Menu Close

Katesismo para sa mga Bata – OT Beginners Book 2 Advanced

LESSON 1

Naging Hari si Saul

I Samuel 10-15, 28, 30

1. Ano ang hiningi ng Israel kay Samuel?

Humingi sila ng hari tulad ng ibang mga bansa.

2. Bakit nais nila ng hari tulad ng ibang mga bansa?

Dahil nais nilang maging katulad ng ibang mga bansa.

3. Bakit mali na humingi sila ng hari?

Dahil ayaw nila sa Diyos bilang kanilang hari.

4. Binigyan ba sila ng Diyos ng hari?

Opo, ibinigay Niya sa kanila si Saul, mula sa angkan ni Benjamin.

5. Nagawa bang kalabanin ni Saul ang mga kaaway ng Israel?

Opo, pinalakas siya ng Diyos upang makalaban, at binigyan siya ng tagumpay

6. Anong tagumpay ang ibinigay ng Diyos kay Saul?

Pinalaya niya ang mga mamamayan ng Jabes-gilead mula sa mga Amonita.

7. Paano sinuway ni Saul ang Diyos?

Naghandog siya bagamang dapat ay hinintay niya si Samuel.

8. Ano pang ibang kasalanan ang ginawa ni Saul?

Hindi niya nilipol ang mga Amalekita gaya ng iniutos ng Diyos.

9. Paano pinarusahan ng Diyos si Saul sa kanyang mga kasalanan?

Iniwan siya ng Espiritu ng Diyos, at natakot siyang lumaban.

10. Paano namatay si Saul?

Nasaksak siya ng sarili niyang espada sa pakikidigma sa mga Filisteo.

Memory Project: “Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay, at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.” I Samuel 15:22


LESSON 2

Itinalaga si David

I Samuel 16-30

1. Sino ang itinalaga ni Samuel na kapalit ni Saul?

Sinabihan ng Diyos si Samuel na italaga si David, na mula sa angkan ni Judah.

2. Ano ang ginagawa ni David noong bata pa siya?

Inaalagaan niya ang mga tupa ng kanyang ama.

3. Paano ipinakita ni David na ang Espiritu ng Diyos ay nasa kanya?

Nilabanan ni David ang higanteng si Goliat.

4. Ano ang sinabi ni David kay Goliat?

“Ako’y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.” I Samuel 17:45

5. Bakit nagalit si Saul nang mapatay ni David si Goliat?

Nagselos si Saul kay David.

6. Paano ipinakita ni Saul na siya ay nagseselos?

Tinangka niyang patayin si David.

7. Paano tinangkang patayin ni Saul si David?

Dalawang beses niyang sinibat si David.

8. Bakit hindi pinatay ni David si Saul samantalang kaya naman niyang gawin ito?

Dahil si Saul ang itinalagang hari ng Diyos.

9. Nasaktan ba ni Saul si David?

Hindi po, dahil sinamahan siya ng Panginoon saan man siya magpunta.

10. Ano ang sinulat ni David?

Sinulat ni David ang maraming magagandang mga Salmo.

Memory Project: “Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko, mula sa mga nag-aalsa laban sa akin.” Awit 59:1


LESSON 3

Si David ay Hari

II Samuel 2-12

1. Sino ang naging hari nang mamatay si Saul?

Si David ay naging hari, una sa Judah, tapos ay sa buong Israel.

2. Paano ipinakita ng Diyos na sinasamahan niya si Daivd bilang hari?

Pinagtagumpay siya ng Diyos laban sa lahat ng kaaway ng Israel.

3. Ano ang dinala ni David sa Jerusalem?

Dinala ni David ang Kaban ng Tipan ng Diyos sa Jerusalem.

4. Bakit niya dinala ang Kaban sa Jerusalem?

Upang sambahin ng mga tao ang Diyos doon.

5. Ano pa ang ibang plano ni David para sa Jerusalem?

Nais ni David na ipagtayo ang Panginoon ng magandang templo.

6. Ano ang sinabi ng Panginoon kay David?

Sinabi ng Panginoon sa kanya na ang kanyang anak ang magtatayo ng templo.

7. Aling malaking kasalanan ang nagawa ni David?

Kinuha niya ang asawa ni Urias at hinayaang mapatay si Urias sa digmaan.

8. Paano pinarusahan ng Diyos si David dahil sa mga kasalanang ito?

Ang naging anak niyang lalaki ay namatay.

9. Paano ipinakita ni David ang tunay na pagsisisi sa mga kasalanang ito?

Sinabi niya, “Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin.” Awit 51:4

10. Paanong naging anino si David ni Cristo?

Ipinaglaban niya ang mga pakikidigma ng Panginoon laban sa mga kaaway ng Diyos.

Memory Project: “Mapalad siya na pinatawad ang pagsuway, na ang kasalanan ay tinakpan.” Awit 32:1


LESSON 4

Ang Kasalanan ni Absalom

II Samuel 15-19

1. Sino si Absalom?

Si Absalom ay isa sa mga anak na lalaki ni David.

2. Ano ang ginawa ni Absalom?

Tinangka niyang agawin ang kaharian mula sa kanyang ama.

3. Bakit mali na gawin ni Absalom iyon?

Dahil si David ang ginawa ng Dios na hari.

4. Ano ang ginawa ni David nang marinig niya ito?

Tumakas si David kasama ang kanyang mga kawal patawid ng Jordan .

5. Dumating ba si Absalom upang kalabanin si David?

Opo, dumating siya kasama ang malaking hukbo upang labanan si David.

6. Paano namatay si Absalom?

Sumabit ang ulo niya sa puno at pinatay siya ni Joab.

7. Bakit umiyak si David nang malaman niyang patay na si Absalom?

Alam ni David na si Absalom ay masamang anak.

8. Bumalik ba si David sa Jerusalem?

Opo, nagalak ang mga tao na ibalik siya bilang kanilang hari.

9. Anong kasalanan ang ginawa ni David?

Binilang niya ang mga tao.

10 Sino ang hinirang ni David na susunod sa kanya bilang hari?

Ang kanyang anak na si Solomon, gaya ng ipinangako ng Diyos.

Memory Project: “Sa ibabaw ng aking mga kaaway ako’y iyong tinanghal.” II Samuel 22:49


LESSON 5

Si Solomon ay Hari

I Hari 1-11

1. Ano ang hiniling ni Solomon sa Panginoon?

Humiling si Solomon ng karunungan upang pagharian ang bayan ng Diyos.

2. Pinakinggan ba ng Diyos ang kanyang panalangin?

Opo, ginawa ng Diyos si Solomon na pinakamarunong na tao na nabuhay.

3. Ano pa ang ibinigay sa kanya ng Diyos bukod sa karunungan?

Binigyan ng Diyos si Solomon ng maraming kayamanan at karangalan.

4. Paano ipinakita ni Solomon ang kanyang karunungan?

Nang pag-agawan ng dalawang ina ang isang sanggol, ipinakita ni Solomon kung sino ang tunay na ina.

5. Ano ang ipinatayo ni Solomon sa Jerusalem?

Nagpatayo si Solomon ng isang malaki at magandang templo.

6. Sino ang dumalaw kay Solomon?

Dumating ang reyna ng Seba nang mabalitaan niya ang kanyang karunungan.

7. Ano ang mga kasalanang ginawa ni Solomon sa dakong huli ng kanyang buhay?

Nag-asawa siya ng maraming Paganong babae at naglingkod sa mga diyus-diyosan.

8. Paano ipinakita ng Diyos na Siya ay nagalit kay Solomon?

Sinabi Niya na aalisin Niya ang sampung tribo mula kay Solomon.

9 Paano ipinakita ni Solomon ang kanyang karunungan sa kanyang mga sinulat?

Sumulat siya ng mga kawikaan, na karamihan ay nasa Biblia.

10. Paanong si Solomon ay anino ni Cristo?

Siya ay anino ni Cristo bilang prinsipe ng kapayapaan.

Memory Project: “Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay, at magmasid ang iyong mga mata sa aking mga daan.” Kawikaan 23:26


LESSON 6

Si Rehoboam ay Hari ng Judah

I Hari 12-14

1. Sino ang naging hari pagkatapos ni Solomon?

Ang kanyang anak na si Rehoboam ay naging hari.

2. Ano ang hiniling ng mga tao kay Rehoboam?

Hiniling nila sa kanya na babaan ang kanilang buwis.

3. Ano ang sinagot sa kanila ni Rehoboam?

Sinabi niya sa kanila na lalo pa niyang dadagdagan ang kanilang buwis.

4. Ano ang ginawa ng sampung tribo?

Iniwan nila si Rehoboam at ginawang hari si Jeroboam.

5. Aling mga tribo ang naiwan kay Rehoboam?

Ang Judah at bahagi ng Benjamin ay naiwan kay Rehoboam.

6. Ano ang tawag sa dalawang kaharian?

Ang kaharian ng Judah at ang kaharian ng Israel.

7. Si Rehoboam ba ay haring may takot sa Diyos?

Hindi po, tinuruan siya ng Pagano niyang ina na sumamba sa mga diyus-diyosan.

8. Paano pinarusahan ng Diyos si Rehoboam sa kanyang mga kasalanan?

Tinangay ng hari ng Ehipto ang maraming kayamanang ginto mula sa palasyo at templo.

9. Ano ang tinuturo ng malungkot na kasaysayang ito tungkol sa pagtuturo sa atin habang tayo’y bata pa?

Mahalagang matutunan na nating paglingkuran ang Diyos kahit tayo’y bata pa.

10. Ano ang tinututro nito sa atin tungkol sa katapatan ng Diyos?

Palaging iniingatan ng Diyos ang Kanyang Iglesia, tulad ng ipinangako Niya.

Memory Project: “Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailan man sa harap ko sa Jerusalem.” I Hari 11:36


LESSON 7

Si Jeroboam ay Hari ng Israel

I Hari 12-14

1. Sino ang naging hari ng sampung tribo?

Si Jeroboam ang naging hari.

2. Bakit pinipigilan ni Jeroboam ang mga tao upang magpunta sa templo sa Jerusalem?

Natatakot siyang magbalik ang mga tao kay Rehoboam.

3. Ano ang ginawa ni Jeroboam upang pigilan ang mga tao na magpunta sa templo?

Nagtayo siya ng dalawang gintong guya, isa sa Bethel at isa sa Dan.

4. Ano ang sinabi ni Jeroboam sa mga tao tungkol sa mga guyang ito?

Na maaaring sumamba ang Israel sa Panginoon sa pamamagitan ng mga iyon.

5. Bakit ito isang malalang kasalanan?

Naging dahilan ito ng pagtalikod ng Israel sa Diyos upang sumamba sa mga diyus-diyosan.

6. Ano pa ang ibang dahilan kung bakit ito mali?

Inutusan ng Diyos ang Israel na sambahin ang Diyos sa Jerusalem.

7. Paano binigyang-babala ng Diyos si Jeroboam at ang mga tao?

Nagsugo Siya ng propeta upang sumigaw laban sa dambana sa Bethel.

8. Ano ang sinabi ng propeta tungkol sa dambana?

Sinabi niya na isang hari ng Judah ang susunog sa mga buto ng mga pari ni Baal sa dambana.

9. Nagkatotoo ba ito?

Tatlong daang taon ang nakalipas ginawa ni Josias ang mismong bagay na iyon.

10. Humingi ba ng tulong si Jeroboam sa kanyang mga gintong guya nang magkasakit ang kanyang anak?

Hindi po, pinapunta niya ang kanyang asawa sa isang propeta ng Diyos, na nagsabing mamamatay ang kanyang anak.

Memory Project: “Sapagkat ikaw ay Diyos na hindi nalulugod sa Kasamaan.” Awit 5:4


LESSON 8

Si Elias ay Nagpunta kay Ahab

I Hari 17

1. Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa mga hari ng Israel?

Lumakad sila sa landas ng mga kasalanan ni Jeroboam, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel (I Hari 16:19).

2. Sinong hari ang nangingibabaw sa paglakad sa mga masamang landas na iyon?

Si haring Ahab na napangasawa ang paganong prinsesang si Jezebel.

3. Sa ano pang paraan pinakita ni Ahab ang kasamaan niya?

Pinasamba niya ang mga tao kay Baal at pinatay ang mga propeta ng Diyos.

4. Paano nagbabala ang Diyos tungkol sa kasamaan ni Ahab?

Sinugo ng Diyos si propetang Elias upang sabihin sa kanya na hindi magpapaulan ang Diyos sa lupain.

5. Ano ang nangyari noong hindi umulan?

Nagkaroon ng malawak na tagtuyot, kaya namatay ang mga hayop at walang pagkain ang mga tao

6. Paano pinakain ng Diyos si Elias noong tagtuyot?

Dinalhan siya ng pagkain ng mga uwak sa batis ng Cherit.

7. Saan pinapunta ng Diyos si Elias nang matuyo na ang batis?

Sa isang dukhang balo sa Sidon, sa bayan ni Jezebel.

8. Paano inalagaan ng Panginoon si Elias at ang balo?

Binigyan sila ng Diyos ng pagkain at langis araw-araw.

9. Paano pinakita ng Diyos na nagbibigay Siya ng buhay na walang hanggan?

Binuhay ng Diyos ang namatay na anak ng balo.

10. Anong aral ang tinuturo ng Diyos sa pag-aalaga Niya kay Elias at sa balo?

Tinuturo ng Diyos na binibigyan Niya tayo ng pagkain araw-araw.

Memory Project: “At pupunan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.” Filipos. 4:19


LESSON 9

Si Elias at ang Israel sa Carmel

I Hari 18

1. Gaano katagal ang taggutom sa Israel?

Nagtagal ang taggutom sa Israel ng tatlo at kalahating taon.

2. Ano ang ginagawa ng masamang haring si Ahab sa panahong ito?

Hinahanap ni Ahab si Elias upang ito ay patayin.

3. Ano ang inutos ng Panginoon kay Elias?

Inutusan siya ng Diyos na pumunta kay Ahab.

4. Ano ang sinabi ni Elias kay Ahab?

Sinabihan siya ni Elias na tipunin ang mga tao sa bundok ng Carmel.

5. Ano gagawin ng mga mamamayan ng Israel sa bundok ng Carmel?

Sinabihan silang dumalangin kay Baal upang magdala ng apoy sa dambana.

6. Nagdala ba si Baal ng apoy sa dambana?

Hindi po, dahil si Baal ay diyos-diyosan lamang.

7. Ano naman ang pinagawa ni Elias sa mga tao?

Sinabihan niya silang buhusan ng tubig ang ibabaw at palibot ng dambana.

8. Ano ang ginawa ng propeta pagkatapos niyon?

Dumalangin siya sa Diyos, at ang Diyos ay nagpadala ng apoy mula sa langit.

9. Natakot ba ang mga tao?

Opo, takot na sinigaw nila, “Ang Panginoon ang siyang Diyos.”

10. Nagpaulan ba ang Diyos sa lupain?

Dumalangin si Elias at nagpaulan ng malakas ang Panginoon sa uhaw na lupain.

Memory Project: “Ako’y Diyos, at walang iba; ako’y Diyos, at walang gaya ko.” Isaias 46:9


LESSON 10

Si Jehosapat ay Hari ng Judah

II Cronica 14-20

1. Pangalanan ang dalawang hari ng Judah na may takot sa Diyos.

Si haring Asa at ang kanyang anak na si Jehosapat.

2. Paano ipinakita ni haring Asa na may takot siya sa Diyos?

Binasag niya ang mga diyos-diyosang ginawa ng mga tao.

3. Paano ipinakita ng Panginoon na sinasamahan Niya si Asa?

Nilipol ng Panginoon ang isang malaking hukbo galing sa Africa na sumalakay sa Judah.

4. Palagi bang nagtiwala si Asa sa Panginoon?

Hindi po, nang kinalaban siya ng Israel humingi siya ng tulong sa Syria.

5. Ano ang ginawa ni Jehosapat para sa Judah?

Tinulungan ni Jehosapat ang mga tao na paglingkuran ang Panginoon.

6. Anong malaking kasalanan ang ginawa ni Jehosapat?

Kumampi siya sa masamang si Ahab upang labanan ang mga Syrio.

7. Ano ang sinabi ng mga bulaang propeta ni Ahab sa mga haring ito?

Sinabi ng apat-na-raang propeta na mananalo sila sa digmaan.

8. Ano ang sinabi ng propeta ng Diyos na si Micaias?

Sinabi niya na mapapatay si Ahab at makakalat ang Israel.

9. Nakipagdigma pa rin ba si Ahab?

Opo, ngunit hindi siya nagbihis tulad ng hari.

10. Paano napatay si Ahab?

Ginabayan ng Diyos ang palaso ng kaaway na nakapatay sa kanya.

Memory Project: “Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang kalungkutan.” Awit 16:4


LESSON 11

Si Eliseo ay Propeta sa Israel

II Hari 2-5

1. Paano nagwakas ang buhay ni Elias sa mundo?

Kinuha siya ng Diyos sa pamamagitan ng ipo-ipo.

2. Sino ang naging propeta pagkatapos ni Elias?

Si Eliseo, ang pangunahing lingkod ni Elias.

3. Ano ang dakilang himala na ginawa ni Eliseo?

Binuhay niya mula sa patay ang anak ng babaeng taga-Sunem.

4. Sino ang nagtungo kay Eliseo upang mapagaling?

Si Naaman, isang kapitan ng mga Sirio, na isang ketongin.

5. Paano niya nakilala si Eliseo?

Isang babaeng Judio ang nagsabi sa kanya tungkol sa propeta.

6. Ano ang pinagawa ni Eliseo kay Naaman?

Sinabihan niyang maligo si Naaman sa Ilog Jordan ng pitong ulit.

7. Gumaling ba si Naaman sa kanyang ketong?

Opo, gumaling siya, at sumampalataya rin na ang Diyos ay ang tunay na Diyos.

8. Anong kasalanan ang ginawa ng lingkod ni Eliseo na si Gehazi?

Hiningan niya si Naaman ng mga regalong ginto at tela.

9. Bakit maling gawin ito ni Gehazi?

Dahil ang mga regalo ng Diyos ay hindi nababayaran ng salapi.

10. Paano pinarusahan si Gehazi sa kasalanang ito?

Ang ketong ni Naaman ay nalipat kay Gehazi.

Memory Project: “Hugasan mo ako at ako’y magiging higit na maputi kaysa niyebe.” Awit 51:7


LESSON 12

Pinangakuan ni Eliseo ng Pagkain ang Israel

II Hari 6, 7

1. Bakit nagsugo pa rin ang Diyos ng mga propeta sa masamang Israel?

Nagsugo ang Diyos ng mga propeta dahil mayroon pang matatapat na tao ang Diyos sa Israel.

2. Bakit hindi masalakay ng hari ng Siria ang Israel?

Palaging sinasabihan ni propetang Eliseo ang hari kung nasaan ang hukbo ng Siria.

3. Ano ang ginawa ng hari ng Siria tungkol dito?

Sinugo niya ang kanyang hukbo upang dakpin si Eliseo.

4. Nadakip ba ng hukbo si Eliseo?

Hindi po, binulag ng Panginoon ang hukbo.

5. Bumalik ba ang Siria upang labanan ang Israel?

Opo, ang hukbo ay nagkampo sa palibot ng pader ng Samaria.

6. Paano nito pinag-alala ang mga mamamayan ng Samaria?

Nagutom ang mga tao dahil walang pagkaing maipasok.

7. Gutom na gutom ba sila?

Ganoon sila kagutom na gutom na dalawang babae ang kumain ng sanggol.

8. Ano ang ipinangako ni Eliseo sa hari?

Ipinangako niyang magkakaroon ng saganang pagkain sa susunod na araw.

9. Paano ito nangyari?

Itinaboy ng Panginoon ang hukbo ng Siria kinagabihan.

10. Paano nagkaroon ng saganang pagkain para sa mga tao?

Iniwan ng hukbo ng Siria ang kanilang mga pagkain noong sila ay tumakas.

Memory Project: “Siyang nag-iingat ng Israel ay hindi iidlip ni matutulog man.” Awit 121:4


LESSON 13

Si Jehu ay Hari ng Israel

II Hari 9, 10

1. Sino ang hari sa Israel noong panahon ng taggutom?

Si Joram, ang anak ni Ahab, ang hari noon.

2. Sino ang hari ng Judah noon?

Si Ahazias, ang masamang anak ni Atalia.

3. Sino ang itinalagang susunod na hari ng Israel?

Si Jehu, ang kapitan ng hukbo ng Israel.

4. Ano ang inutos kay Jehu?

Inutusan si Jehu na patayin ang lahat ng anak ng masamang si Ahab.

5. Sino ang unang pinatay ni Jehu?

Si Joram, ang hari ng Israel.

6. Sino pa ang kanyang pinatay?

Si Ahazias, ang hari ng Judah.

7. Ano ang nangyari kay Jezebel, na asawa ni Ahab?

Hinulog siya ng kanyang mga lingkod sa bintana, at kinain ng mga aso ang kanyang laman.

8. Mayroon pa bang ibang pinatay si Jehu?

Opo, pinatay niya ang lahat ng anak ni Ahab at lahat ng sumasamba kay Baal.

9. Ginawa ba ni Jehu ang lahat ng ito para sa Diyos?

Hindi po, ginawa ni Jehu ang lahat ng ito para sa kanyang sariling karangalan.

10. Paano ipinakita ni Jehu na siya ay masamang hari?

Agad niyang itinulak ang Israel na magbalik sa mga diyos-diyosan.

Memory Project: “Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng Panginoong Diyos ng Israel.” II Hari 10:31


LESSON 14

Isinugo si Jonas sa Nineve

Aklat ng Jonas

1. Sino si Jonas?

Si Jonas ay propeta ng Diyos sa Israel.

2. Ano ang ipinagawa ng Diyos kay Jonas?

Inutusan siya ng Diyos na pumunta sa Nineve, ang pangunahing lunsod ng Asiria.

3. Bakit tumanggi si Jonas na pumunta sa Nineve?

Ang Asiria noon ang pinakamahigpit na kaaway ng Israel.

4. Ano ang nangayri kay Jonas nang tumakas siya sa isang barko?

Nagdala ang Diyos ng malakas na bagyo sa dagat.

5. Ano ang inalok ni Jonas sa mga taong nasa barko?

Inalok niyang mamatay upang maligtas ang kanilang buhay.

6. Nalunod ba si Jonas nang inihagis siya ng mga magdaragat sa dagat?

Hindi po, naghanda ang Diyos ng malaking isda upang siya ay lunukin.

7. Namatay ba si Jonas sa loob ng isda?

Hindi po, dumalangin si Jonas sa Diyos, at iniligtas siya ng Diyos.

8. Ano ang nangyari nang mangaral si Jonas sa Nineve?

Maraming tao ang nagsisi at nagbalik-loob sa Panginoon.

9. Ano ang sinisimbulo ng pananatili ni Jonas sa loob ng isda?

Simbulo ito na si Jesus ay mananatili sa libingan nang tatlong araw at tatlong gabi.

10. Ano ang sinisimbulo ng pagsisisi ng Nineve?

Na titipunin ng Diyos ang Kanyang iglesia mula sa maraming bansa.

Memory Project: “Ang mga tao ng Nineve…ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Jonas ang narito.” Mateo 12:41


LESSON 15

Si Joas ay Hari ng Judah

II Cronica 22-24

1. Sino si Atalia?

Si Atalia ay ang anak na babae ng masamang si Ahab.

2. Ano pa ang nalalaman natin tungkol kay Atalia?

Siya ang ina ni Ahazias, hari ng Judah.

3. Ano ang ginawa niya nang malaman niyang napatay si Ahazias?

Pinatay niya ang kanyang mga apo, upang siya ay maging reyna.

4. Napatay ba niya lahat ng kanyang mga apo?

Hindi po, kumilos ang Panginoon upang iligtas si Joas.

5. Saan tinago si Joas?

Sa templo, kung saan ang may-takot-sa-Diyos na si Jehoiada ay pari.

6. Ilang taon si Joas noong siya ay maging hari?

Siya ay pitong taon noong gawin siyang hari.

7. Ano ang nangyari kay Atalia?

Napatay siya noong nagpunta siya sa templo upang alamin ang nangyayari.

8. Anong mahalagang gawain ang ginawa ni Joas?

Tinuruan niya ang mga tao na sambahin ang Diyos sa templo.

9. Palagi bang ginawa ni Joas kung ano ang tama sa paningin ng Diyos?

Ginawa niya ang tama habang nabubuhay lang si Jehoiada.

10. Ano ang ginawa niyang kasamaan?

Bumaling si Joas sa mga diyus-diyosan at pinatay ang propeta ng Diyos.

Memory Project: “Walang kapayapaan, sabi ng aking Diyos, para sa masasama.” Isaias 57:21


LESSON 16

Si Hezekias Ay Hari ng Judah

II Cronica 29-31

1. Pangalanan ang isa pang mabuting hari ng Judah.

Si Hezekias, na ang pangalan ay nangangahulugang “Ang Diyos ay makapangyarihan.”

2. Ano ang unang ginawa ni Hezekias?

Giniba niya ang dambana ng mga pagano sa loob ng templo.

3. Ano pa ang ginawa niya?

Naghanda siya ng pista ng Paskuwa, na matagal nang hindi naipagdiwang.

4. Ano ang mababasa natin tungkol sa pista ng Paskuwang ito?

Na ito ang pinakadakilang pista na naipagdiwang.

5. Ano ang nakatulong upang gawin itong pinakadakilang pista?

Nagsugo si Hezekias ng mga mensahero sa sampung tribo upang imbitahin ang Israel sa kapistahan.

6. Nais ba ng mga mamamayan ng Israel na magpunta sa pista?

Kaunti lamang, subalit pinagtawanan at nilait ng karamihan sa kanila ang mga mensahero.

7. Sino ang dumating sa pista mula sa Israel?

Ang dumating ay sila na may takot pa sa Panginoon.

8. Ano ang ginawa ng mga mamamayang ito ng Israel pagkatapos ng pista?

Winasak nila ang maraming diyus-diyosan sa kanilang sariling lupain.

9. Bakit tinawag ng Diyos ang mga taong ito mula sa Israel?

Dahil dumating na ang oras upang parusahan ng Diyos ang Israel sa kanilang mga kasalanan.

10. Ano ang nangyari sa masamang Israel?

Dumating ang mga Asirio at dinala sila upang bihagin.

Memory Project: “At sila’y umawit ng mga papuri na may kagalakan, at sila’y yumukod at sumamba.” II Cronica 29:30


LESSON 17

Nagkasakit si Hezekias

Isaias 36-39

1. Sino ang dumating upang kalabanin si Hezekias?

Pinalibutan ng hukbo ng Asiria ang Jerusalem.

2. Ano ang sinabi ng kapitan ng hukbo sa mga tao?

Sinabi niya na huwag magtiwala ang Judah sa Diyos upang sila’y tulungan.

3. Bakit inisip ng kapitang ito na hindi sila dapat magtiwala sa kanilang Diyos?

Dahil walang ibang diyos na maaaring magtagumpay sa kanynang hukbo.

4. Ano ang ginawa ni Hezekias?

Sinabi niya kay Isaias ang sinabi ng masamang taong ito.

5. Paano sinagot ni Isaias ang hari?

Sinabi niya sa hari na paaalisin ng Diyos ang kapitan kung paanong pinaaalis ang hayop.

6. Paano ipinakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan laban sa Asiria?

Pinatay ng Diyos ang buong hukbo sa loob lamang ng isang gabi.

7. Noong nagkasakit si Hezekias, ano ang sinabi sa kanya ni Isaias?

Sinabi ni Isaias sa kanya na siya ay mamamatay.

8. Bakit idinalangin ni Hezekias sa Diyos na siya ay buhayin pa?

Walang anak ang hari na magmamana ng kanyang trono.

9. Paano sinagot ng Diyos ang panalangin ni Hezekias?

Dinagdagan ng Diyos ng labing-limang taon ang kanyang buhay at binigyan siya ng anak.

10. Bakit mahalaga na magkaroon siya ng anak upang magmana ng kanyang trono?

Dahil si Jesus ay isisilang mula sa maharlikang lahi ni David.

Memory Project: “Ang buháy, ang buháy, siya’y nagpapasalamat sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito.” Isaias 38:19


LESSON 18

Si Manase ay Hari ng Judah

II Cronica 33

1. Sino ang sumunod na hari kay Hezekias?

Ang anak ni Hezekias, si Manase.

2. Ilang taon si Manase noong magsimula siyang maghari?

Si Manase ay labindalawang taon noong magsimula siyang maghari.

3. Mabuting hari ba si Manase?

Hindi po noong una, dahil inakay siya ng mga pinuno na maglingkod sa mga diyus-diyosan.

4. Banggitin ang isa sa mga kasalanan ni Manase.

Tinuruan niya ang mga tao na sambahin ang araw, buwan at mga bituin.

5. Ano pang kasalanan ang ginawa niya?

Inalay ni Manase ang kanyang anak bilang sakripisyo sa isang diyus-diyosan.

6. Paano niya dinagdagan ang kanyang mga kasalanan?

Pinatay ni Manase ang marami sa mga hinirang ng Diyos.

7. Paano pinarusahan ng Diyos si Manase?

Ibinilanggo siya ng Diyos sa Babilonia.

8. Nanatili ba siya roon?

Hindi po, ibinalik siya ng Diyos sa kanyang trono noong pagsisihan niya ang kanyang mga kasalanan.

9. Ibinalik ba ni Manase ang pagsamba sa Panginoon?

Opo, pinaghandog niya ang mga pari sa Diyos.

10. Nagsisi ba ang mga tao tulad ni Manase?

Hindi po, karamihan sa mga tao ay naglingkod pa rin sa mga diyus-diyosan.

Memory Project: “Nang siya’y nasa paghihirap siya’y sumamo sa Panginoon niyang Diyos, at lubos na nagpakumbaba sa harapan ng Diyos ng kanyang mga ninuno.” II Cronica 33:12


LESSON 19

Si Josias Ay Hari Ng Judah

II Mga Hari 22, 23

1. Sino ang huling mabuting hari sa Judah?

Si Josias, na minsang giniba ang mga diyus-diyosan.

2. Ibinalik din ba niya ang pagsamba kay Jehovah?

Opo, ipinaayos niya ang templo para sa tunay na pagsamba kay Jehovah.

3. Ano ang natagpuan ng mga manggagawa sa templo?

Natagpuan nila ang isang aklat ng kautusan.

4. Ano ang ipinaalala ng kautusan sa mga tao?

Na tiyak na parurusahan sila ng Diyos sa kanilang mga kasalanan.

5. Ano ang ginawa ni Josias sa Bethel?

Sinunog ni Josias ang mga buto ng mga pari ni Baal sa dambana.

6. Bakit napakahalaga nito?

Maraming taon na ang nakaraan, sinabi ng Diyos kay Jeroboam na mangyayari ito.

7. Ano ang sinasabi ng Panginoon sa mga tao sa pamamagitan nito?

Na nasa Judah rin ang mga kasalanan ni Jeroboam.

8. Tungkol saan ang babalang ito?

Na parurusahan ang Judah tulad ng nangyari sa Israel.

9. Paano namatay si Josias?

Napatay siya sa pakikidigma sa mga Egipcio.

10. Nagkaroon ba ng lubhang pagluluksa para kay Josias?

Opo, Si Jeremias at ang mga tao ay lubhang nagluksa.

Memory Project: “Ang dakilang araw ng Panginoon ay malapit na, malapit na at napakabilis na dumarating.” Sefanias 1:14


LESSON 20

Si Jeremias Ay Propeta sa Judah

Jeremias 36-42

1. Sino si Jeremias?

Si Jeremias ay isa sa mga huling propeta na nagbabala sa Judah sa kanilang kasalanan.

2. Ipakita na hindi nakinig ang mga tao sa propeta.

Naglingkod pa rin ang mga tao sa mga diyus-diyosan, kahit na ang ilan sa kanila ay dinala na sa Babilonia.

3. Ano ang sinabi ng mga bulaang propeta sa mga tao?

Sinabi nila na babalik kaagad ang mga bihag na iyon.

4. Ano ang sinabi ng mga tao tungkol kay Jeremias?

Tinawag nila siyang taksil sa kanyang bayan.

5. Paano pinahirapan si Jeremias?

Binugbog si Jeremias at matagal siyang ikinulong sa madilim na bilangguan.

6. Paano pa siya pinahirapan?

Hinulog si Jeremias sa isang tuyong balon at iniwan hanggang mamatay.

7. Paano niligtas ng Diyos ang propeta?

Nakiusap ang isang lingkod sa hari na siya ay kunin.

8. Paano pinarusahan ng Diyos ang Judah sa kanilang mga kasalanan?

Dumating si Haring Nebukadnezar at ang kanyang hukbo at dinala ang mga tao sa Babilonia.

9. Ano ang nangyari kay Jeremias?

Siya ay naiwan at pagkatapos ay dinala siya sa Ehipto.

10. Ano ang hinula ni Jeremias tungkol sa Judah?

Na pagkatapos ng pitumpung taon ibabalik sila ng Diyos sa sarili nilang lupain.

Memory Project: “Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw, ang kanyang mga habag ay hindi natatapos.” Mga Panaghoy 3:22


LESSON 21

Si Daniel At Ang Kanyang Mga Kaibigan Sa Babilonia

Daniel 1-4

1. Sinu-sino ang dinala sa Babilonia kasama ng mga Judio?

Si Daniel at ang tatlo niyang kaibigan.

2. Paano ipinakita ng Diyos na sinamahan Niya si Daniel at ang kanyang mga kaibigan?

Naging pinuno sila sa Babilonia.

3. Paano ipinakita ng Panginoon kay Nebukadnezar na Siya ay Diyos?

Sinabi ng Panginoon kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito.

4. Ano ang panaginip ni Nebukadnezar?

Napanaginipan ng hari ang malaking rebulto na kumakatawan sa mga kaharian ng mundo.

5. Ano ang nangyari sa rebultong ito?

Dumating ang isang Bato at dinurog ang rebulto.

6. Sino ang Batong iyon?

Si Jesu-Cristo, na wawasak sa lahat ng kaharian ng mundo.

7. Ano ang ginawa ni Nebukadnezar pagkatapos noon?

Gumawa siya ng isang malaking rebulto upang sambahin ng kanyang mga opisyal.

8. Sino ang hindi lumuhod sa rebultong iyon?

Ang tatlong kaibigan ni Daniel, sina Shadrac, Meshac, at Abednego.

9. Paano sila pinarusahan ng hari?

Inihagis niya sila sa mainit at nagniningas na hurno upang masunog.

10. Paano sila iniligtas ng Diyos mula sa apoy?

Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anghel upang iligtas sila.

Memory Project: “Ang aming Diyos na pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy.” Daniel 3:17


LESSON 22

Inihagis si Daniel sa Yungib ng mga Leon

Daniel 6

1. Sinamahan din ba ng Panginoon si Daniel noong si Dario ay hari?

Opo, ginawa siya ni Dario na pangunahing pinuno ng kaharian.

2. Paano ipinakita ng ibang pinuno ang kanilang pagkainggit?

Sinubukan nilang hanapan ng kasamaan si Daniel.

3. Ano ang tanging kasamaang nakita nila sa kanya?

Na dumalangin si Daniel sa kanyang Diyos tatlong ulit bawat araw.

4. Bakit dumalangin sa Diyos si Daniel na nakaharap sa Jerusalem?

Idinalangin niya na ibalik ng Diyos ang mga Judio sa kanilang bayan.

5. Ano ang ginawa ng mga masasamang pinuno?

Sinabi nila sa hari na gumawa ng utos na siya lamang ang sasambahin ng lahat.

6. Sinunod ba ni Daniel ang utos ni Dario?

Hindi po, dumalangin siya sa Diyos tulad ng dati.

7. Paano napilitang parusahan ng hari si Daniel?

Pinilit siya ng kanyang mga lingkod na ihagis si Daniel sa yungib ng mga leon.

8. Ano ang tinanong ng hari kay Daniel kinaumagahan?

“O Daniel, … ang iyo bang Diyos … ay nakapagliligtas sa iyo sa mga leon?” Daniel 6:20

9. Ano ang sinagot ni Daniel sa hari?

“Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel at itinikom ang mga bibig ng mga leon.” Daniel 6:22

10. Ano ang ginawa ng hari sa mga masasamang pinuno?

Inihagis niya sila sa yungib ng mga leon, at kinain sila ng mga leon.

Memory Project: “At siya’y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya ng kanyang dating ginagawa.” Daniel 6:10


LESSON 23

Limampung Libong Judio ang Nagbalik sa Palestina (536 B.C.)

Ezra 1-10

1. Ano ang prinopesiya ni Propeta Isaias maraming taon na ang nakalipas?

Na pahihintulutan ni haring Ciro ang mga tao na makabalik sa kanilang lupain. Isaias 45:1-4

2. Natupad ba ito?

Opo, itinakda ni Ciro na silang nagnanais ay makakabalik sa Palestina.

3. Ano ang naging tawag sa mga tao pagkatapos ng pagkabihag?

Tinawag silang Judio, ang ibig sabihin ay, “Mga Nagpupuri sa Diyos.”

4. Ilang Judio ang nagbalik sa Palestina?

May limampu, kabilang ang tribo ng Judah at ang sampung tribo.

5. Paano sila natulungan?

Pinagkalooban sila ng mga regalo at kayamanan para sa templo.

6. Ano ang una nilang ginawa sa kanilang pagbabalik?

Itinayo nila ang dambana upang sambahin ang Diyos.

7. Iyon lamang ba ang kanilang ginawa?

Itinayo rin nila ang pundasyon ng templo.

8. Naging masaya ba silang lahat nang makita nila ang pundasyon?

Ilan po sa kanila, ngunit ang ilan ay naalala ang magandang templo ni Solomon at umiyak.

9. Sino ang nagpatigil sa mga Judio sa pagtapos nila sa templo?

Ang mga Samaritano, na nireklamo sila sa hari ng Persia.

10. Kailan ganap na natapos ang templo?

Makalipas ang dalawampung taon natapos ang templo at inihandog sa Panginoon.

Memory Project: “Nang magkagayo’y sinabi nila sa gitna ng mga bansa, “Ang PANGINOON ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.” Awit 126:2


LESSON 24

Si Esther Ay Naging Reyna Ni Ahasuerus

Aklat ng Esther

1. Pangalanan ang dalawang Judio na hindi nagbalik sa Palestina.

Si Mordecai at ang kanyang pamangking si Esther.

2. Saan sila nanirahan?

Nanirahan sila sa Susa, malapit sa palasyo ng hari.

3. Anong masamang bagay ang ginawa ni Esther?

Naging reyna siya ng masamang si Ahasuerus.

4. Sino si Haman?

Si Haman ang pinakamataas na pinuno sa ilalim ng hari.

5. Bakit nagagalit si Haman kay Mordecai?

Nagagalit siya dahil ayaw ni Mordecai na yumukod sa kanya.

6. Ano ang binalak ni Haman upang mawala si Mordecai?

Binalak niyang patayin ang mga Judio.

7. Ano ang ginawa ni Esther?

Nagmakaawa si Esther sa hari na siya at ang kanyang mga kababayan ay buhayin.

8. Ano ang nangyari sa masamang si Haman?

Binigti siya sa bigtihan na ginawa niya para kay Mordecai.

9. Ano ang maaaring nangyari kung napatay ang lahat ng mga Judio?

Ang ipinangakong Tagapagligtas ay hindi maisisilang.

10. Ano ang ipinapakita sa atin ng pagkakaligtas na ito sa mga Judio?

Ipinapakita nito na palaging binabantayan ng Diyos ang Kanyang bayan.

Memory Project: “Ginawa ng PANGINOON ang bawat bagay ukol sa layunin nito, pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo.” Kawikaan 16:4


LESSON 25

Si Ezra at Nehemias sa Jerusalem

Mga Aklat ni Ezra at Nehemias

1. Sino si Ezra?

Isang eskriba, na sinugo ng hari ng Persia, upang ituro sa mga Judio ang utos ng Diyos.

2. Sino ang kasama ni Ezra na nagtungo sa Jerusalem?

Mga Pari at Levita, na dala ang ginto at pilak mula sa Persia.

3. Sino si Nehemias?

Si Nehemias ay tagapagdala ng kopa ng hari.

4. Ano ang hiniling ni Nehemias sa hari?

Hiniling niyang payagan siyang magtungo sa Jerusalem upang itayo ang mga pader.

5. Paano isinagawa ang pagtatayo ng mga pader?

Nang pigilin sila ng mga kaaway, kalahati ng mga tao ay gumawa at kalahati ay binantayan sila na may sandata.

6. Paano tinuruan ni Ezra at ni Nehemias ang mga tao?

Binasa nila ang buong kautusan ni Moises sa mga tao.

7. Sinunod ba ng mga tao ang kautusan?

Hindi po, sinuway nila ang Sabbath at nag-asawa ng mga babaeng Pagano.

8. Ano ang ginawa ni Nehemias sa mga lalaking nag-asawa ng mga Paganong babae?

Sinabihan niya silang hiwalayan nila ang kanilang mga asawa.

9. Ano ang ginawa ni Nehemias sa mga nagtitinda sa araw ng Sabbath?

Sinarhan niya ang mga pintuang bayan upang hindi sila makapasok.

10. Ano ang matututunan natin sa kasaysayang ito?

Makikita natin ang ating pangangailangan sa pagdating ng Tagapagligtas.

Memory Project: “Kaya’t sila’y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya’t naunawaan ng mga tao ang binasa.” Nehemias 8:8

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/

Show Buttons
Hide Buttons