang mga sinulat ng mga tao, kahit na sila man ay itinuturing na banal,5 ni hindi rin dapat na ituring ang kaugalian, o ang maraming tao, o tradisyon, o kasaysayan ng panahon at tao, o mga konseho, kautusan, panuntunan, na kasing halaga ng katotohanan ng Diyos,6 sapagkat ang katotohanan ng Banal na Kasulatan ay nakahihigit sa lahat; sapagkat lahat ng mga tao ay likas na sinungaling7 at mas hambog pa kaysa sa pinakahambog. Kaya nga buong puso naming tinatanggihan ang anumang hindi ayon sa walang-pagkakamaling pamantayan8 na itinuro sa amin ng mga apostol, na kanilang sinabi na subukin ang mga espiritu, kung sila ay sa Diyos o hindi.9 Gayundin naman, kung may lumapit sa inyo at hindi ayon sa Kasulatan ang kanyang katuruan ay huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong tahanan.10

______________

1 Roma 15:4; Juan 4:25; II Timoteo 3:15-17; I Pedro 1:1; Kawikaan 30:5; Apocalipsis 22:18; Juan 15:15; Gawa 2:27
2 I Pedro 4:11; I Corinto 15:2-3; II Timoteo 3:14; II Timoteo 1:3; II Juan 10
3 Galacia 1:8-9; I Corinto 15:2; Gawa 16:22; Roma 15:4; I Pedro 4:11; II Timoteo 3:14
4 Deuteronomio 12:32; Kawikaan 30:6; Apocalipsis 22:18; Juan 4:25
5 Mateo 15:3; 17:5; Marcos 7:7; Isaias 1:12; Corinto 2:4
6 Isaias 1:12; Roma 3:4; II Timoteo 4:3-4
7 Awit 62:10
8 Galacia 6:16; I Corinto 3:11; II Tesalonica 2:2
9 I Juan 4:1
10 II Juan 10

Artikulo 8 – Ang Diyos ay Iisa sa Diwa, Ngunit Nahahayag sa Tatlong Persona

Ayon sa katotohanang ito at sa Salita ng Diyos, sumasampalataya kami sa tangi at nag-iisang Diyos, na Siyang nag-iisang diwa,1 kung saan ay may tatlong persona,2 na totoo, tunay, at mula pa sa walang hanggan ay magkakaiba ayon sa Kanilang katangian na makikita sa Kanila lamang; sila nga’y, ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo.3 Ang Ama ang sanhi, pinagmulan, at simula ng lahat ng mga bagay na nakikita man o di-nakikita;4 ang Anak ay ang salita,5 karunungan,6 at larawan ng Ama;7 ang Espiritu Santo ay ang eternal na kapangyarihan at kalakasan,8 na nagbubuhat sa Ama at sa Anak.9 Gayunman, bagama’t ang Diyos ay nahayag sa tatlong persona, hindi naman nahahati sa tatlo, yamang itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo ay may Kanya-kanyang personalidad, na nakikilala sa Kanya-kanyang katangian; ngunit pakataandaan na ang mga tatlong persona ay walang iba kundi ang iisang Diyos.

Samakatuwid, maliwanag na ang Ama ay hindi ang Anak, at ang Anak ay hindi ang Ama, gayun din, ang Espiritu Santo ay hindi ang Ama, ni ang Anak. Gayun pa man, ang mga personang nahayag ay hindi nahahati o naihahalo-halo; sapagkat hindi ang Ama ang nagkatawang tao, ni hindi rin ang Espiritu Santo, kundi ang Anak lamang.10 Ang Ama ay hindi kailanman nawalay sa Anak, ni sa Espiritu Santo. Sapagkat silang tatlo ay kapwa-eternal at kaisang-diwa. Walang sinuman sa kanila ang nauna o nahuli; sapagkat silang tatlo ay iisa, sa katotohanan, sa kapangyarihan, sa kabutihan, at sa kahabagan.

______________

1 Isaias 43:10
2 I Juan 5:7; Hebreo 1:3
3 Mateo 28:19
4 I Corinto 8:6; Colosas 1:16
5 Juan 1:1,2; Apocalipsis 19:13; Kawikaan 8:12
6 Kawikaan 8:12,22
7 Colosas 1:15; Hebreo 1:3
8 Mateo 12:28
9 Juan 15:26; Galacia 4:6
10 Filipos 2:6,7; Galacia 4:4; Juan 1:14

Artikulo 9 – Mga Patunay na ang Tatlong Persona ay ang Iisang Diyos

Alam namin ang mga ito sa kaibuturan ng aming mga puso at sa patunay ng Banal na Kasulatan. Ang katotohanan ng Banal na Trinidad ay nasulat sa maraming bahagi sa Matandang Tipan, na hindi na kinakailangan pang isa-isahin kundi piliin lamang yaong sa inaakala namin ay sapat na patunay.

Sa Genesis 1:26, 27, sinabi ng Diyos: ‘”Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis”1…kaya’t nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila’y kanyang nilalang na lalaki at babae.’ At sa Genesis 3:22: “Tignan ninyo, ang tao’y naging parang isa sa atin…”2 Sa pananalitang ito ay lumalabas na mayroong higit sa isang persona sa pagka-Diyos; at nang sabihin na “Lumalang ang Diyos” ito’y nagpapahayag ng pagkakaisa. Totoo nga na hindi naman sinabi kung ilang personang mayroon, subalit yaong hindi malinaw sa Matandang Tipan ay maliwanag na maliwanag naman sa Bagong Tipan. Sapagkat nang ang Panginoon ay mabautismuhan sa ilog Jordan,3 ang tinig ng Ama ay narinig, na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”; ang Anak naman ay umahon sa tubig; at ang Espiritu Santo naman ay bumaba at lumukob sa Anak sa anyong kalapati. Ang katotohanang ito ay siya rin itinatag ni Cristo sa bautismo ng lahat ng mga mananampalataya, “Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”4 Sa Ebanghelyo ayon kay Lucas, si Gabriel na isang anghel ay nagwika kay Maria, na siyang ina ng Panginoon: “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos.”5 Gayun din ang pakahulugan ng mga apostol nang kanilang sabihin na: “Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat.”6 at “Mayroong tatlo na nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo, at ang tatlong ito ay iisa.”7

Ang lahat ng mga ito ay maliwanag na nagtuturo na mayroong tatlong persona sa iisang Diyos. Bagama’t ang doktrinang ito ay hindi kayang lubos na maunawaan ng kaisipan ng tao, gayunman, sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ay amin itong pinaniniwalaan, ngunit ang lubos na kaalaman tungkol dito ay dapat lamang na asahan sa kabilang buhay.8

Dapat din naming kilalanin ang partikular na mga gawa ng tatlong persona sa aming buhay. Ang Ama ay Siyang tinawag na Lumalang sa atin, sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan;9 Ang Anak ang aming Tagapagligtas at Manunubos, sa pamamagitan ng Kanyang dugo;10 ang Espiritu Santo ay Siyang Nagpapabanal, sa pamamagitan ng Kanyang paninirahan sa aming mga puso.11

Ang doktrinang ito ng Banal na Trinidad ay palagi nang ipinagtatanggol at pinangangalagaan ng tunay na Iglesia, simula pa noong panahon ng mga apostol hanggang sa kasalukyang kapanahunan. Ito’y pinagtanggol laban sa mga Judio, Mohammedans at laban din sa mga bulaang cristiano at mga heretik tulad nina, Marcion, Manes, Praxeas, Sabellius, Samosatenus, Arius at iba pang mga katulad nila, na kinondena na ng ating mga ama-sa-pananampalataya nang unang panahon.

Kaya nga sa puntong ito ay lubos naming tinatanggap ang tatlong kredo ukol dito, ito’y ang Kredo ng mga Apostol, ng Nicea at ni Athanasius; at anumang sinang-ayunan ng ating mga ama-sa-pananampalataya nang unang panahon.

______________

1 Genesis 1:26,27
2 Genesis 3:22
3 Mateo 3:16-17
4 Mateo 28:19
5 Lucas 1:35
6 II Corinto 13:13
7 I Juan 5:7
8 Awit 45:8; Isaias 61:1
9 Eclesiastes 12:3; Malakias 2:10; I Pedro 1:2
10 I Pedro 1:2; I Juan 1:17; 4:14
11 I Corinto 6:11; I Pedro 1:2; Galacia 4:6; Tito 3:5; Roma 8:9; Juan 14:16

Artikulo 10 – Si Jesu-Cristo ay Tunay at Eternal na Diyos

Sumasampalataya kami na si Jesu-Cristo, alinsunod sa Kanyang pagka-Diyos, ay ang tanging bugtong na Anak ng Diyos.1 Bugtong na Anak mula pa sa walang hanggan,2 hindi ginawa, ni hindi nilikha (magiging isa lamang Siyang nilalang kapag nagkagayon), kaisang-diwa3 at kapwa-eternal4 ng Ama, tunay na larawan ng Kanyang persona, ang kaningningan ng Kanyang kaluwalhatian,5 kapantay Niya sa lahat ng mga bagay.6 Siya ay ang Anak ng Diyos, hindi lamang nang magkatawang-tao kundi mula pa sa walang hanggan,7 ito’y ayon sa mga itinuturo sa atin ng mga pinaghambing-hambing na patunay sa Kasulatan. Sinabi ni Moises na nilalang ng Diyos ang sanlibutan;8 at sinabi rin ni apostol Juan na ang Salita ang gumawa ng lahat ng mga bagay, na tinawag niyang Diyos.9 At sinabi din ng apostol na nilalang ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang Anak;10 gayun din na nilalang ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.11 Samakatuwid, Siya na tinawag na Diyos, Salita, Anak, at Jesu-Cristo ay naroon na bago pa Niya lalangin ang lahat.12 Kaya nga nasabi ni propeta Mikas na ang Kanyang “pinagmulan ay mula nang una, mula nang walang hanggan.”13 At nasabi ng apostol na “wala Siyang simula ni katapusan.”14 Samakatuwid, Siya ang tunay, eternal at makapangyarihan-sa-lahat na Diyos na Siya nating tinatawagan, sinasamba, at pinaglilingkuran.

______________

1 Juan 1:18,49
2 Juan 1:14; Colosas 1:15
3 Juan 10:30; Filipos 2:6
4 Juan 1:2; 17:5; Apocalipsis 1:8
5 Hebreo 1:3
6 Filipos 2:6
7 Juan 8:23,58; 9:35-37; Gawa 8:37; Roma 9:5
8 Genesis 1:1
9 Juan 1:3
10 Hebreo 1:2
11 Colosas 1:16
12 Colosas 1:16
13 Mikas 5:2
14 Hebreo 7:3

Artikulo 11 – Ang Espiritu Santo ay Tunay at Eternal na Diyos

Sumasampalataya kami at aming ipinapahayag na ang Espiritu Santo, mula pa sa walang hanggan, ay nagbubuhat sa Ama1 at sa Anak,2 at samakatuwid, hindi Siya ginawa, nilikha, ni hindi rin bugtong na Anak, kundi nagbubuhat lamang mula sa dalawa; Siya na ayon sa pagkakasunod ay pangatlong persona ng Banal na Trinidad, kaisang-diwa, at kapwa may karangalan at kaluwalhatian ng Ama at ng Anak; samakatuwid, Siya ay tunay at eternal na Diyos na Siyang tinuturo sa amin ng Banal na Kasulatan.3

______________

1 Awit 33:6,17; Juan 14:16
2 Galacia 4:6; Roma 8:9; Juan 15:26
3 Genesis 1:2; Isaias 48:16; 61:1; Gawa 5:3-4; 28:25; I Corinto 3:16; 6:19; Awit 139:7

Artikulo 12 – Ang Nilalang

Sumasampalataya kami na ang Ama, sa pamamagitan ng Salita, na Siyang Kanyang Anak,1 ay lumalang mula sa wala, ng langit, ng lupa, at ng lahat ng nilalang ayon sa Kanyang kagustuhan; na Siyang nagbigay sa bawat nilikha ng buhay, anyo, hugis at iba’t-ibang gawain upang kanilang mapaglingkuran ang Lumalang sa kanila; na Siya ay patuloy na nangangalaga at namamahala sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang awa at walang katapusang kapangyarihan2 para sa kapakanan ng sangkatauhan3 na ang pinakalayunin ay mapaglingkuran ng tao ang kanyang Diyos.4

Nilikha rin Niya ang mga anghel na mabubuti,5 upang maging Kanyang mga lingkod6 at paglingkuran ang Kanyang mga hinirang;7 ang iba sa kanila ay nagkasala at nasadlak sa walang hanggang pagkapahamak;8 at ang iba naman dahil sa biyaya ng Diyos9 ay nanatiling tapat at nagpapatuloy sa kanilang katutubong kalagayan. Ang diyablo at ang mga masasamang espiritu ay lubhang makasalanan kaya sila’y kaaway ng Diyos at ng lahat ng mabubuti. Sa abot ng kanilang makakaya10 ay sila’y mamatay-tao, at laging naghahanap ng pagkakataon na mawasak ang Iglesia at ang bawat miyembro nito sa pamamagitan ng kanilang mapanlinlang na pamamaraang nagwawasak;11 at kaya nga, dahil sa kanilang kabuktutan ay hinatulan na sila ng walang hanggang kaparusahan na kanilang kahindik-hindik na mararanasan sa araw-araw.12

Kaya nga aming tinatanggihan at kinasusuklaman ang kabulaanan ng mga Saduceo, na hindi naniniwalang may mga espiritu at mga anghel,13 gayun din ang kamalian ng mga Manichees, na nagtuturo na ang kasamaan ng mga demonyo ay likas na katutubo sa kanila at hindi bunga ng pagkakasala o pagkabagsak.

______________

1 Genesis 1:1; Isaias 40:26; Hebreo 3:4; Apocalipsis 4:11; I Corinto 8:6; Juan 1:3; Colosas 1:16
2 Hebreo 1:3; Awit 104:10; Gawa 17:25
3 I Timoteo 4:3-4; Genesis 1:29-30; 9:2-3; Awit 104:14-15
4 I Corinto 3:22; 6:20; Mateo 4:10
5 Colosas 1:16
6 Awit 103:20; 34:8; 148:2
7 Hebreo 1:14; Awit 34:8
8 Juan 8:44; 2Pedro 2:4; Lucas 8:31; Judas 6
9 Mateo 25:31
10 I Pedro 5:8; Job 1:7
11 Genesis 3:1; Mateo 13:25; II Corinto 2:11; 11:3,14
12 Mateo 25:41; Lucas 8:30,31
13 Gawa 23:8

Artikulo 13 – Ang Probidensiya ng Diyos

Sumasampalataya kami sa mabuting Diyos na matapos Niyang likhain ang lahat ng mga bagay ay hindi Niya ito inabandona o hinayaan na lang sa kapalaran at sa pagkakataon, kundi ito’y Kanyang pinamamahalaan at pinangangalagaan ayon sa Kanyang banal na kalooban,1 kaya nga walang nangyayari rito sa sanlibutan nang hindi Niya itinakda;2 gayunman, hindi ang Diyos ang may gawa ng kasalanan o ni hindi dapat na isisi sa Kanya ang mga kasalanan ng tao. Dahil ang Kanyang kapangyarihan at kabutihan ay lubhang napakadakila at hindi natin lubos na mauunawaan, Siya ang nagtakda at nagsasagawa ng Kanyang mga panukala sa paraang kalugod-lugod at makatarungan, kahit pa nga sa mga demonyo at masasamang tao na kumikilos ng walang katarungan3. At sa mga gawa Niyang higit sa kaunawaan ng tao, ay hindi na namin pipiliting malaman pa yamang hindi talaga kaya ng aming kakayahan na maunawaan,4 sa halip, ay may buong pakumbaba at paggalang na magpapasakop sa matutuwid na pasiya ng Diyos, at sapat na sa amin na kami ay Kanyang mga alagad at matutunan lamang ang mga bagay na ipinahayag Niya sa amin sa Kanyang Salita ng hindi lumalagpas sa mga ito.

Ang doktrinang ito ay nagdudulot sa amin ng matibay na pag-asa, sapagkat itinuturo nito sa amin na walang bagay na nangyayari sa aming buhay sa pamamagitan ng kapalaran kundi sa pamamagitan ng pangangalaga ng aming maawaing Diyos na nasa langit, na patuloy na sumusubaybay sa amin na parang isang amang nangangalaga sa kanyang anak. Inilalagay Niya ang lahat ng nilalang sa ilalim ng Kanyang kapangyarihan5 kaya walang kahit isang hiblang buhok (sapagkat lahat ng mga ito’y bilang) o ni isang ibon, ang babagsak sa lupa ng walang kapahintulutan ng Diyos,6 na sa Kanya tayo’y lubos na nagtitiwala; nakatitiyak tayo na Kanyang pinipigilan ang diyablo at lahat ng ating mga kaaway, na kung hindi Niya kalooban at kapahintulutan, ay hindi kailanman nila tayo masasaktan.

Kaya nga aming tinatanggihan ang kasumpa-sumpang kamalian ng mga Epicureo, na nagtuturo na ang Diyos ay walang pakialam at hinayaan na lang Niya ang lahat ng mga bagay sa kapalaran at pagkakataon.

______________

1 Juan 5:7; Hebreo 1:13; Kawikaan 16:4; Awit 104:9; Awit 139:2
2 Santiago 4:15; Job 1:21; I Hari 22:20; Gawa 4:28; I Samuel 2:25; Awit 115:3; 45:7; Amos 3:6; Deuteronomio 19:5; Kawikaan 21:1; Awit 105:25; Isaias 10:5-7; II Tesalonica 2:11; Ezekiel 14:9; Roma 1:28; Genesis 45:8; 1:20; II Samuel 16:10; Genesis 27:20; Awit 75:7-8; Isaias 45:7; Kawikaan 16:4; Panaghoy 3:37-38; I Hari 22:34,38; Exodo 21:13
3 Mateo 8:31,32; Juan 3:8
4 Roma 11:33-34
5 Mateo 8:31; Job 1:12;2:6
6 Mateo 10:29-30

Artikulo 14 – Ang Pagkalikha at Pagkakasala ng Tao, at ang Kanyang Kawalang-kakayahan na Gumawa ng Anumang Mabuti

Sumasampalataya kami na ang Diyos ang lumalang sa tao mula sa alikabok ng lupa, at Kanyang ginawa at inanyuan ayon sa Kanyang sariling larawan at wangis,1 at nilalang na mabuti, matuwid, banal, at may kakayahang sumunod sa lahat ng kalooban ng Diyos.2 Bagama’t siya ay nasa mataas na karangalan at kalagayan3 hindi niya ito pinahalagahan bagkus kusang loob na sumunod sa diyablo4 at nagpasakop sa kasalanan na nagbunga ng kamatayan at sumpa. Sinuway niya ang kautusan ng buhay na kanyang tinanggap;5 at dahil sa kasalanan ay nahiwalay siya sa Diyos,6 na kanyang tunay na buhay; at dahil naging napakasama ang kanyang buong katauhan7 ay napasa-ilalim sa kamatayang katawan at kamatayang espirituwal.8 At dahil siya’y naging lubos na masama, tampalasan at bulok sa lahat ng kanyang mga gawa, nawalan siya ng lahat ng mahuhusay na kaloob na kanyang tinanggap mula sa Diyos,9 at may kaunting natira10 na sapat upang walang maidahilan ang tao;11 sapagkat lahat ng kaliwanagan na nasa atin ay napalitan ng kadiliman,12 tulad ng itinuturo sa atin ng Banal na Kasulatan: “Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito’y hindi nagapi ng kadiliman.”13 Dito ay tinawag ni apostol Juan na ang mga tao’y kadiliman.

Kaya nga aming tinatakwil ang anumang katuruan na laban sa katotohanang ito, tulad ng ‘free will’ ng tao, sapagkat ang tao’y alipin ng kasalanan14 at wala siyang kahit ano sa kanyang sarili maliban na ipagkaloob sa kanya ng Diyos.15 Sino naman ang mangangahas na magsabi na sa ganang sarili ng tao ay makagagawa siya ng mabuti, yamang si Cristo na mismo ang nagsabi na, “walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin”?16 Sino ang makapagmamalaki sa kanyang sariling pasiya, sino ang makakaunawa na ang kaisipan ng tao ay laban sa Diyos?17 Sino ang makapagmamayabang ng kanyang kaalaman, yamang ang natural na tao ay di-kayang tumanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos?18 Sa madaling salita, sinong makapagmumungkahi ng kaisipan yamang alam natin na wala tayong kakayahang makapag-isip ng mga bagay, yamang alam nating ang ating kaalaman ay mula lamang sa Diyos?19 Kaya dapat nating matibay na panghawakan ang sinabi ng apostol na “ang Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban.”20 Sapagkat walang pasiya o pagkaunawa na ayon sa kalooban at kaalaman ng Diyos maliban sa mga ipinagkaloob ni Cristo sa tao, na ito ang Kanyang itinuro nang sabihin Niya na, “kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.”21

______________

1 Genesis 1:26; Eclesiastes 7:29; Efeso 4:24
2 Genesis 1:31; Efeso 4:24
3 Awit 49:21; Isaias 59:2
4 Genesis 3:6,17
5 Genesis 1:3,7
6 Isaias 59:2
7 Efeso 4:18
8 Roma 5:12; Genesis 2:17; 3:19
9 Roma 3:10
10 Gawa 14:16-17; 17:27
11 Roma 1:20,21; Gawa 17:27
12 Efeso 5:8; Mateo 6:23
13 Juan 1:5
14 Isaias 26:12; Awit 94:11; Juan 8:34; Roma 6:17; 7:5, 17
15 Juan 3:27; Isaias 26:12
16 Juan 3:27; 6:44, 65
17 Roma 8:7
18 I Corinto 2:14; Awit 94:11
19 II Corinto 3:5
20 Filipos 2:13
21 Juan 15:5

Artikulo 15 — Orihinal na Kasalanan

Sumasampalataya kami na sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan ang orihinal na kasalanan ay naibahagi sa lahat ng sangkatauhan;1 na ito’y kabulukan ng buong katutubong kalikasan at isang namamanang kasamaan, kung saan pati na ang mga batang musmos ay nahawahan kahit nang sila’y nasa sinapupunan pa ng kanilang mga ina,2 na nagdulot sa tao ng lahat ng uri ng kasalanan, yamang nasa kanya ang ugat nito,3 samakatuwid ang tao’y lubhang napakasama at karumaldumal sa paningin ng Diyos, ang kalagayang ito ay sapat para sumpain ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan.4 Ito’y hindi nawala o naalis ng bautismo, yamang ang kasalanan ay palaging nagmumula sa maruming bukal gaya ng tubig na nagmumula sa batis; gayun pa man, ito’y hindi ibinilang sa mga anak ng Diyos sa kahatulan kundi sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob at kahabagan ay pinatawad ang mga ito sa kanila. Hindi upang sila’y makunsinti sa kanilang kasalanan kundi para palaging madama ang kasamaan ng sarili at magdulot ng hinagpis sa paghahangad na maligtas na sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan.5

Kaya nga, aming tinatanggihan ang kamalian ng mga Pelagians, na nagtuturo na ang kasalanan ay nagagawa lamang dahil sa panggagaya.

______________

1 Roma 5:12, 13; Awit 51:7; Roma 3:10; Genesis 6:3; Juan 3:6; Job 14:4
2 Isaias 48:8; Roma 5:14
3 Galacia 5:19; Roma 7:8,10,13,17-18, 20, 23
4 Efeso 2:3, 5
5 Roma 7:18, 24

Artikulo 16 — Eternal na Paghirang.

Sumasampalataya kami na bagama’t lahat ng angkan ni Adan ay nasadlak sa pagkapahamak at pagkawasak dahil sa kasalanan ng ating unang magulang, inihayag naman ng Diyos na Siya’y mahabagin at makatarungan:1 mahabagin, sapagkat Kanyang inililigtas at inaalagaan mula sa pagkapahamak ang lahat ng Kanyang hinirang kay Cristo Jesus na ating Panginoon ayon sa Kanyang eternal at di-nagbabagong panukala at ayon lamang sa Kanyang kabutihan at ni walang bahagi ang mga gawa nila;2 makatarungan, hinayaan Niya ang iba na magpatuloy sa pagkakasala at pagkapahamak na kanilang sadyang kinasadlakan.3

______________

1 Roma 9:18, 22-23; 3:12
2 Roma 9:15-16; 11:32; Efeso 2:8-10; Awit 100:3; I Juan 4:10; Deuteronomio 32:8; I Samuel 12:22; Awit 115:5; Malakias 1:2; II Timoteo 1:9; Roma 8:29; 9:11, 21; 11:5-6; Efeso 1:4; Tito 3:4-5; Gawa 2:47; 13:48; II Timoteo 2:19-20; I Pedro 1:2; Juan 6:27; 15:16; 17:9
3 Roma 9:17,18; II Timoteo 2:20

Artikulo 17 — Pagkaligtas ng Taong Nagkasala.

Sumasampalataya kami na ang aming Diyos na puspos ng biyaya, sa Kanyang kahanga-hangang karunungan at kabutihan ay buong pagmamahal na hinanap at inalagaan ang tao sa kanyang kahabag-habag na kalagayan noong siya’y masadlak sa temporal at eternal na kamatayan kahit na siya’y nanginginig sa takot1 at nagtatago sa Kanyang banal na presensiya, nangako pa rin Siya na ibibigay Niya ang Kanyang Anak, na ipapanganak ng isang babae, upang wasakin ang ulo ng ahas, at Siyang magbabahagi ng kaligayahan sa kanya.2

______________

1 Genesis 3:8-9; Isaias 65:1-2
2 Hebreo 2:14; Genesis 22:18; Isaias 7:14; Juan 7:42; II Timoteo 2:8; Hebreo 7:14; Genesis 3:15; Galacia 4:4

Artikulo 18 — Ang Pagkakatawang-Tao ni Jesu-Cristo.

Kaya aming ipinapahayag na talagang tinupad ng Diyos ang Kanyang ipinangako sa mga ninuno, sa pamamagitan ng mga pangangaral ng Kanyang mga banal na propeta,1 nang isugo Niya sa sanlibutan, sa panahong Kanyang itinakda, ang Kanyang tanging sariling bugtong na eternal na Anak, na Kanyang kinuha ang anyong alipin na naging katulad ng tao,2 at talagang umangkin ng katutubong kalikasan ng tao, kasama na ang lahat ng kahinaan maliban sa kasalanan,3 na ipinaglihi sa sinapupunan ng pinagpalang si birhen Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at hindi sa anumang pamamaraan ng tao.4 Hindi lamang Siya nasa katawang-tao kundi inangkin Niya pati ang totoong kaluluwa ng tao,5 upang Siya’y maging totoong tao. Sapagkat ang nawasak sa tao ay ang kaluluwa pati na ang katawan, kaya kinakailangang angkinin Niya pareho ang katawan at kaluluwa upang maligtas Niya ang mga ito.

Sa kadahilanang ito ay aming ipinapahayag (laban sa mga kabulaanan ng mga Anabaptista na hindi naniniwala na ang katawan ni Cristo’y nagmula sa Kanyang ina) na si Cristo ay nakibahagi sa laman at dugo ng mga anak ni Adan;6 na Siya ang bunga ng balakang ni David ayon sa laman;7 na Siya ang binhi ni David ayon sa laman;8 na Siya ang bunga ng sinapupunan ni birhen Maria;9 ipinanganak ng babae;10 ang sanga ni David;11 ang ugat ni Jesse;12 nagbuhat sa angkan ni Juda;13 nagmula sa lahi ng Judio ayon sa laman;14 binhi ni Abraham, yamang inangkin din Niya ang binhi ni Abraham,15 at naging katulad ng Kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay maliban sa kasalanan,16 upang sa katotohanan Siya ang ating ImmanuelAng Diyos ay nasa atin.17

______________

1 Isaias 11:1; Lucas 1:55; Genesis 26:4; II Samuel 7:12; Awit 132:11; Gawa 13:23
2 I Timoteo 2:5; 3:16; Filipos 2:7
3 Hebreo 2:14-15; 4:15
4 Lucas 1:31,34-35
5 Mateo 26:38; Juan 12:27
6 Hebreo 2:14
7 Gawa 2:30
8 Awit 132:11; Roma 1:3
9 Lucas 1:42
10 Galacia 4:4
11 Jeremias 33:15
12 Isaias 11:1
13 Hebreo 7:14
14 Roma 9:5
15 Genesis 22:18; II Samuel 7:12; Mateo 1:1; Galacia 3:16
16 Hebreo 2:15-17
17 Isaias 7:14; Mateo 1:23

Artikulo 19 — Pagiging-isa at Pagkakaiba ng Dalawang Kalikasan sa Persona ni Cristo

Sumasampalataya kami na sa pagkakatawang-tao, ang persona ng Anak ay hindi maaaring ihiwalay at laging kaugnay ng kalikasang-pagkatao, samakatuwid ay walang dalawang mga Anak ng Diyos, ni hindi dalawang persona, kundi dalawang kalikasan na pinag-isa sa isang persona; gayunman nanatili ang katangian ng bawat isang kalikasan. Ang kalikasang-pagkaDiyos ay nanatiling hindi nilikha, walang simula o katapusan ng buhay,1 pinupuspos ang langit at lupa, gayun din, hindi nawala ang kalikasang-pagkatao, kundi nanatiling nilikha na may simula at limitasyon, at nanatili pa rin ang lahat ng katangian ng katawang panlupa.2 Bagama’t sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay muli ay binigyan ng kawalang-kamatayan ang katawang panlupa, ay hindi pa rin nawala ang tunay na kalikasang-pagkatao, yamang ang ating kaligtasan at pagkabuhay muli ay nakasalalay sa Kanyang tunay na katawang panlupa.

Subalit ang dalawang kalikasang ito ay tunay na magka-ugnay sa isang persona na hindi maaaring mapaghiwalay kahit na ng Kanyang kamatayan. Kaya nga noong Siya ay malalagutan na ng hininga ay inihabilin Niya sa Kanyang Ama ang tunay na espiritu ng Kanyang pagkatao na humihiwalay sa Kanyang katawan.3 Subalit ang Kanyang kalikasang pagkaDiyos ay nanatiling kasama ng Kanyang kalikasang pagkatao kahit na noong Siya’y nakahimlay sa libingan. Ang Kanyang pagkaDiyos ay hindi nawala sa Kanya, gaya nang hindi ito nawala noong Siya’y sanggol pa, bagama’t hindi pa nahayag ito noon. Kaya aming ipinapahayag na Siya ay tunay na Diyos at tunay na tao; tunay na Diyos na taglay ang kapangyarihang lupigin ang kamatayan; at tunay na tao para Siya’y mamatay ayon sa kahinaan ng Kanyang katawan.

______________

1 Hebreo 7:3
2 I Corinto 15:13,21; Filipos 3:21; Mateo 26:11; Gawa 1:2, 11; 3:21; Lucas 24:39; Juan 20:25,27
3 Lucas 23:46; Mateo 27:50

Artikulo 20 — Ipinahayag ng Diyos ang Kanyang Katarungan at Kahabagan kay Cristo

Sumasampalataya kami na ang ganap na makatarungan at mahabaging Diyos ay isinugo ang Kanyang Anak sa kalikasang-pagkatao yamang ang paglabag ay nagawa ng tao sa gayung kalikasan, upang Kanyang mabayaran ang paglabag na ito at tiisin ang parusa bunga para sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang matinding paghihirap at kamatayan.1 Samakatuwid ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang katarungan laban sa Kanyang Anak nang ibilang Niya ang ating mga kasalanan2 sa Kanya, at ibinuhos Niya ang Kanyang habag at kabutihan sa atin, na talaga namang makasalanan at karapadapat na maparusahan. Ginawa Niya ito bunsod ng Kanyang lubos na pag-ibig, ibinigay Niya ang Kanyang Anak para sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo’y ariing-ganap,3 na sa pamamagitan Niya ay matamo natin ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan.

______________

1 Hebreo 2:14; Roma 8:3,32-33
2 Isaias 53:6; Juan 1:29; 1Juan 4:9
3 Roma 4:25

Artikulo 21 — Ang Gawang Ganap ni Cristo Para sa Amin, na Siyang Aming Punong-Pari

Sumasampalataya kami na si Jesu-Cristo ay itinalaga ng may panunumpa bilang walang-hanggang Punong-Pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek;1 na inihandog Niya ang Kanyang sarili sa Ama upang mapawi ang Kanyang poot sa pamamagitan ng Kanyang ganap na paghahandog ng sarili sa krus2 at pagbubuhos ng Kanyang mahalagang dugo upang linisin ang aming mga kasalanan ayon sa mga ipinahayag ng mga propeta. Sapagkat nasusulat na: Siya’y sinugatan dahil sa ating pagsuway, Siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa Kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng Kanyang mga latay ay gumaling tayo. Siya’y parang korderong dinala sa katayan, at ibinilang na kasama ng mga makasalanan,3 at hinatulan ni Pontio Pilato bilang kriminal, bagama’t naunang ipinahayag niya na Siya’y walang kasalanan.4 Kaya nga, Kanyang ibinalik ang hindi naman Niya kinuha,5 at nagdusa, ang matuwid para sa di-matuwid,6 nagdusa sa Kanyang katawan pati na sa Kanyang kaluluwa, tiniis ang matinding kaparusahan na bunga ng ating mga kasalanan; anupa’t ang Kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.7 Sumigaw Siya ng, Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?8 At tiniis Niya lahat ng mga ito para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Dahil dito, tulad ni Apostol Pablo ay ipinapahayag namin na wala kaming kinikilala maliban na si Jesu-Cristo, at Siya na ipinako sa krus,9 inaari naming kalugihan ang lahat ng mga bagay dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na aming Panginoon,10 sa Kanyang mga latay ay nagdudulot sa amin ng lahat uri ng kaaliwan. At hindi na rin kailangan pang humanap o umimbento ng anumang pamamaraan upang makasundo ng Diyos, sapat na itong kaisa-isang hain na minsang inihandog kung saan ang mga mananampalataya’y inaring-ganap magpakailanman.11 Ito rin ang dahilan kung bakit Siya’y tinawag ng anghel ng Diyos sa pangalang Jesus, na ang kahuluga’y Tagapagligtas, sapagkat ililigtas Niya ang Kanyang mga hinirang sa kanilang mga kasalanan.12

______________

1 Awit 110:4; Hebreo 5:10; 7:21
2 Colosas 1:14; Roma 5:8-9; Colosas 2:14; Hebreo 2:17; 9:14; Roma 3:24; 8:2; Juan 15:3; Gawa 2:24; 13:28; Juan 3:16; I Timoteo 2:6
3 Isaias 53:5,7,12; Mateo 8:17; I Pedro 2:24
4 Lucas 23:22,24; Gawa 13:28; Awit 22:16; Juan 18:38; Awit 69:5; I Pedro 3:18
5 Awit 69:5
6 I Pedro 3:18
7 Lucas 22:44
8 Awit 22:2; Mateo 27:46
9 I Corinto 2:2
10 Filipos 3:8
11 Hebreo 9:25-26; 10:14
12 Mateo 1:21; Gawa 4:12

Artikulo 22 — Inaring Ganap sa Pamamagitan ng Pananampalataya kay Jesu-Cristo

Sumasampalataya kami na, upang makamit ang tunay na kaalaman hinggil sa dakilang hiwagang ito, ay pinagniningas ng Espiritu Santo sa aming mga puso ang tapat na pananampalataya, na siyang yumayakap kay Cristo sa lahat ng Kanyang kahalagahan, tinatanggap Siya,1 at walang iba pang hinahangad maliban sa Kanya.2 Sapagkat lumalabas na isa lamang sa dalawang ito ang tama, na ang lahat ng mga kinakailangan para sa ating kaligtasan ay wala kay Jesu-Cristo, o di kaya’y ang lahat ng kinakailangan ay nasa Kanya, na ito naman ang tama, kung gayon ang lahat ng umaangkin kay Jesu-Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay mayroong ganap na kaligtasan sa Kanya.3 Kaya nga, sinuman ang magturo na si Cristo ay hindi sapat, kundi mayroong pang ibang kailangan maliban sa Kanya ay isang matinding kalapastanganan; sapagkat lalabas na si Cristo ay kalahating Tagapagligtas lamang.

Kaya nga, tulad ni Pablo, ay makatwiran naming ipinapahayag na kami ay pinawalang-sala’t inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, o ng pananampalatayang walang kasamang mga gawa.4 Gayun pa man, nililinaw namin na hindi ang pananampalataya ang nakapagpapawalang-sala’t nag-aaring ganap, sapagkat ito’y kasangkapan lamang upang mayakap namin si Cristo na Siyang aming Katuwiran. Wala ng iba kundi si Jesu-Cristo, na ibinibilang sa amin ang lahat ng Kanyang mahahalagang gawa, samakatuwid pati na ang maraming mabubuting Kanyang ginawa ay para sa amin at alang-alang sa amin, ang Siyang aming Katuwiran.5 At ang pananampalataya ang kasangkapan na nagpapanatili sa amin sa pakikiisa sa Kanya kalakip ang lahat ng Kanyang kapakinabangan, nang ang mga ito’y napasaamin, ay higit pa sa sapat upang mapawalang sala kami sa aming mga kasalanan.

______________

1 Efeso 3:16-17; Awit 51:13; Efeso 1:17-18; 1Corinto 2:12
2 1Corinto 2:2; Gawa 4:12; Galacia 2:21; Jeremias 23:6; 1Corinto 1:30; Jeremias 31:10
3 Mateo 1:21; Roma 3:27; 8:1,33
4 Roma 3:27; Galacia 2:6; 1Pedro 1:4-5; Roma 10:4
5 Jeremias 23:6; 1Corinto 1:30; 2Timoteo 1:2; Lucas 1:77; Roma 3:24-25;4:5; Awit 32:1-2; Filipos 3:9; Tito 3:5; 2Timoteo 1:9

Artikulo 23 – Kung Saan Nakabatay ang Pagapapawalang-sala’t

Pag-aaring Ganap

Sumasampalataya kami na ang aming kaligtasan ay kinapapalooban ng kapatawaran ng aming mga kasalanan dahil kay Cristo, at ito rin ay kinabibilangan ng katuwiran sa harapan ng Diyos; ayon sa itinuro sa amin ni David at ni Pablo, na nagpapahayag na ito ang kasiyahan ng tao, na ibilang ng Diyos sa kanya ang katuwiran na hindi nakabatay sa gawa.1 At siya ring apostol na nagsabing kami’y itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus.2

At kaya nga patuloy naming matibay na pinanghahawakan ang saligang ito, ibinibigay ang lahat ng kaluwalhatian sa Diyos,3 ibinababa namin ang aming mga sarili sa Kanyang harapan, kinikilala ang aming mga sarili sa tunay naming kalagayan, walang pag-aangking nagtitiwala sa anumang mayroon sa amin, o sa anumang karapatdapat sa amin,4 umaasa at nananangan lamang sa pagsunod ni Cristong ipinako sa krus,5 na napasaamin nang kami’y sumampalataya sa Kanya.6 Ito’y sapat na matakpan ang lahat ng aming mga kasalanan at mabigyan kami ng kapanatagang lumapit sa Diyos;7 napapalaya ang budhi sa pangamba, sa takot, at sa sindak, na hindi sumusunod sa halimbawa ng aming unang amang si Adan, na nangangatal na nagsikap na takpan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga dahon ng igos.8 At tunay, na kung haharap kami sa Diyos na nananangan sa aming sarili o sa anumang nilalang, kahit na sa maliit na bahagi, ay kahabag-habag kaming malilipol!9 Kaya nga ang lahat ay dapat na manalanging gaya ni David: O Panginoon, huwag Kang pumasok na kasama ng Iyong lingkod sa kahatulan; sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa Iyong harapan.10

___________________

1 Lucas 1:77; Colosas 1:14; Awit 32:1-2; Roma 4:6-7
2 Roma 3:23-24; Gawa 4:12
3 Awit 115:1; I Corinto 4:7; Roma 4:2
4 I Corinto 4:7; Roma 4:2; I Corinto 1:29,31
5 Roma 5:19
6 Hebreo 11:6-7; Efeso 2:8; II Corinto 5:19; I Timoteo 2:6
7 Roma 5:1; Efeso 3:12; 1Juan 2:1
8 Genesis 3:7
9 Isaias 33:14; Deuteronomio 27:26; Santiago 2:10
10 Awit 130:3; Mateo 18:23-26; Awit 143:2; Lucas 16:15

Artikulo 24 – Ang Pagpapabanal sa Tao at Kanyang Mabubuting Gawa

Sumasampalataya kami na itong tunay na pananampalataya, yamang ipinagkaloob sa tao sa pamamagitan ng pakikinig ng Salita ng Diyos at pagkilos ng Espiritu Santo,1 ay nagbigay sa kanya ng bagong kapanganakan at ginawa siyang bagong tao, nagbubunsod sa kanya sa bagong pamumuhay,2 at pinalaya siya sa pagka-alipin sa kasalanan.3 Samakatuwid, napakalayo sa katotohanan na ang tunay na pananampalataya ay magbubunsod sa mga tao na maging pabaya sa kanilang maka-Diyos at banal na pamumuhay,4 ngunit taliwas dito, ay kung wala nito ay hindi sila makagagawa ng anuman na bunsod ng pag-ibig sa Diyos, kundi pawang mga gawa lamang na bunga ng pag-ibig sa sarili at ng takot na maparusahan. Kaya nga napaka-imposible na ang banal na pananampalatayang ito ay hindi magbunga sa isang tao; sapagkat hindi kami nagsasalita ng hinggil sa walang kabuluhang pananampalataya,5 kundi, ng isang pananampalatayang tinatawag sa Kasulatan na pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig,6 na nagbubunsod sa tao na gawin ang mga bagay na iniutos ng Diyos sa Kanyang Salita.

Ang mga gawang ito, na nagmumula sa mabuting ugat ng pananampalataya, ay mabuti at katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos, bagama’t ang lahat ng mga ito’y binanal ng Kanyang biyaya; gayun pa man, wala itong kinalalaman para sa aming pinapagingwalang-sala’t pagiging ganap.7 Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya kami ay pinawalang-sala’t inaring ganap, bago pa man kami gumawa ng mabuti;8 kung hindi ganito ay hindi maituturing na mabuti ang aming mga gawa, kung paanong ang bunga ay hindi maaaring maging mabuti bago naging mabuti ang puno nito.9

Ngayon nga ay gumagawa kami ng mabuti, ngunit hindi upang maging karapat-dapat sa pamamagitan ng mga ito (ngunit ano nga ba ang maaari naming maaangkin na karapatdapat sa amin? Wala), kami ang may pagkakautang sa Diyos kaya kami gumagawa ng mabuti, at hindi Siya ang may pagkakautang sa amin,10 yamang Siya ang gumagawa sa amin maging sa pagnanais at paggawa ayon sa Kanyang mabuting kalooban.11 Kaya nga dapat naming pahalagahan ang nasusulat: Kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, kami’y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.12

Samantala, hindi namin itinatanggi na ginagantimpalaan ng Diyos ang aming mabubuting gawa, subalit ito’y sa pamamagitan ng Kanyang biyaya na Kanyang ibinibigay ang Kanyang mga kaloob.13 Higit pa rito, bagaman gumagawa kami ng mabuti, hindi naman namin ibinabatay ang aming kaligtasan sa mga ito;14 sapagkat wala kaming ginagawa na hindi nahawahan ng aming makasalanang laman, na nararapat ding parusahan;15 at bagaman nakagagawa kami ng gayung kabutihan, ang pag-alaala sa isang kasalanan ay sapat pa rin upang tanggihan ng Diyos ang lahat ng mga ito. Dahil dito, ay lagi kaming mag-aalinlangan, mabubuhay nang walang katiyakan, at ang aming mga mahihinang budhi ay patuloy na mababagabag, kung hindi kami mananangan lamang sa kahalagahan ng mga pagpapasakit at kamatayan ng aming Tagapagligtas.16

______________

1 I Pedro 1:23; Roma 10:17; Juan 5:24
2 I Tesalonica 1:5; Roma 8:15; Juan 6:29; Colosas 2:12; Filipos 1:1,29; Efeso 2:8
3 Gawa 15:9; Roma 6:4,22; Tito 2:12; Juan 8:36
4 Tito 2:12
5 Tito 3:8; Juan 15:5; Hebreo 11:6; I Timoteo 1:5
6 I Timoteo 1:5; Galacia 5:6; Tito 3:8
7 II Timoteo 1:9; Roma 9:32; Tito 3:5
8 Roma 4:4; Genesis 4:4
9 Hebreo 11:6; Roma 14:23; Genesis 4:4; Mateo 7:17
10 I Corinto 4:7; Isaias 26:12; Galacia 3:5; I Tesalonica 2:13
11 Filipos 2:13
12 Lucas 17:10
13 Mateo 10:42; 25:34-35; Apocalipsis 3:12,21; Roma 2:6; Apocalipsis 2:11; II Juan 8; Roma 11:6
14 Efeso 2:9-10
15 Isaias 64:6
16 Isaias 28:16; Roma 10:11; Habakuk 2:4

Artikulo 25 – Ang Pagpapawalang-bisa sa Batas Seremonya

Sumasampalataya kami na ang mga seremonyas at mga anyo ng kautusan ay natapos na sa pagdating ni Cristo,1 at ang lahat ng mga anino nito ay natupad na, upang sa gayon, ang mga ito ay hindi na dapat gamitin ng mga Cristiano;2 ngunit ang katotohanan at diwa ng mga ito ay nananatili sa amin kay Jesu-Cristo, na nasa Kanya ang lahat ng kaganapan ng mga ito. Samantala, patuloy pa rin naming ginagamit ang mga patotoo mula sa kautusan at mga propeta upang patatagin sa amin ang aral ng Ebanghelyo,3 at upang gabayan ang aming pamumuhay nang may buong katapatan para sa kaluwalhatian ng Diyos, ayon sa Kanyang kalooban.

______________

1 Roma 10:4
2 Galacia 5:2-4; 3:1; 4:10-11; Colosas 2:16-17
3 II Pedro 1:19

Artikulo 26 – Ang Pamamagitan ni Cristo

Sumasampalataya kami na walang makaparoroon sa Diyos maliban lamang sa pamamagitan ng tanging Tagapamagitan at Tagapagtanggol, si Jesu-Cristong matuwid,1 na nagkatawang tao, na pinag-isa sa isang persona ang kalikasang pagka-Diyos at pagkatao, upang kaming mga tao ay magkaroon ng pagkakataon na makadulog sa Maharlikang Diyos, na kung kami lang ay hindi kami maaring mapahintulutan. Ngunit dahil sa Tagapamagitang ito, na itinalaga ng Ama sa pagitan Niya at namin, ay hindi dapat kaming mahintakutan sa Kanyang kamaharlikahan, o kaya’y maghanap pa ng ibang tagapamagitan ayon sa aming sariling kagustuhan.2 Sapagkat walang nilalang maging sa langit man o sa lupa man na nagmamahal sa amin nang higit pa sa pagmamahal ni Jesu-Cristo,3 na siya, bagama’t nasa anyo ng Diyos, ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan ang pagiging kapantay ng Diyos, kundi hinubaran niya ang kanyang sarili at kinuha ang anyong alipin na naging katulad ng tao,4 at kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay. Kung kami man ay maghahanap ng ibang tagapamagitan na magmamalasakit sa amin, sino ang matatagpuan naming higit na magmamahal sa amin kaysa sa Kanya na inialay ang Kanyang buhay para sa amin kahit na noong kami’y Kanyang mga kaaway pa?5 At kung kami’y maghahanap pa ng isang may kapangyarihan at kamahalan, sino nga ang mayroong gayong kalaking katangian tulad Niyang nakaluklok sa kanan ng Kanyang Ama, at sino ang mayroon ng lahat ng kapangyarihan sa langit o sa lupa man?6 At sino ang mas madaling pakikinggan kaysa sa bugtong at minamahal na Anak ng Diyos?

Kaya nga, dahil lamang sa kawalan ng tiwala kaya ang gawaing paglapastangan, sa halip na paggalang, na ang pagtawag sa mga ‘santo’ ay nasimulan, ibinibigay sa kanila ang mga bagay na hindi naman nila ginawa ni hiningi man, kundi sila mismo ay mariing tumanggi sa abot ng kanilang makakaya, na makikita sa kanilang mga sinulat.7 Ni hindi rin namin dapat igiit dito ang hindi namin pagiging karapat-dapat; sapagkat ang kahulugan ay hindi ang ialay namin ang aming mga panalangin sa Diyos batay sa aming pagiging karapat-dapat, kundi batay lamang sa kasakdalan at pagiging karapat-dapat ng Panginoong Jesu-Cristo,8 na ang Kanyang katuwiran ay napapasa amin sa pamamagitan ng pananampalataya.

Kaya nga, mariing sinabi ng apostol, upang alisin mula sa amin ang walang saysay na takot na ito, o ang totoo ay kawalan ng tiwala, na si Jesu-Cristo ay ginawang kagaya ng Kanyang mga kapatid sa lahat ng bagay, upang Siya ay maging isang maawain at tapat na Pinakapunong Pari, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. Palibhasa’y nagtiis Siya sa pagkatukso, Siya’t makasasaklolo sa mga tinutukso.9 At upang palakasin pa ang aming loob, idinagdag niya: Yamang tayo’y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag. Sapagkat tayo’y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y walang kasalanan. Kaya’t lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makatutulong sa panahon ng pangangailangan.10 Siya ring apostol ay nagsabi: Kaya nga mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, tayo’y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya …”11 Gayon din, hawak ni Cristo ang pagiging Pari magpakailanman, dahil dito, Siya’y may kakayahang iligtas ng lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, yamang lagi Siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.12

Ano pa ang kakailanganin, yamang si Cristo na ang nagsabi, Ako ang daan, at ang katotohanan at ang buhay. Sinuman ay di makararating sa Ama, kundi sa pamamagitan ko?13 Ano pang dahilan para maghanap kami ng ibang tagapagtanggol,14 yamang nalugod ang Diyos na ibigay sa amin ang sarili Niyang Anak bilang aming Tagapagtanggol?15 Huwag natin Siyang itakwil upang humanap pa ng iba o hanapin ang iba na hindi naman talaga makikita, sapagkat alam ng Diyos nang ibigay Niya si Cristo sa atin, na tayo’y mga makasalanan.

Kaya nga, alinsunod sa utos ni Cristo, tumatawag kami sa Amang nasa langit sa pamamagitan ni Jesu-Cristong tangi naming Tagapamagitan, ayon sa itinuro sa amin sa Panalanging Itinuro ng Panginoon;16 na nakatitiyak na anumang hingin namin sa Ama sa pangalan ni Jesu-Cristo ay ipagkakaloob sa amin.17

______________

1 I Timoteo 2:5; I Juan 2:1; Roma 8:33
2 Hoseas 13:9; Jeremias 2:13,33
3 Juan 10:11; I Juan 4:10; Roma 5:8; Efeso 3:19; Juan 15:13
4 Filipos 2:7
5 Roma 5:8
6 Marcos 16:19; Colosas 3:1; Roma 8:33; Mateo 11:27; 28:18
7 Gawa 10:26; 14:15
8 Daniel 9:17-18; Juan 6:23; Efeso 3:12; Gawa 4:12; I Corinto 1:31; Efeso 2:18
9 Hebreo 2:17,18
10 Hebreo 4:14-16
11 Hebreo 10:19,22
12 Hebreo 7:24-25
13 Juan 14:6
14 Awit 44:21
15 I Timoteo 2:5; 1Juan 2:1; Roma 8:33
16 Lucas 11:2
17 Juan 4:17; 16:23; 14:13

Artikulo 27 – Ang Cristianong Iglesiang Laganap

Sumasampalataya kami at nagpapahayag na may isang laganap o unibersal na Iglesia,1 na isang banal na kapisanan ng mga tunay na mananampalatayang Cristiano, na ang lahat ay umaasa sa kanilang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na mga nilinis ng Kanyang dugo, ginawang banal at tinatakan ng Espiritu Santo.

Ang Iglesiang ito ay nagmula pa sa pasimula ng daigdig at mananatili hanggang sa katapusan nito;2 na nagpapatunay na, si Cristo ay walang hanggang Hari, na hindi maaaring walang nasasakupan.3 At ang banal na Iglesiang ito ay iniingatan at tinutulungan ng Diyos laban sa dahas ng buong sanlibutan;4 bagama’t siya (pansamantala) ay waring napakaliit, at sa paningin ng tao ay halos walang kabuluhan,5 tulad noong mapanganib na paghahari ni Ahab, iningatan ng Panginoon para sa Kanya ang pitong libong katao na hindi iniluhod ang kanilang tuhod kay Baal.6

Dagdag pa rito, ang banal na Iglesiang ito ay hindi napapaloob, nakukulong, o nalilimitahan sa isang dako o sa ilang mga tao lamang, kundi ito’y laganap at nasa sa buong sanlibutan; gayun pa ma’y nakaugnay at nagkakaisa sa puso at kalooban7 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananampalataya sa iisa at parehong Espiritu.8

______________

1 Isaias 2:2; Awit 46:5; 102:14; Jeremias 31:36
2 Mateo 28:20; II Samuel 7:16
3 Lucas 1:32-33; Awit 89:37-38; 110:2-4
4 Mateo 16:18; Juan 16:33; Genesis 22:17; II Timoteo 2:19
5 Lucas 12:32; Isaias 1:9; Apocalipsis 12:6,14; Lucas 17:21; Mateo 16:18
6 Roma 12:4; 11:2,4; I Hari 19:18; Isaias 1:9; Roma 9:29
7 Gawa 4:32
8 Efeso 4:3-4

Artikulo 28 – Tungkulin ng Bawat Isa Na Ianib ang Kanyang Sarili sa Tunay na Iglesia

Sumasampalataya kami, yamang ang banal na kapisanang ito ay kalipunan ng mga iniligtas, at sa labas nito ay walang kaligtasan,1 na walang sinuman, anuman ang kanyang katayuan o kalagayan, ang may karapatang ilayo ang kanyang sarili upang mamuhay ng hiwalay sa Iglesia;2 bagkus ang lahat ng tao ay obligadong umanib at makipag-isa rito, na pinananatili ang pagkakaisa ng Iglesia;3 ipasakop ang kanilang sarili sa katuruan at pati na sa pagpapairal ng disiplina nito; na iniyuyukod ang kanilang mga leeg sa pamatok ni Jesu-Cristo;4 at bilang kapwa-bahagi ng isang katawan,5 ay maglilingkod para sa ikatitibay ng kapatiran ayon sa mga talentong ibinigay ng Diyos sa kanila.

At dapat ding isaalang-alang, na tungkulin ng lahat ng mananampalataya, alinsunod sa Salita ng Diyos, na ihiwalay ang kanilang sarili sa mga hindi kabilang sa Iglesia,6 at ianib ang kanilang sarili sa kalipunang ito saan man dako ito itatag ng Diyos,7 kahit na ang mga awtoridad at kautusan ng mga namumuno ay laban dito, tunay ito, kahit na sila’y magdanas ng kamatayan o anumang uri parusang pagpapahirap sa katawan.8 Samakatuwid, lahat ng inihihiwalay ang kanilang sarili sa Iglesia, o hindi ang umaanib dito ay lumalaban sa kautusan ng Diyos.

______________

1 I Pedro 3:20; Joel 2:32
2 Gawa 2:40; Isaias 52:11
3 Awit 22:23; Efeso 4:3,12; Hebreo 2:12
4 Awit 2:10-12; Mateo 11:29
5 Efeso 4:12,16; I Corinto 12:12, etc.
6 Gawa 2:40; Isaias 52:11; II Corinto 6:17; Apocalipsis 18:4
7 Mateo 12:30; 24:28; Isaias 49:22; Apocalipsis 17:14
8 Daniel 3:17-18; 6:8-10; Apocalipsis 14:14; Gawa 4:17,19; 17:7; 18:13

Artikulo 29 – Ang mga Palatandaan ng Tunay na Iglesia, Kung Saan Naiiba Siya sa Huwad na Iglesia

Sumasampalataya kami na tungkulin naming maging matiyaga at maingat upang malaman mula sa Salita ng Diyos kung alin ang totoong Iglesia, yamang ang lahat ng mga sekta na nasa sanlibutan ay tinatawag din ang kanilang sarili na iglesia. Subalit hindi namin tinutukoy dito ang mga paimbabaw, na nakahalo sa Iglesia kasama ang mabuti, gayunma’y hindi mga bahagi ng Iglesia, bagama’t mga kasama sila nito sa panlabas lamang;1 ngunit sinasabi namin na ang katawan at pagsasama-sama ng totoong Iglesia ay dapat na itangi sa lahat ng sekta na tinatawag ang kanilang sarili na iglesia.

Ang mga palatandaan kung paanong makikilala ang tunay na Iglesia ay ito: kung ang dalisay na aral ng Ebanghelyo ay ipinapangaral dito;2 kung pinananatili niya ang malinis na pagpapatupad sa mga sakramentong iniutos ni Cristo;3 kung ipinapatupad ang pagdidisiplinang-iglesia sa pagpaparusa sa kasalanan;4 samakatuwid, kung ang lahat ng bagay ay pinapangasiwaan ayon sa dalisay na Salita ng Diyos, at ang lahat ng katuruang hindi umaayon dito ay tinatanggihan,5 at si Jesu-Cristo ang tanging kinikilalang Pangulo ng Iglesia.6 Sa pamamagitan ng mga ito ay makikilala ang tunay na Iglesia, kung saan walang karapatan ang sinumang tao na ihiwalay ang kanyang sarili.

Tungkol naman doon sa mga kasapi ng Iglesia, makikilala sila sa pamamagitan ng palatandaan ng mga tunay na Cristiano, ito ay sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya;7 kapag kanilang pinagtitiwalaan si Jesu-Cristo bilang kanilang tanging Tagapagligtas,8 iniiwasan ang kasalanan, tinatahak ang landas ng katuwiran,9 iniibig ang tunay na Diyos at ang kanilang kapwa, hindi lumilihis sa kanan o sa kaliwa, at ipinapako sa krus ang laman kasama ang masasamang gawa nito.10 Subalit hindi ito dapat mapagkamalian na para bagang walang nananatili sa kanilang mabibigat na kahinaan; kundi nilalabanan nila ang mga ito sa pamamagitan ng Espiritu sa bawat araw ng kanilang buhay;11 patuloy na nanganganlong sa dugo, kamatayan, paghihirap at pagsunod ng Panginoong Jesu-Cristo, na sa Kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.12

Tungkol naman sa huwad na iglesia, higit niyang kinikilala ang kapangyarihan at pamumuno ng kanyang sarili at ng kanyang mga batas kaysa sa Salita ng Diyos,13 at hindi niya ipapasakop ang kanyang sarili sa pamatok ni Cristo.14 Ni hindi niya pinapangasiwaan ang mga sakramento ayon sa itinakda ni Cristo sa Kanyang Salita kundi dinaragdagan at binabawasan ang mga ito ayon sa kanyang kagustuhan; higit siyang nagtitiwala sa tao kaysa kay Cristo; at inuusig yaong namumuhay nang banal ayon sa Salita ng Diyos,15 at sumasaway sa kanya sa kanyang mga kamalian, kasakiman at pagsamba sa diyus-diyosan.16

Ang dalawang iglesiang ito ay madaling makikilala at maitatangi sa isa’t isa.

______________

1 Mateo 13:22; II Timoteo 2:18-20; Roma 9:6
2 Juan 10:27; Efeso 2:20; Gawa 17:11-12; Colosas 1:23; Juan 8:47
3 Mateo 28:19; Lucas 22:19; I Corinto 11:23
4 Mateo 18:15-18; II Tesalonica 3:14-15
5 Mateo 28:2; Galacia 1:6-8
6 Efeso 1:22-23; Juan 10:4-5, 14
7 Efeso 1:13; Juan 17:20
8 I Juan 4:2
9 I Juan 3:8-10
10 Roma 6:2; Galacia 5:24
11 Roma 7:6,17; Galacia 5:17
12 Colosas 1:14
13 Colosas 2:18-19
14 Awit 2:3
15 Apocalipsis 12:4; Juan 16:2
16 Apocalipsis 17:3,4,6

Artikulo 30 – Pamahalaan at mga Pinuno ng Iglesia

Sumasampalataya kami na ang tunay na Iglesiang ito ay dapat pamahalaan sa pamamagitan ng mga patakarang espirituwal na itinuro ng aming Panginoon sa Kanyang Salita, alalaong baga’y, mayroong dapat na mga ministro o pastor na mangangaral ng Salita ng Diyos at mangangasiwa ng mga sakramento;1 gayun din ng mga matatanda (elders) at mga diakono na kaisa ng mga pastor ay bubuo sa sanggunian ng Iglesia;2 upang sa pamamagitan ng mga ito ay maingatan ang tunay na pananampalataya, at ang tunay na aral ay maipalaganap sa lahat ng dako, at upang parusahan ang mga nagkakasala at masawata sila sa paraang espirituwal;3 at upang ang mga dukha at namimighati ay mabigyan ng tulong at ginhawa, ayon sa kanilang mga pangangailangan. Sa mga paraang ito, ang lahat ng mga bagay sa Iglesia ay magagampanan nang maayos at marangal, kapag ang mga matatapat na tao ay pinipili alinsunod sa alituntuning ibinigay ni San Pablo sa kanyang liham kay Timoteo.4

______________

1 Efeso 4:11; I Corinto 4:1-2; II Corinto 5:20; Juan 20:23; Gawa 26:17-18; Lucas 10:16
2 Gawa 6:3; 14:23
3 Mateo 18:17; I Corinto 5:4-5
4 I Timoteo 3:1; Tito 1:5

Artikulo 31 – Ang mga Ministro, Matatanda, at Diakono

Sumasampalataya kami na ang mga ministro ng Salita ng Diyos,1 at ang mga matatanda at mga diakono,2 ay dapat na piliin sa takda nilang katungkulan sa pamamagitan ng makatuwirang paghahalal ng Iglesia, na kasama ang pagtawag sa pangalan ng Panginoon, at ayon sa patakarang itinuturo ng Salita ng Diyos. Kaya ang bawat isa ay dapat na mag-ingat na huwag niyang pangahasang igiit ang kanyang sarili ukol dito sa paraang hindi makatuwiran, kundi tungkulin niyang maghintay hanggang malugod ang Diyos na siya ay tawagin,3 upang mapatunayan niya ang kanyang pagkatawag at matiyak na ito ay galing nga sa Panginoon.

Tungkol sa mga ministro ng Salita ng Diyos, mayroon silang pantay na kapangyarihan at kapamahalaan saan man sila naroroon, yamang silang lahat ay mga ministro ni Cristo,4 na Siyang tanging pangkalahatang Obispo at tanging Pangulo ng Iglesia.5

Higit pa rito, na ang banal na utos na ito ng Panginoon ay hindi dapat suwayin ni maliitin man, na sinasabi namin na tungkulin ng bawat isa na kilalanin ang mga ministro ng Salita ng Diyos at ang mga matatanda ng Iglesia nang may mataas na pagpapahalaga sa kanila alang-alang sa kanilang paglilingkod, at maging payapang kasama nila, na iwasan hangga’t maaari ang bulung-bulungan, pakikipag-alitan, o pakikipagtalo.6

______________

1 I Timoteo 5:22
2 Gawa 6:3
3 Jeremias 23:21; Hebreo 5:4; Gawa 1:23; 13:2
4 I Corinto 4:1; 3:9; II Corinto 5:20; Gawa 26:16-17
5 I Pedro 2:25; 5:4; Isaias 61:1; Efeso 1:22; Colosas 1:18
6 I Tesalonica 5:12, 13; I Timoteo 5:17; Hebreo 13:17

Artikulo 32 – Ang Kaayusan at Disiplina ng Iglesia

Samantala, sumasampalataya kami, na bagama’t makakabuti at kapaki-pakinabang na silang mga tagapangasiwa ng Iglesia ay magsasagawa at magtatatag ng mga patakaran sa kanilang sarili para sa kaayusan ng katawan ng Iglesia, dapat naman nilang pag-aralang maiigi na hindi sila dapat humihiwalay sa mga bagay na iniutos ni Cristo,1 na siyang tanging Panginoon. Kaya nga aming tinututulan ang lahat ng mga kathang-isip ng tao, at lahat ng mga panuntunang gawa ng tao na isasama sa pagsamba sa Diyos, kung saan sa pamamagitan ng mga ito ay matatalian at mapipilitan ang budhi sa anumang paraanan hindi itinakda ng Diyos.2

Kaya nga aming pinahihintulutan yaon lamang mga bagay na magpapalakas at makapagpapanatili ng kaayusan at pagkakaisa, at makapagpapanatili sa lahat ng mga tao sa pagsunod sa Diyos. Para sa layuning ito ang pagtitiwalag at pagdidisiplina ng Iglesia, kasama na pati ang mga bagay na kaugnay nito, ay kinakailangan, alinsunod sa Salita ng Diyos.3

______________

1 Colosas 2:6-7
2 I Corinto 7:23; Mateo 15:9; Isaias 29:13; Galacia 5:1; Roma 16:17-18
3 Mateo 18:17; I Corinto 5:5; I Timoteo 1:20

Artikulo 33 – Ang mga Sakramento

Sumasampalataya kami na ang aming mapagbiyayang Diyos, dahil sa aming mga kahinaan at karamdaman, ay nagtalaga ng mga sakramento para sa amin, upang sa pamamagitan ng mga ito ay pagtibayin sa amin ang Kanyang mga pangako,1 at upang tiyakin sa amin ang kagadahang-loob at biyaya ng Diyos para sa amin, at gayun din upang palusugin at palakasin ang aming pananampalataya, na Kanyang iniugnay sa Salita ng Ebanghelyo, upang mas maipakita sa amin ang Kanyang nais ipakahulugan sa Kanyang Salita at pati na yaong pagkilos Niya sa aming puso, na nagbibigay katibayan at katiyakan sa amin ng kaligtasang Kanyang ipinagkaloob. Sapagkat ang mga ito ay mga nakikitang tanda at tatak ng pangloob at di-nakikitang bagay, na mga paraan kung paanong kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya nga ang mga tanda ay hindi mga walang kabuluhan o walang kahulugang bagay para tayo ay dayain lamang. Sapagkat si Jesu-Cristo ang tunay na kahulugan na ipinapahayag ng mga ito, na kung wala Siya ay wala nga itong kabuluhan.2

Dagdag pa rito, ay sapat sa amin ang bilang ng mga sakramentong itinatag ni Cristong aming Panginoon, na dalawa lamang, at ang mga ito ay ang sakramento ng Bautismo at ang Banal na Hapunan ng aming Panginoong Jesu-Cristo.3

______________

1 Roma 4:11; Genesis 9:13; 17:11
2 Colosas 2:11,17; I Corinto 5:7
3 Mateo 26:36; 28:19

Artikulo 34 – Banal na Bautismo

Sumasampalataya kami at nagpapahayag na si Jesu-Cristo, na Siyang katuparan ng kautusan,1 ay tinapos na, sa pamamagitan ng pagkabuhos ng Kanyang dugo, ang lahat ng iba pang pagbubuhos ng dugo na ginagawa ng tao upang maging pampalubag sa poot ng Diyos o maging handog para sa kasalanan, at Siya, na pinawalang bisa ang pagtutuli, na ginagawa na kasama ang dugo, ay itinalaga ang sakramento ng bautismo2 na kapalit niyon, na sa pamamagitan nito ay tinanggap kami sa Iglesia ng Diyos at ibinukod mula sa lahat ng tao at sa mga kakaibang relihiyon, upang kami ay maging ganap na Kanya, na ang Kanyang sagisag at bandila ay aming tinataglay, at nagsisilbing patotoo sa amin na Siya ay habang panahong magiging aming mapagbiyayang Diyos at Ama.

Kaya nga, inutusan Niya ang lahat ng Kanya na mabautismuhan ng dalisay na tubig, “sa pangalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo,”3 at sa paraang ito ay nagpapakahulugan sa amin na kung paanong ang tubig ay nililinis ang dumi ng katawan kapag ibinuhos dito, at nakikita sa katawan ng binautismuhan kapag iwinisik sa kanya, gayun din ang dugo ni Cristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sa pangloob ay winiwisikan ang kaluluwa, hinuhugasan ang mga kasalanan, at isinisilang kaming muli mula sa pagiging mga anak ng kapootan patungo sa pagiging mga anak ng Diyos.4 Hindi nangangahulugang nagagawa ito ng panglabas na tubig, kundi sa pamamagitan ng pagwiwisik ng mahalagang dugo ng Anak ng Diyos,5 na Siyang aming Pulang Dagat, na Siyang kailangan naming tawirin upang takasan ang kalupitan ng Faraon na siyang diyablo, at upang makapasok sa espirituwal na lupain ng Canaan.

Kaya nga, ang mga ministro bilang kanilang bahagi, ay ipinapatupad ang sakramento sa paraang nakikita,6 subalit ang Panginoon ang nagbibigay ng kahulugan ng sakramento, ito ay ang, mga kaloob at di-nakikitang biyaya; paghuhugas, paglilinis, pag-aalis sa aming mga kaluluwa ng lahat ng dumi at kalikuan;7 binabago ang aming mga puso at pinupuspos ito ng lahat ng kaaliwan; ipinagkakaloob sa amin ang tunay na katiyakan ng Kanyang kabutihan bilang Ama; isinusuot sa amin ang bagong pagkatao at hinuhubad ang lumang pagkatao kasama na ang mga gawa nito.8

Kaya nga sumasampalataya kami na ang bawat tao na taimtim na naghahangad na makamit ang buhay na walang hanggan ay dapat na minsan lamang mabautismuhan ng tanging baustismong ito, hindi na ito dapat ulit-ulitin,9 yamang hindi tayo maaaring isilang na makalawang ulit. At hindi lamang noong ibinuhos at tanggapin namin ang tubig na kami’y nakinabang, kundi sa kabuuan din ng aming buhay.10

Kaya nga aming kinamumuhian ang kamalian ng mga Anabaptista, na hindi mga nasisiyahan sa minsanang bautismo na kanilang tinanggap, at kinakalaban pa ang pagbabautismo sa mga sanggol ng mga mananampalataya, na sa aming paniniwala ay dapat bautismuhan at matatakan ng tanda ng tipan,11 kung paanong ang mga sanggol sa Israel noong una ay tinuli12 batay sa katulad na mga pangako na ibinigay sa aming mga anak. At tunay na inialay ni Cristo ang Kanyang dugo para rin sa paglilinis sa mga sanggol ng mga mananampalataya kung paanong gayon sa mga taong nasa hustong gulang na,13 kaya nga dapat nilang tanggapin ang tanda at sakramento ng bagay na ginawa ni Cristo para sa kanila; gaya ng ipinag-utos ng Diyos sa Kanyang kautusan na sila ay dapat na maging kabahagi ng sakramento ng paghihirap at kamatayan ni Cristo sa lalong madaling panahon pagkasilang nila, sa pamamagitan ng paghahandog para sa kanila ng kordero, na isang sakramento ni Jesu-Cristo.14 Gayunman, kung ano ang pagtutuli para sa mga Judio ay gayon ang bautismo para sa aming mga anak. At sa kadahilanang ito’y tinawag ni Pablo ang bautismo na “pagtutuli ni Cristo.”15

______________

1 Roma 10:4
2 Colosas 2:11; I Pedro 3:21; I Corinto 10:2
3 Mateo 28:19
4 I Corinto 6:11; Tito 3:5; Hebreo 9:14; I Juan 1:7; Apocalipsis 1:6
5 Juan 19:34
6 Mateo 3:11; I Corinto 3:5,7; Roma 6:3
7 Efeso 5:26; Gawa 22:16; I Pedro 3:21
8 Galacia 3:27; I Corinto 12:13; Efeso 4:22-24
9 Marcos 16:16; Mateo 28:19; Efeso 4:5; Hebreo 6:2
10 Gawa 2:38; 8:16
11 Mateo 19:14; I Corinto 7:14
12 Genesis 17:11-12
13 Colosas 2:11-12
14 Juan 1:29; Levitico 12:6
15 Colosas 2:11

Artikulo 35 – Ang Banal na Hapunan ng Aming Panginoong Jesu-Cristo

Sumasampalataya kami at nagpapahayag na ang aming Tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay nagtalaga at nagtatag ng sakramento ng Banal na Hapunan1 upang palusugin at palakasin ang Kanyang mga binuhay na at ibinilang sa Kanyang sambahayan, na Kanyang Iglesia.

Sa mga binuhay na muli mayroon dalawang buhay sa kanila:2 ang isa, ay pang lupa at pansamantala, na taglay nila mula pa nang una nilang kapanganakan at pangkaraniwan sa lahat ng tao; ang isa naman ay espirituwal at makalangit, na ibinigay sa kanila sa ikalawa nilang kapanganakan,3 na bunga ng Salita ng Ebanghelyo4 sa pakikipag-isa sa Katawan ni Cristo; at ang buhay na ito ay hindi pangkaraniwan sa lahat kundi tangi lamang tinataglay ng mga hinirang ng Diyos.5 Gayun din naman ipinagkaloob sa amin ng Diyos, para sa ikalalakas ng aming katawan at panlupang buhay, ang panlupa at pangkaraniwang tinapay na kinakailangan talaga at para sa lahat ng tao, gaya ng buhay mismo. Ngunit para naman sa ikalalakas ng espirituwal at makalangit na buhay na taglay ng mga mananampalataya, nagkaloob Siya ng tinapay na buhay, na bumaba mula sa langit, iyon ay si Jesu-Cristo,6 na nagpapalusog at nagpapalakas ng espirituwal na buhay ng mga mananampalataya kapag Siya ay kanilang kinain, na ang ibig sabihin ay kapag Siya ay kanilang pinanghawakan at tinanggap sa paraan ng pananampalataya sa pamamagitan ng Espiritu.7

Upang isalarawan sa amin ni Cristo itong espirituwal at makalangit na tinapay, ay Kanyang itinatag ang panlupa at nakikitang tinapay bilang sakramento ng Kanyang katawan at ang alak bilang sakramento ng Kanyang dugo,8 upang sa pamamagitan ng mga ito ay patunayan sa amin na kung gaano katiyak na tinatanggap at hinahawakan ang sakramento sa aming mga kamay at kinakain at iniinom sa aming mga bibig na sa pamamagitan nito ang aming mga buhay ay pinalulusog ay gayun ding katiyak na tinatanggap namin sa aming mga kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya (na siyang kamay at bibig ng aming kaluluwa) ang totoong katawan at dugo ni Cristo na aming tanging Tagapagligtas, para sa ikalalakas ng aming espirituwal na buhay.9

Ngayon, kung gaano katiyak at walang alinlangan na hindi iniutos ni Jesu-Cristo na gamitin namin ang mga sakramento sa kawalang kabuluhan, gayun din naman ginagawa Niya sa amin ang lahat ng Kanyang inilarawan sa mga banal na tanda, bagama’t ang kaparaanan ay higit sa aming kaisipan at hindi abot ng aming pang-unawa, kung paanong ang mga pagkilos ng Espiritu Santo ay hindi nakikita at hindi kayang lubos na maunawaan. Samantala naman, hindi kami nagkakamali kapag sinasabi namin na ang aming kinakain at iniinom ay siyang likas na katawan at siya ngang dugo ni Cristo.10 Subalit ang paraan ng pagtanggap namin ng mga ito ay hindi sa pamamagitan ng bibig, kundi sa pamamagitan ng Espiritu sa paraan ng pananampalataya. Kaya nga, bagama’t palaging nakaluklok si Cristo sa kanang kamay ng Kanyang Ama sa kalangitan,11 ay hindi naman Siya tumitigil na gawin kaming kabahagi Niya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagbabahaging ito ay espirituwal na piging kung saan ibinabahagi ni Cristo ang Kanyang sarili kalakip ang lahat ng Kanyang biyaya sa amin, upang tamasahin namin ang Kanyang sarili pati na ang mga bunga ng Kanyang pagpapasakit at kamatayan,12 na siyang nagpapalusog, nagpapalakas at nag-aaliw sa aming mga kaawa-awa at walang kaaliwang kaluluwa sa pamamagitan ng pagkain ng Kanyang laman, binubuhay at pinasisigla ang aming mga kaluluwa sa pamamagitan ng pag-inom ng Kanyang dugo.13

Bukod dito, bagama’t ang mga sakramento ay nakaugnay sa bagay na sinasagisag, gayunman ang mga ito ay hindi natatanggap ng lahat ng tao; ang mga di maka-Diyos ay tinatanggap ang sakramento sa kanyang ikapapahamak,14 ngunit hindi niya natatanggap ang katotohanan ng sakramento. Tulad nina Judas at Simon na salamangkero ay tumanggap ng sakramento ngunit hindi si Cristo na sinasagisag nito, na ang mananampalataya lamang ang maaaring makatanggap sa Kanya.

Sa panghuling pananalita, tinatanggap namin ang banal na sakramento sa pagtitipon ng mga hinirang ng Diyos nang may pagpapakumbaba at paggalang,15 pinapanatili sa aming mga sarili ang banal na pag-aalaala sa kamatayan ni Cristo na aming Tagapagligtas nang may pasasalamat, na sa pagtitipon ay nagpapahayag kami ng aming pananampalataya at ng aming Cristianong relihiyon. Kaya nga, walang sinuman ang dapat makibahagi sa Banal na Hapunan nang hindi niya tamang siniyasat muna ang kanyang sarili; upang hindi siya kumain at uminom ng hatol sa kanyang sarili sa kanyang pagkain ng tinapay at pag-inom mula sa kopa.16 Samakatuwid kami ay inuudyukan ng paggamit ng banal na sakramento upang pag-alabin ang aming pag-ibig sa Diyos at sa aming kapwa.

Kaya nga, aming tinututulan ang lahat ng inilalahok at kasumpa-sumpang mga inimbento ng mga tao na idinadagdag at inihahalo sa mga sakramento, bilang paglapastangan sa mga ito, at aming pinagtitibay na sapat na ang mga ordinansa na itinuro ni Cristo at ng mga apostol sa amin, at dapat naming ipahayag ito sa tulad na paraan kung paano nila ito ipinahayag.

______________________________

1 Mateo 26:26; Marcos 14:22; Lucas 22:19; I Corinto 11:23-25
2 Juan 3:16
3 Juan 3:5
4 Juan 5:23,25
5 I Juan 5:12; Juan 10:28
6 Juan 6:32-33,51
7 Juan 6:63
8 Marcos 6:26
9 I Corinto 10:16-17; Efeso 3:17; Juan 6:35
10 Juan 6:55-56; I Corinto 1:16
11 Gawa 3:21; Marcos 16:19; Mateo 26:11
12 Mateo 26:26, etc; Lucas 22:19-20; I Corinto 2:14
13 Isaias 55:2; Roma 8:22-23
14 I Corinto 11:29; II Corinto 6:14-15; I Corinto 2:14
15 Gawa 2:42; 20:7
16 1Corinto 11:27-28

Artikulo 36 – Ang Mga Pamunuan

Sumasampalataya kami na aming mapagbiyayang Diyos, dahil sa kasamaan ng sangkatauhan, ay nagtalaga ng mga hari, mga pangulo, at mga pinuno,1 na kalooban Niya na ang sanglibutan ay mapamahalaan sa pamamagitan ng mga batas at patakaran, para sa layuning ang kasamaan ng mga tao ay mahadlangan, at upang ang lahat ng mga bagay ay maisagawa sa kanila na may tamang kaayusan at katinuan. Dahil sa layuning ito, ay pinagkalooban Niya ang pamunuan ng tabak, para sa pagpaparusa sa mga gumagawa ng masasama at sa pagtatanggol sa mga gumagawa ng mabubuti.

Ang kanilang tungkulin ay hindi lamang sa kapakanan at pangangalaga ng pamahalaang sibil, kundi ipagtanggol din ang banal na ministeryo, kaya nga maaari nilang alisin at hadlangan ang pagsamba sa diyus-diyosan at huwad na pagsamba;2 upang ang kaharian ng anticristo ay mawasak at ang kaharian ni Cristo ay mapalaganap. Kaya nga dapat nilang pahintulutan ang pangangaral ng Salita ng Ebanghelyo sa lahat ng dako, upang ang Diyos ay maparangalan at masamba ng bawat isa, ayon sa ipinag-utos sa Kanyang Salita.

Dagdag pa rito, tungkulin ng bawat isa, na nasa anumang katayuan, uri, o kalagayan mayroon siya, na ipasakop ang kanyang sarili sa mga pamunuan;3 magbayad ng buwis,4 magpakita ng nauukol na parangal at paggalang sa kanila, at sundin sila sa lahat ng mga bagay na hindi salungat sa Salita ng Diyos;5 na idulog sila sa panalangin upang sila’y mapamahalaan at magabayan ng Diyos sa lahat ng kanilang pamamalakad, at upang kami ay makapamuhay nang tahimik at mapayapa ng may buong kabanalan at katapatan.6

Sa kadahilanang ito, kinamumuhian namin ang mga kamalian ng mga Anabaptista at ang iba pang mapanghimagsik na tao, at sa pangkalahatan, ang lahat ng mga hindi nagpapasakop sa matataas na kapangyarihan at pamunuan at lumalabag sa katarungan,7 nagpapasimula ng likong pamumuhay na nagpapagulo sa marangal at mabuting kaayusan na itinatag ng Diyos sa mga tao.8

______________

1 Exodo 18:20, etc.; Roma 13:1; Kawikaan 8:15; Jeremias 21:12; 22:2-3; Awit 82:1,6; 101:2; Deuteronomio 1:15-16; 16:18; 17:15; Daniel 2:21, 37; 5:18
2 Isaias 49:23, 25; I Hari 15:12; II Hari 23:2-4
3 Tito 3:1; Roma 13:1
4 Marcos 12:17; Mateo 17:24
5 Gawa 4:17-19; 5:29; Hosea 5:11
6 Jeremias 29:7; I Timoteo 2:1-2
7 II Pedro 2:10
8 Judas 8, 10

Artikulo 37 – Ang Huling Paghuhukom

Bilang wakas, Sumasampalataya kami, ayon sa Salita ng Diyos, na kapag ang panahon na itinakda ng Panginoon (na lingid sa kaalaman ng lahat)1 ay sumapit na, at ang bilang ng mga hinirang ay kumpleto na, ang Panginoong Jesu-Cristo ay bababa mula sa langit na nasa katawan at makikita ng mata, kahintulad nang kung paano Siya umakyat sa langit,2 taglay ang dakilang kaluwalhatian at kaningningan ay Kanyang ihahayag ang sarili bilang Hukom ng mga buhay at mga patay,3 susunugin Niya ang lumang sanlibutang ito ng naglalagablab na apoy upang ito’y linisin.4

At pagkatapos nito, ang lahat ng tao ay isa-isang haharap sa dakilang Hukom, mapa-lalaki man o babae at pati na ang mga bata, silang lahat, mula pa sa pasimula ng sanlibutan hanggang sa katapusan nito,5 sila na tinatawag ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta ng Diyos.6 Sapagkat ang lahat ng mga patay ay babangon mula sa lupa at ang kanilang kaluluwa ay sasama at makikipag-isa sa kanilang mga kanya-kanyang katawan na minsan nilang ipanamuhay.7 Para naman sa mga nabubuhay sa panahong iyon, hindi sila mamamatay tulad ng iba, kundi sila’y mababago sa isang kisap-mata, at mula sa pagiging nabubulok ay magiging hindi na nabubulok.8

Pagkatapos, ang mga aklat (ang ibig sabihin ay ang mga budhi) ay bubuksan, at ang mga patay ay hahatulan batay sa mga ginawa nila sa buhay na ito, mabuti man o masama.9 Tunay nga na ang lahat ng tao ay magsusulit sa lahat ng walang kabuluhang salita na kanilang sinabi, na itinuturing ng sanlibutang ito na pawang nakakatuwa at pagbibiro lamang;10 at kasunod naman nito, ang lihim at pagbabalatkayo ng mga tao ay malalantad sa lahat.11

Kaya nga, kung iisipin, ang kahatulang ito ay makatarungan ngunit lubhang nakasisindak at nakapangingilabot sa masasama at sa hindi maka-Diyos,12 subalit para sa mga matuwid at mga hinirang, ito’y kaibig-ibig at nagbibigay-kasiyahan; sapagkat sa panahong iyon ay malulubos ang kanilang kaligtasan, at doon ay tatanggapin nila ang mga bunga ng kanilang pagpapagal at pasakit na kanilang tiniis.13 Ang kanilang pagiging walang sala ay mahahayag sa lahat, at kanilang mamamalas ang kasindak-sindak na paghihiganti na gagawin ng Diyos sa mga masasama,14 na buong kalupitang umusig, umapi, at nagpahirap sa kanila sa sanlibutang ito.15 Ang mga ito’y uusigin ng kanilang sariling budhi16 at dahil mga wala ng kamatayan, ay pahihirapan doon sa walang hanggang apoy17 na inilaan para sa diyablo at sa kanyang mga anghel.18

Ngunit sa kabilang dako, ang mga tapat at hinirang ay puputungan ng kaluwalhatian at karangalan,19 at ipapahayag ng Anak ng Diyos ang kanilang mga pangalan sa harapan ng Diyos na Kanyang Ama at sa Kanyang mga hinirang na anghel;20 lahat ng luha’y papahirin sa kanilang mga mata;21 at ang kanilang layuning ipinaglalaban, na hinahatulan sa kasalukuyan ng mga hukom at pinuno na hidwang pananampalataya at kalapastanganan, ay mahahayag sa panahong iyon na tunay na layunin ng Anak ng Diyos.22 At bilang masaganang gantimpala, gagawa ang Panginoon sa kanila upang taglayin nila ang marangyang kaluwalhatian na hindi man lamang sumagi sa puso’t isip ng tao.23

Kaya nga, hinihintay namin ang dakilang araw na iyon nang may matinding pag-aasam, na tunay na aming matatamasa nang lubusan ang mga pangako ng Diyos na nakay Cristo Jesus na aming Panginoon.24 Amen.

“Amen, pumarito ka Panginoong Jesus!” (Apocalipsis 22:20).

______________

1 Mateo 24:36; 25:13; I Tesalonica 5:1-2; Apocalipsis 6:11; Gawa 1:7; II Pedro 3:10
2 Gawa 1:11
3 II Tesalonica 1:7-8; Gawa 17:31; Mateo 24:30; 25:31; Judas 15; 1Pedro 4:5; II Timoteo 4:1
4 II Pedro 3:7,10; II Tesalonica 1:8
5 Apocalipsis 20:12-13; Gawa 17:31; Hebreo 6:2; 9:27; II Corinto 5:10; Roma 14:10
6 I Corinto 15:42; Apocalipsis 20:12-13; I Tesalonica 4:16
7 Juan 5:28-29; 6:54; Daniel 12:2; Job 19:26-27
8 I Corinto 15:51-53
9 Apocalipsis 20:12-13; I Corinto 4:5; Roma 14:11-12; Job 34:11; Juan 5:24; Daniel 12:2; Awit 62:13; Mateo 11:22; 23:33; Juan 5:2; Roma 2:5-6; II Corinto 5:10; Hebreo 6:2; 9:27
10 Roma 2:5; Judas 15; Mateo 12:36
11 I Corinto 4:5; Roma 12:1-2,16; Mateo 7:1-2
12 Apocalipsis 6:15-16; Hebreo 10:27
13 Lucas 21:28; I Juan 3:2; 4:17; Apocalipsis 14:7; II Tesalonica 1:5-7; Lucas 14:14
14 Daniel 7:26
15 Mateo 25:46; II Tesalonica 1:6-8; Malakias 4:3
16 Roma 2:15
17 Apocalipsis 21:8; II Pedro 2:9
18 Malakias 4:1; Mateo 25:41
19 Mateo 25:34; 13:43
20 Mateo 10:32
21 Isaias 25:8; Apocalipsis 21:4
22 Isaias 66:5
23 Isaias 64:4; I Corinto 2:9
24 Hebreo 10:36-38

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito.


Appendix 1

Bakit kailangan pang pag-aralan ang Belgic Confession?

I. Ang Tipan ng Diyos at Kapahayagan ng Pananampalataya Tipan ng Diyos

Dahil sa kagandahang-loob at mayamang habag ng Diyos, Siya ay nakipagtipan sa atin. Hindi Niya hiningi ang ating bahagi bagkus Siya mismo ang umabot sa bawat isa sa atin at nagsabi “Ikaw ay Akin.” Sa tipang ito tayo’y hinirang ng Diyos Ama at tinubos ng dugo ng nagkatawang taong Diyos Anak at sa pamamagitan lamang ng kanyang Katuwiran, tayo’y inaring ganap ng Diyos. At upang matupad lahat ito sa atin, tayo ay binuhay at nilinis ng Diyos Espiritu.

Kapahayagan ng Pananampalataya

Ang katotohanang ito ay dapat na laging nasa isip at ipinapahayag ng mga hinirang. Kaya sa kasaysayan ng Iglesia may mga ginawang kapahayagan ang ating mga ninuno sa ikalalago ng ating pananampalataya.

Subalit gaano ba kahalaga ang pagpapahayag ng pananampalataya sa aking buhay sa kasalukuyan? Ang kahalagahan ay ito, na ang aking pananabik at sigla sa mga pangako ng Diyos ay nananatili hanggang sa ngayon. Ang kahulugan nito’y nais ko Siyang paglingkuran ng buong katapatan at mamuhay ayon sa mga biyayang Kanyang pinagkaloob. Ang pagpapahayag ng Pananampalataya ay hindi minsanan lamang, ni hindi lamang upang makabahagi sa Banal na Hapunan kundi patuloy kong ipinamumuhay ang mga pananampalatayang aking naipahayag noon pa. Ang pagpapahayag ko ng pananampalataya ay may malaking bahagi sa aking buhay ngayon.

Sa Awit 119:97-112, ipinakita ang pananabik at sigla ni David sa Diyos at sa Kanyang mga pangako. “O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan! Ito’y ang siya kong binubulay-bulay sa buong araw” (v. 97). “Napakatamis ng iyong mga salita sa panlasa ko! Higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!” (v. 103). Mahal na mahal ni David ang kautusan ng Diyos kaya nga kanyang binubulay ang mga ito sa buong araw. Inihantulad niya ang kautusan sa pulot, sa katunayan sinabi niya na mas matamis pa ito kaysa sa pulot. Bakit gayon na lamang ang kanyang sinabi? Sapagkat naunawaan niya ang kayamanan ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa kanya. Kaya nga hindi ito nagdulot ng kalamigan sa kanyang puso kundi patuloy ang kanyang alab sa Salita ng Diyos. Nawa’y mahawa tayo ng pananabik ni David sa Salita ng Diyos at nang sa gayon ay kunin natin ang Biblia at pag-aralan ito ng buong pananabik.

II. ‘Creed’ at ‘Confessions’

Ang ‘creed’ o kredo ay isang maigsing kapahayagan ng pananampalataya. Binigyan tayo ng Diyos ng Biblia at ipinahayag doon ang lahat ng nais Niyang malaman natin hinggil sa Kanyang Tipan sa atin. Ang Biblia ay pinagmumulan ng ating buhay. Dahil sa halaga ng Biblia kaya nasabi ni David sa Diyos na “mahal na mahal ko ang iyong salita.” Kung paano si David ay nanabik sa Biblia ay dapat ding masabi natin na “Oo, naniniwala ako sa Biblia, at totoo lahat ang ipinangako ng Diyos sa akin.”

Ano ba yaong tinatanggap nating totoo? Ano ba yaong pinaniniwalaan natin? Walang iba kundi ANG BIBLIA, na naglalaman ng iba’t-ibang mga doktrina o katuruan, tulad ng katuruan hinggil sa pagkalikha, sa pagtutubos, sa Iglesia, sa paghirang, atbp. Ang mga ito ay ang katuruang ibinigay sa atin. At ang pahayag na “Sumasampalataya ako sa Diyos na lumalalang ng langit at lupa” O kaya’y “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay ipinanganak ni birhen Maria” ay mga ‘creeds’: kapahayagan ng Salita ng Diyos. Dagdag pa rito ang ‘creed’ ay isang maigsing kapahayagan ng AKING PANANAMPALATAYA, kapahayagan ng aking sinasampalatayanan. Ang ‘creed’ ay personal.

Ang mga ‘creeds’ ay hindi isang pagpapaliwanag ng ‘thelogy’ kundi personal na kapahayagan ng pananampalataya. Kahit na hindi tayo ang sumulat ng mga ito, ay maaari pa rin nating tawagin ang mga ito na atin, sapagkat ang mga ito ay tamang buod ng Biblia. Ang Biblia ay hindi nagbabago at ang kahulugan nito’y hindi rin nagbabago. Samakatuwid, kung ang isang tao ay tamang nagbuod ng katotohanan ng Biblia sa kanyang ‘creed,’ walang dahilan kung bakit hindi natin maaaring gamitin ang kanyang ‘creed’ upang ipahayag ang ating pananampalataya sa ngayon. Maaari na ring ilagay ang ating pirma sa ‘creeds’ at ariing kapahayagan ng kung ano ang ginawa ng Diyos sa atin.

Ang Layunin ng mga ‘Creeds’

Iba’t-ibang pagpapahalaga ng iba’t-ibang grupo sa mga ‘Creeds’

  • ‘A creed is an infallible decree.’

Dapat itong tanggapin ng walang tanung-tanong. Ito ang pananaw ng Romano Catoliko. Ang Papa ay gumagawa ng kautusan na dapat na sundin ng walang tanung-tanong ng mga nasasakupan.

Refutation: Mali ang ganitong pananaw, sapagkat ang mga ‘creeds’ ay sinulat lamang ng mga tao. Yamang ang Biblia lamang ang ‘infallible’, ang gawa ng tao tulad ng ‘creeds’ bagama’t ayon sa Biblia ay hindi ‘infallible’. Ang tao ay makasalanan, kaya nga walang sinuman ang dapat na magbigay ng parehong kapangyarihan ng Biblia sa mga ‘creeds.’

  • ‘A creed is an iron chain.’

Ang ‘creed’ ay isang bagay na pabigat sa iyo. Ito ang tipikal na pananaw ng mga Anabaptista noong panahon ng Repormasyon. Tinanggihan nila ang lahat ng anumang ‘creed’ sa pag-aakalang ang mga ito ay umaalipin sa mga tao. Ang mga Anabaptista ay naghangad na maglaan ng laya sa Espiritu Santo at nagbukas ng kanilang puso sa paniniwalang sa anumang oras ay direktang mangungusap ang Diyos sa kanila.

Refutation: Ang Espiritu Santo ay hindi na nagbibigay ng bagong kapahayagan sa atin. Ang mga ‘creeds’ ay sumasalamin sa Salita ng Diyos kaya hindi ito nagpapabigat kung paano ang Biblia ay hindi pabigat.

  • ‘A creed is a sign post.’

Ito ang partikular na pananaw ng mga Arminians na nagsasabing ang ‘creeds’ ay kumakatawan sa personal na pananampalataya ng awtor ng ‘creed.’ Samakatuwid ang ‘creed’ ay may halaga pag kasaysayan ang pag-uusapan, na ang mga ito’y naghahayag kung ano ang pinaniwalaan ng mga nakaraang henerasyon. Tayo namang nabubuhay sa kasalukuyan ay malayang pumili kung ano ang ating paniniwalaan.

Refutation: Ang mga Arminians ay umiiwas sa totoong halaga ng ‘creeds’. Sa pagsasabing ang ‘creeds’ ay may halaga lamang sa kasaysayan ay para na ring sinabing ang katotohanan ay patuloy na nagbabago. Subalit ang katotohanan ay hindi nagbabago. Kahit sa kasalukuyan ay maaari tayong tumayo sa paninindigan at kaalamang natanggap ng ating mga ninuno sa Biblia at ipahayag ang pananampalatayang kanila ring ipinahayag.

  • ‘A creed is an echo of what the Scriptures teach’

: ang ‘creed’ ay isang buod na inuulit lamang ang katuruan ng Biblia. Ang pananaw na ito ang nagbibigay ng tamang halaga sa ‘creeds.’ Kung ang isang kapahayagan ng ‘creed’ ay sumasalamin sa kung ano ang itinuro ng Biblia samakatuwid itong ‘creed’ na ito ay napakahalaga. Ito ang tamang pananaw sa layunin ng ‘creeds.’

Ang Awtoridad ng mga ‘Creeds’

Ang mga ‘creeds’ ay meron lamang na “derived authority” o “secondary authority.” Dahil sa ang mga ito’y sinulat ng tao, ito’y may puwang din sa pagkakamali. Sa ganang kanilang sarili ay walang awtoridad ang mga ‘creeds’, subalit ang kanilang awtoridad ay hanggang sa kung sa tama lamang ang kanilang inilalahad na katuruan ng Biblia.

Ang tungkulin ng mga ‘Creeds’

Sinasabi sa I Timoteo 3:15 “… ngunit kung ako’y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesia ng Diyos na buhay, ang haligi at suhay ng katotohanan.” Pansinin ang katagang “haligi,” ang haligi ay maraming gamit, isa rito ay ito’y pinaglalagyan ng mga balita o pahayag na parang “bulletin board.” Ang Iglesia ay gumaganap bilang “bulletin board” sa sanlibutan kung saan ang Iglesia’y nagpapahayag ng mabuting balita ng katotohanan, at ipahatid sa sanlibutan ang katuruan ng Biblia. Ito ang tungkulin ng Iglesia na maaaring makita sa mga sumusunod:

  • “Stating the truth”:

halimbawa ay ang Belgic Confession. Noong ito’y isulat ni Guido de Bres, ang Iglesia’y nasa ilalim ng matinding pag-uusig. Nais ipabatid ni de Bres na ang Reformed ay hindi mga panatiko o mga rebelde, kundi mga mananampalataya lamang sa katuruan ng Biblia.

  • “Preparing a defense against heresies”:

halimbawa ay Canons of Dort, na nagtanggol sa katotohanan ng tunay na Ebanghelyo laban sa kasinungalingan ng Arminianism.

    1. “Serving as a teaching aid for the uninformed”: halimbawa ay Heidelberg Catechism, na nasulat dahil sa mungkahi ni Elector Frederick III ng Palatinate, sapagkat ang kanyang nasasakupan ay mga ignorante sa kanilang sinasampalatayanan.
    2. “Expressing together the unity of faith”: Ang ating Three Forms of Unity (Belgic Confession, Heidelberg Catechism at Canons of Dort) ay nagpapahayag sa sanlibutan ng kapahayagan ng pananampalataya na nagkakaisa nating pinaniniwalaan.

Ang Biblia sa Kabuuan

Bakit kailangan tayong maging masigasig sa pag-aaral ng buong Salita ng Diyos? Bakit lahat ng mga ito at ni hindi minsanan lamang kundi paulit-ulit na pag-aaral? Ang tamang motibo ang kasagutan sa mga katanungang ito:

    1. Ang Pagmamahal sa Panginoon, ay nagbubunsod sa hinirang na maging masigasig sa pag-aaral ng mga pangako ng Ebanghelyo: Awit 119:97, 103.
    2. Ang Kalooban ng Diyos para sa bawat hinirang ay nagbubunsod din ng pagiging masigasig ng hinirang sa mga Salita ng Diyos:
      1. Lord’s Day 7, Q&A 22: Ang tunay na Cristiano ay dapat na paniwalaan ang lahat ng ipinangako ng Ebanghelyo.
      2. Lord’s Day 23, Q&A 59: ang kahalagahan na paniwalaan mong lahat ang mga ito ay ituturing ka ng Diyos na matuwid kay Cristo.
      3. Mateo 28:19-20: ipinag-utos ng Panginoong Jesu-Cristo sa Kanyang mga apostol na ituro ang lahat ng ipinag-utos Niya sa kanila; walang apostol ang maaaring mamili ng nais niya lamang na ituro.
      4. Juan 20:30-31: “… ang mga ito ay isinulat …” (i.e. chapters 1-20). Lahat ng doktrinang itinuro ng Panginoong Jesus ay kinakailangang paniwalaan ng mga mambabasa ni Juan upang manalig sila na si Jesus ay ang Cristo at nang sa gayon ay tumanggap ng kaligtasan. Walang sinuman ang maaaring magbawas o magbaliwala sa anumang kapitulo o bersikulo na isinulat ni Juan.
      5. Deuteronomio 5:31-33: binabanggit sa v. 31 ang “lahat ng utos.” Itinuro ni Moses ang mga kautusan hinggil sa pista, paglilinis, paghahandog. At ang mga doktrina hinggil sa pagiging makasalanan ng tao, pagtutubos, paghirang, atbp. ay nakapaloob sa mga kautusan. Iniutos ng Diyos kay Moises na ituro ang LAHAT ng mga ito, at mahigpit na itinagubilin sa mga tao na huwag babaling sa kanan o sa kaliwa sa hindi ipinahayag ng Diyos.

Sa madaling salita, ayaw ng Diyos na ang Kanyang mga doktrina ay bawasan o kulangan kahit ng sinuman; Sinasabi ng Diyos na mahalaga ang lahat ng mga ito sa bawat isang hinirang.

Ang Tamang Pagkaunawa sa Doktrina ay Susi sa Tamang Pamumuhay!

Ang pamumuhay sa araw-araw ay nakabatay sa doktrinang pinaniniwalaan. Halimbawa, ang pagpili ng mapapangasawa ay hindi lamang aspeto ng emosyon, kundi pati na ng puso na isang aspeto ng doktrina. Itinakda ng Diyos na ang pag-aasawa ay dapat na lumarawan sa pagkakaisa ni Cristo at ng Kanyang Iglesia. Ang gayong pagkakaisa ay imposibleng mangyari sa mananampalataya at di-mananampalataya. Isa pang halimbawa, nakapaloob sa doktrina ng Tipan na itinatalaga ng Diyos ang Kanyang mga anak ng tipan sa kanilang mga mananampalatayang magulang, upang ang mga bata ay maturuan ng mga magulang ng mga kalooban ng Diyos. Kung ang mga anak ng tipan ay kinakailangang turuan ng lahat ng kautusan ng Diyos, magagawa ba ng mananampalataya ito sa di-mananampalataya? Tamang doktrina ay nagbubunsod ng tamang pamumuhay. Ang tamang doktrina ang gumagabay kung paano ang isang tao ay mabubuhay ng tama. Kapag ang isang tao ay mali sa kanyang doktrina, tiyak na masasalamin ito sa kanyang buhay gayun din naman ang maling pamumuhay ay nagsasalamin ng maling doktrina. Halos lahat ng mga sulat ni Apostol Pablo ay may dalawang bahagi, ang una ay hinggil sa doktrina, at ang ikalawang bahagi ay naka-ukol sa praktikal na pamumuhay bunsod o batay sa doktrinang kanyang itinuro.

Kaya nga, Bakit ba dapat na pag-aralan ang Belgic Confession? Ang Belgic Confession ay naglalaman ng maraming doktrina ng Biblia. Ang Tamang Pagkaunawa sa Doktrina ay Susi sa Tamang Pamumuhay!


Appendix 2

Kasaysayan ng Belgic Confession

(Kasaysayan ng Pananampalataya)

“Kaming lahat ay sumasampalataya sa aming mga puso at ipinapahayag ng aming mga labi …”

Ang artikulo 1 ay nagsimula sa pananalitang, “Kaming lahat ay sumsampalataya sa aming mga puso at ipinapahayag ng aming mga labi …” Ano ba ang kahulugan ng pananampalataya? Ano ang kahulugan ng sumampalataya? Itinuturo ng Lord’s Day 7 ng Katesismo na ang pananampalataya’y may dalawang aspeto:

Ang pananampalataya’y hindi katumbas ng kaalaman, ngunit ang kaalaman ay bahagi ng pananampalataya. Hindi lamang kaalaman ang bahagi ng pananampalataya, ang pagtitiwala ay aspeto din ng pananampalataya, na nagpapahayag na tinatanggap kong totoo ang lahat ng sinabi ng Diyos.

Ang pananampalataya ay may aspetong personal. Ang pagsampalataya ay nangangahulugang pakikipag-isa sa Diyos, isang personal na relasyon sa Diyos, na kung saan ay nakikilala ko kung sino ang Diyos at kung ano ang Kanyang ginawa, na aking tinatanggap na lahat ng Kanyang sinabi at ginawa ay para sa akin. Ito ang pananampalataya, na alam ko at ako’y nananalig sa katotohanang ang Diyos ay nakikipagtipan sa akin.

Kasaysayan ng Belgic Confession

“Kaming lahat ay sumasampalataya …” Sino ang tinutukoy ng Confession na “kami“? Siyempre, ito’y tumutukoy sa kumatha pati na sa kanyang mga kasama. At upang lalong maunawan natin ang kahalagahan ng unang pananalita sa Artikulo 1 ay tignan natin ang naging kasaysayan ng mga taong may kinalalaman sa pag-akda ng Belgic Confession. At kung ano ang kanilang naging kalagayan nang kanilang isulat ang “Kaming lahat ay sumasampalataya …”?

Guido deBres

Ang Belgic Confession ay sinulat noong 1561 ni Guido deBres. Si Guido deBres ay isinilang noong 1522 sa Bergen, Belgium (na kilala noon bilang Southern Netherlands). Ang kanyang mga magulang ay mga debotong Romano Catoliko, kaya siya’y pinalaki sa kaugaliang Romano Catoliko. Siya’y ipinanganak sa panahong ang Repormasyon ay nakatakdang magsimula. Ipinako ni Martin Luther ang kanyang 95 theses sa pintuan ng simbahan sa Wittenberg noong Oktubre 31, 1517, at noong 1521 siya’y itiniwalag sa Romano Catoliko. Ang Repormasyong sinimulan ni Martin Luther ay nakaabot din sa lower lands ng Netherlands, pati na sa Bergen. Noong 1546 sa idad na 24 años, nakita Guido deBres ang katotohanan ng Protestanteng Pananampalataya at siya’y nakiisa sa kilusang Repormasyon sa Bergen.

Pagtatago at Pagsasanay: 1548-1552

Noong 1548, may apat na kataong kinabibilangan ng dalawang mangangaral at kanilang asawa, ang tumigil ng ilaw araw sa Bergen habang naglalakbay mula sa Geneva patungong England. Ang dalawang ito ay mangangaral ng Protestanteng Pananampalataya, at sila’y nangaral sa mga protestante sa Bergen. Ni hindi pa sila gaanong nakakalayo sa Bergen nang ang isa sa dalawang mangangaral at dalawang babae ay inaresto; di nagtagal ay naaresto din ang isa pang mangangaral. Ang dalawang mangangaral ay sinunog habang nakatali sa poste sa pakakasalang sila’y nangaral ng Ebanghelyo; at ang isa sa babae ay sinunog din ng buhay. (Walang katiyakan naman kung ano ang nangyari sa isa pang babae). Habang ang isang mangangaral ay sinusunog, kinukutya naman siya ng mga paring Franciscano at isinisigaw sa mga mamamayan na ang taong kanilang sinusunog ay sinasaniban ng demonyo. Ngunit habang unti-unting nilalamon ng apoy ang katawan ng mangangaral, siya’y buong giting na sumagot ng mga salita ng Awit 6:8-9:

Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
Sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay Kanyag pinakinggan.
Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
Tinanggap ng Panginoon ang aking panalangin.

Ang pangyayaring ito’y nagbigay ng ningas sa pananampalataya ni deBres at sa iba pang mga protestanteng kasama niya. Maraming katanungan ang pumasok sa isip niya, “Ito ba ang bunga ng paghiwalay sa Romano Catoliko?!” “Ang buhay ba ang kapalit na halaga ng pananampalataya sa tunay na Ebanghelyo?!”

Ang nakataya sa pagiging tapat sa Banal na Kasulatan ay lubhang napakalaki. Ngunit dahil sa pangyayaring iyon ay lalong lumago ang mga mananampalataya. At nakaabot sa kaalaman ng mga awtoridad ang kanilang pagdami. Hanggang sa yugtong ito sila’y nagtitipon at sumasamba sa ‘underground,’ subalit dumating ang sandali na hindi na maikubli ang kanilang pagtitipon, kaya ang sumunod ay matinding pag-uusig. Muli ang mga tapat, kabilang si deBres ay naharap na naman sa katanungang, “Ang pananampalataya ba sa tunay na Ebanghelyo ay katumbas ng pagbubuwis ng buhay?!”

Kahit sa harap ng matinding pag-uusig at panganib ay hindi isinuko ni deBres ang kanyang bagong pananampalatayang natagpuan. Sa halip ay iniwan niya ang kanyang bayang sinilangan at nagtungo sa London noong 1548 at namuhay doon hanggang 1552. Nagkaroon siya ng ugnayan sa mga pangunahing Reformers noong panahong iyon, tulad nina Maarten Micron, Johannes a Lasco, and Johannes Utenhove. Sa mga panahon din yaon, siya’y sumailalim sa ‘pagsasanay’ upang maging mangangaral ng Ebanghelyo. Ang layunin ni Satanas na wasakin ang Iglesia sa pamamagitan ng pag-uusig ay ginawa naman ng Diyos sa ikabubuti ng Kanyang Iglesia.

Pagbabalik sa Netherlands (Rijssel): 1552-1556

Noong 1552, umalis si deBres sa London at nagtungo sa Rijssel, isang bayang malapit sa Bergen. Ang pag-uusig ay napakatindi pa rin. Ang kanyang kaibigan sa Rijssel na si Pierre Brully ay sinunog ng buhay habang nakatali sa poste. Sa pamantayan ng tao ay hindi talaga kanais-nais na maging mangangaral sa mga kapanahunang iyon. Ngunit ipinagpatuloy ni deBres ang pagiging mangangaral! Nangaral siya ng Ebanghelyo sa Rijssel, ngunit makalipas ang apat na taon ay mas tumindi ang pag-uusig at napilitan si deBres na mangaral ng lihim.

Pagtatago sa Geneva, Patuloy na Pagsasanay, Pagpapakasal

Dahil sa matinding pag-uusig sa Netherlands nagtungo si deBres noong 1556 sa Geneva kung saan nakadaupang-palad niya si John Calvin at natuto sa ilalim ng pagtuturo ni Calvin. Dito na masasabing natapos na ni deBres ang kanyang pagsasanay na kinakailangan niya para sa gawain ng Panginoon. Noong 1559 pinakasalan niya si Catherine Ramon.

Pagbabalik sa Netherlands (Doornik): 1559-1561

Bumalik siya sa Netherlands noong 1559 at nanirahan sa bayan ng Doornik, kung saan naging pastor siya sa loob ng tatlong taon. Ito ay panahon pa rin ng ‘underground’ na pangangaral dahil sa tindi ng pag-uusig. Sa panahong ito ay ipinangaral niya ang Ebanghelyo sa mga miyembro ng kanyang iglesiang nasasakupan, bagama’t hindi sa pangkaraniwang paraan ng pangangaral sa pulpito kapag araw ng Linggo. Ang poot ng mga awtoridad sa lahat ng mga protestante at sa lahat ng mga bagay hinggil sa protestante ay nagbunsod sa mga mananampalataya na huwag magsama-sama sa publikong pagsamba. Kaya, sa kublihan ng kadiliman ng gabi si deBres ay nagbahay-bahay kung saan may mga maliliit na grupo ng 6 hanggang 12 katao ang nagsasama-sama. Buong tiyagang sila’y tinuruan ni deBres ng Ebanghelyo at pinalakas ang mga mananampalataya tapos ay patagong aalis. May mga miyembro nga ng iglesia na hindi man lamang alam ang kanyang tunay na pangalan.

Ang kanyang pagpapagal ay nagbunga, marami-raming taga Doornik ang sumampalataya kabilang na ang ilang mga pangunahing tao sa bayan. Kaya ang pakiramdam ng ilang mananampalataya noon ay mayroon na silang sapat na bilang upang humantad sa publiko. Ginawa nga nila, sila’y umawit ng mga Psalmo sa mga lansangan. Subalit nagdulot ito ng lalo pang galit ng mga awtoridad, at nagpadala ng mga kawal para sila’y supilin. Bago pa mangyari ito, noong 1561, si deBres ay sumulat ng Panimulang Salita sa Confession na ilang buwan na rin niyang sinusulat. Kanyang inihagis ang isang kopya ng Confession pati na ang Panimulang Salita sa bakuran ng isang pinuno, at dinala naman ng pinuno ang kopya kay King Philip II. Ang layunin ni deBres ay linawin sa hari na “ang mga sumasampalataya sa Pananampalatayang Reformed ay hindi mga rebelde, tulad ng akusa sa kanila, kundi mga masunuring mamamayan na sumasampalataya lamang sa mga tamang Doktrinang Cristiano na itinuturo ng Banal na Kasulatan.” Subalit ang hari ay hindi nakumbinsi at ang Doornik ay bumagsak sa poot ng mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uusig. Muli ay napilitan si deBres na lisanin ang bayan at namuhay ng ‘palipat-lipat’ sa loob ng limang taon.

Pagbabalik sa Netherlands (Valenciennes): 1566; Martir hanggang sa Kamatayan: 1566-1567

Noong 1566 si deBres ay tinawag para sa gawain sa bayan ng Valenciennes. Ang suporta sa Repormasyon ay patuloy na lumalago, at ang mga mananampalataya ay naging matapang, nagtitipon-tipon sa mga bukid na umaabot sa bilang na 4 na libo hanggang 12 libo upang marinig lamang ang pangangaral ni deBres. Ang mga tao ay nasasandatahan ng mga piko dahil sa takot sa mga pamunuan ng Romano Catoliko. At matapos ang isang taon noong Marso 1567 nakubakob ng mga awtoridad ng Romano Catoliko ang bayan at ipinakulong ang maraming mananampalataya. Nagawang makatakas ni deBres, ngunit sa kanyang pagtatago sa isang hotel ay may nakakilala sa kanya, tapos ay ipinagkanulo at naaresto. Ibinalik siya sa Doornik, ikinulong at pagkalipas ng dalawang buwan at kalahati noong ika-31 ng Mayo 1567 siya ay binigti sa bitayan.

Pagpapahayag ng Pananampalataya sa harap ng Pag-uusig

Bakit kailangang malaman natin ang mga ito? Si deBres ang taong sumulat ng Belgic Confession, at sinimulan ang Confession ng Artukulo 1 ng mga pananalitang “Kaming lahat ay sumasampalataya sa aming mga puso at ipinapahayag ng aming mga labi …” At marami pang artikulo na nagsisimula sa ganong paraan, maging ito ma’y pina-igsing “Sumasampalataya kami …” Ang gayong mga pananalita ay nagkakaroon ng kulay at kahalagahan kapag napagtanto natin na si deBres sampu ng mga kapwa-inusig na mga mananampalataya ay gumawa ng gayong kapahayagan sa panahong kapag ginawa mo ang ganon ay maaaring mamuhunan ka ng buhay! Ipinahayag nila ang kanilang pananampalataya a gitna ng matinding pag-uusig, at sa panahong ang Romano Catoliko at ang pamahalaan ay poot na poot sa sinuman o anumang bagay na protestante. Nagpahayag sila ng Pananampalataya sa kaalamang ang mga Romano Catoliko ay binigyan ng pamahalaan na gamitin ang kahindik-hindik na paraan ng pag-uusig, ang tinatawag na ‘Inquisition.’ Ito’y ginagamit upang pilitin ang isang protestante na talikuran ang Ebanghelyo at bumalik sa Romano Catoliko. Ang ganitong pagpapahirap ay napakahirap talagang malagpasan, mas masahol pa ito sa mismong pagsunog. Subalit sa gitna ng gayong pag-uusig, sina deBres sampu ng kapwa mananampalataya ay nagpahayag, “SUMASAMPALATAYA KAMI …” Ang kayamanan ng biyaya ng Diyos sa pagliligtas sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo na siyang Ebanghelyo ay para sa kanila ay napakahalaga at di-kayang mapantayan kahit na ng pag-uusig, pagkakulong o kahit ng kamatayan! Dagdag pa rito, lahat ng mga artikulo ng Confession, para kina deBres at kanyang kasamahan ay lubhang napakahalaga na hindi nila ikinaila o binago kahit isa man para lamang makaligtas sa pag-uusig. Alam nila na dahil ang Diyos ang nagpahayag nito kaya mas mahalaga pa ito kaysa sa buhay.

Ang pananampalatayang ipinahayag ni deBres sa Confession ay nagdulot sa kanya ng tibay ng loob sa harap ng matinding pag-uusig. Ang kanyang matibay na pananampalataya ay masasalamin sa kanyang sulat sa kanyang asawa habang siya’y nakakulong, ito’y may petsang Abril 12, 1567:

Pinakamamahal kong Catherine Ramon, aking pinaka-iibig na kabiyak, aking kapatid sa Panginoong Jesu-Cristo … Alam mo naman nang pakasalan mo ako, ika’y nakasal sa isang mortal na ang buhay ay walang katiyakan kahit na sa loob ng isang minuto. Ngunit minarapat ng mabuting Diyos na pagkalooban tayo ng mahigit kumulang na pitong taon na magkasama, at limang mga anak. Kung nais ng Diyos na mabuhay tayong magkasama nang matagal pa, mayroon Siyang pamamaraan upang gawin iyon. Ngunit hindi gayon ang Kanyang nais sa atin; kaya ang Kanyang kalooban ang mangyari at maging sapat iyon sa iyo.

Alalahanin mo na hindi aksidente na ako’y nahulog sa kamay ng aking mga kaaway kundi ito’y ayon sa pamamalakad ng Diyos … ‘Aking Diyos, minarapat mong ako’y ipanganak sa panahon at oras na iyong itinakda, at sa lahat ng pagkakataon sa aking buhay ay ako’y Iyong inalagaan at iningatan kahit sa bingit ng mga hindi kayang ilarawang panganib, ako’y lubos na niligtas mo. At ngayon, kung minarapat mo na ako’y lumisan na sa buhay na ito upang magtungo sa Iyo, ang Iyong kalooban ang mangyari …’

Higit sa lahat huwag mong kalilimutan ang karangalang ipinakita sa iyo ng Diyos nang ikaw ay bigyan Niya ng isang lalaki na hindi lamang ginawa Niyang lingkod ng Kanyang bugtong na Anak kundi isang lalaki na Kanyang pinahalagahan at pinarangalan sa pamamagitan ng pagpuputong ng korona na nakalaan sa mga martir. Ako’y lubos na natutuwa at ang puso ko’y tigib ng kaligayahan. Sa oras ng panganib ay hindi ako nangailangan, ako’y Kanyang pinuno ng Kanyang nag-uumapaw na kayamanan … Hindi ko sukat akalain na ang Diyos ay mahahabag sa isang katulad kong kawawang nilalang …

Adieu, Catherine, aking butihing kabiyak at kaibigan …

Sinuman ang makabasa ng ganitong liham ay di maaaring di mabagbag ang damdamin. At maaring maitanong niya sa kanyang sarili na, “Paano nasabi ni deBres ang gayong pangungusap, yamang siya’y inusig sa buong buhay niya, nasa kulungan, at batid niya na siya ay bibitayin dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit nagsasalita ng kagalakan at hindi nangailangan sa oras ng panganib! Ano ito!??” Ito ang pananampalataya! Sa biyaya ng Diyos higit sa katotohanan ng Biblia ang alam niya. Batid din niya na ang katotohanan ng Biblia ay para sa kanya! Alam niyang siya’y pinatawad sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Jesu-Cristo, at tiyak na ligtas sa pangangalaga ng makapangyarihang kamay ng Ama sa langit. Kaya siya’y kuntento sa kabila ng kanyang kalagayan. Taglay niya ang pangako ng Psalmo 57 na kanyang inawit sa Diyos,

“… Sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako
hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako’y dumaraing,
Sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.”

Nanalig siya na ang Diyos ang nagtakda ng lahat ng nangyari sa kanyang buhay, at ang Diyos na ito ay hindi nagkakamali, Kanyang pinaglalakip-lakip ang lahat ng mga bagay sa ikabubuti niya. Kaya sa lahat ng mga kapighatian siya’y kuntento. Ang kanyang pananampalataya ay katumbas ng binanggit sa Hebreo 11:35ff.,

“… Ang iba’y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. Ang iba’y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo. Sila’y pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak …”

Ito ang pananampalatayang nahahayag sa gawa, ang pananampalatayang nakakakilala at nagtitiwala sa mga pangako ng Diyos sa gitna ng mga unos sa buhay.

Si deBres sampu ng kanyang kapwa mananampalataya sa Doornik ay sama-samang nagpahayag na lahat sila’y sumasampalataya sa tunay na Diyos. Kilala nila kung sino ang Diyos: Siya ang Diyos na nagsugo ng Kanyang Anak upang bayaran ang kanilang mga kasalanan, at Diyos na lubos na nagmahal sa kanila at nag-ingat sa kanila. Siya rin ang Diyos na nag-akay kay deBres sa hotel kung saan siya naaresto, at nasabi ni deBres na ayos ang lahat ng mga ito. Kahit sa bingit ng kamatayan ay nasabi ni deBres na siya’y maligaya at hindi nangailangan! ITO ANG PANANAMPALATAYA! Sila ay mga tunay na tao tulad natin ngayon. Alam nila ang Biblia at ang Diyos ng Biblia at namuhay taglay ang pangako ng Diyos. Tinanggap nila ang sinabi ng Diyos at sinunod ang mga ito; sila’y tahimik at payapang sumunod kung saan sila akayin ng Diyos. Ito ang konteksto ng Artikulo 1. Sa kanyang napakahirap na kalagayan ay ipinahayag ni deBres ang kanyang pananampalataya sa Diyos na “eternal, di-kayang lubos na maunawaan, hindi nakikita, hindi nagbabago, walang-hanggan, makapangyarihan sa lahat, ganap ang karunungan, makatarungan, mabuti, at pinagmumulan ng lahat ng kabutihan.”

Ebidensiya ng Pananampalataya

Sa pamantayan ng tao ay para bang hindi tama ang mga ito. Parang hindi tama na ipahayag na ang makapangyarihang Diyos na naglagay kay deBres sa panahon ng pag-uusig, at Diyos na nag-akay sa Kanyang mga anak upang tugisin, arestuhin at tapos ay sunugin ay tatawaging Diyos na “makatarungan at mabuti”?? At ipahayag na ang Diyos na ito ay “pinagmumulan ng lahat ng kabutihan”?? Hindi talaga ayon ito sa kaisipan ng tao. Subalit ito ang pananampalataya! Ito ang katotohanang natagpuan ni deBres sa Banal na Kasulatan kaya nga kanya itong ipinahayag at sinabing “Ito talaga ang katotohanan, hindi ko lubos na maunawaan ang Diyos at kung bakit Niya ginawa ang mga ito, ngunit Siya ang aking Diyos, aking Tagapagligtas! Kaya ito’y aking tinatanggap, at ako’y kuntentong-kuntento.” Naipahayag niya sa Artikulo 13 na:

“Sumasampalataya kami sa mabuting Diyos na matapos Niyang likhain ang lahat ng mga bagay ay hindi Niya ito inabandona o hinayaan na lang sa kapalaran at sa pagkakataon, kundi ito’y Kanyang pinamamahalaan at pinangangalagaan ayon sa Kanyang banal na kalooban, kaya nga walang nangyayari dito sa sanlibutan ng hindi Niya itinakda …”

Sa harap ng pag-uusig na naging bahagi ng kanyang buhay, ay kanyang naipahayag ang Artikulo 28:

“Sumasampalataya kami, yamang ang banal na kapisanang ito ay kalipunan ng mga iniligtas, at sa labas nito ay walang kaligtasan, na walang sinuman, anuman ang kanyang katayuan o kalagayan, ang may karapatang ilayo ang kanyang sarili upang mamuhay ng hiwalay sa Iglesya; bagkus ang lahat ng tao ay obligadong umanib at makipag-isa rito … kahit na ang mga awtoridad at kautusan ng mga namumuno ay laban dito, tunay ito, kahit na sila’y magdanas ng kamatayan o anumang uri parusang pagpapahirap sa katawan.”

Sa harap ng panganib, malaking tukso para kina deBres na palihim na sumampalataya sa Biblia habang sumusunod naman sa kagustuhan ng Romano Catoliko. Subalit alam ni deBres at ng kanyang mga kasamahan na hindi ito ang kalooban ng Diyos. Kaya, kumilos sila ayon sa kalooban ng Diyos na nahayag sa Biblia kahit na mamuhunan pa sila ng kanilang mga buhay. ITO ANG PANANAMPALATAYANG NAHAYAG SA GAWA!

Gayun din ay inihayag niya sa Artikulo 36 na: “Sumasampalataya kami na dahil sa kasalanan ng sangkatauhan, ang ating mabuting Diyos ay nagtalaga ng mga hari, awtoridad at namumuno …” Kamangha-manghang pananalita! Alalahaning ipinahayag niya ito noon, nang ang namumuno sa kanilang bayan ay ang malupit na haring si King Philip II at kanyang tagapamalakad ay ang mapaghiganting si Margaret, siyang napakalupit na umusig sa iglesia sa Belgium. Kahit na nasa ilalim ng napakalupit na pamahalaan ay ipinahayag pa rin ni deBres ang kanyang nabasa sa Biblia: “ang ating mabuting Diyos ay nagtalaga ng mga hari, awtoridad at namumuno …” Kahit mahirap ang pagsunod, natutunan niya na magpasakop sa “kahit sino ang namumuno at kahit na anong uri ng pamumuno … kasama na rito ang malupit na si King Philip II. Ito ang TUNAY NA PANANAMPALATAYA! Ang taong ito’y nabuhay ng katulad din natin at sa kanyang partikular na sitwasyon sumampalataya siya na sinabi ng Diyos na, “Kay Cristo Jesus, ikaw ay aking anak, mahal kita at pinangangalagaan kita.” Sinabi ng Diyos ito kaya ito’y totoo! Kaya nga si deBres ay payapa sa kanyang kalagayan. ITO ANG PANANAMPALATAYA!

Iisang Pananampalataya

Tayo’y nabubuhay ngayon makalipas ang 443 na taon na isinulat ni deBres ang Confession. Katulad nila ay ipinapahayag din natin ang ating pananampalataya. Bagama’t iba ang sitwasyon natin kaysa kina deBres ay kapareho namang pananampalataya ang ating ipinapahayag, ito nga ang Belgic Confession, ang kanyang ipinahayag na pananampalataya ay mismong pananampalatayang ipinapahayag natin ngayon. Totoo ito sapagkat ang Diyos na sinasampalatayanan natin ay mismong Diyos na sinampalatayanan ni deBres, at ang Diyos ay di-nagbabago, ang Kanyang Salita ay di-nagbabago, ang Kanyang mga pangako ay di-nagbabago. Ang Diyos ni deBres noong 1561 ay ating Diyos ngayong 2005. Samakatwid tayo’y ligtas sa pangangalaga ng Kanyang mga kamay kung paano ligtas ang mga mananampalataya sa Hebreo 11 at ang mga mananampalataya noong 1561. Ang Diyos na kanilang pinagtiwalaan ay Siyang Diyos na ating pinagtitiwalaan ngayon. Kaya sama-sama nating ipahayag ang iisang pananampalataya.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito.

Show Buttons
Hide Buttons