Menu Close

Common Grace? (Tagalog)

Rev. Angus Stewart

Alinsunod sa Salita ng Diyos, itinatakwil namin ang Common Grace. Itinuturo ng Common Grace na iniibig ng Diyos ang mga itinakwil (reprobate), ngunit sinasabi ng mga Kasulatan na ang Panginoon ay kinasusuklaman ang mga sakim (Awit 10:3). Sinasabi ng Salmista sa Diyos: “kinapopootan Mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan” (Awit 5:5). Hindi kinapopootan ng Diyos ang kasalanan at minamahal ang makasalanan! Bukod dito, “kinapopootan ng Kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan” (Awit 11:5). Ganito katindi ang pagkasuklam ng Diyos sa isang itinakwil: Kanya mismong kaluluwa—ang buo Niyang sarili—ay kinasusuklaman ang itinakwil. Kaya nga si Jehovah ay “magpapaulan” ng mga “baga ng apoy; apoy at asupre” sa kanya (6).

Itinuturo ng Common Grace na ang mga mabubuting bagay na tinatanggap ng mga itinakwil ay patunay ng pag-ibig ng Diyos sa kanila. Ito ang pagkakamali ni Asap, at ito rin ang pagkakamali ng marami. Sa “santuwaryo ng Diyos” (Awit 73:17), naunawaan ni Asap na “ang kaginhawahan ng masama” (3)—ang kanilang kalusugan (4), pagkain (7), kayamanan (12)—ay “tunay” na gawa ng Diyos upang ilagay sila “sa madudulas na dako” bago Niya sila ibagsak sa “kapahamakan” (18). Binibigyan sila ng Diyos ng mga mabubuting bagay sa Kanyang probidensya, ngunit sila’y Kanyang “hinahamak” (2) dahil sa kanilang kasamaan (8).

Si Solomon, ang pinakamatalinong tao sa lahat, ay nagsabi. “Ang sumpa ng PANGINOON ay nasa bahay ng masama” (Kawikaan 3:33). Lahat ng mabubuting bagay sa kanyang tahanan—asawa, mga anak, ari-arian, pagkain, atbp.—ay hindi dumarating sa kanya dahil sa pag-ibig ng Diyos ngunit dahil sa Kanyang sumpa.

May mga ilang nagsasabi na ang aming pagtakwil sa common grace ay nakabase sa mga pagkakamali na nakuha mula sa walang hanggang panukala ng pagtatalaga ng Diyos. Ngunit ang nahayag na katotohanan ng pagtatalaga ay hindi lamang ang doktrinang lumalaban sacommon grace. Laban sa kaisahan ng Diyos (Deuteronomio 6:4), itinuturo ngcommon grace na ang Diyos ay may dalawang pag-ibig, dalawang kahabagan, dalawang tapat na pag-ibig, atbp. Laban sa pagiging di-nagbabago (Malakias 3:6), itinuturo ng common grace na iniibig ng Diyos ang mga itinakwil sa kasalukuyan pagkatapos ay kapopootan sila sa walang hanggan. Laban sa banal na katuwiran, na napakadakila na hindi Siya “makakatingin sa kasamaan” (Habakuk 1:13), sinasabi ng common grace na iniibig ng Diyos ang mga sobra ang kasamaan. Sa madaling sabi, ipinapalagay ng common grace na mayroong pansamantala, limitado, nagbabago, di-makatuwiran na pag-ibig ang Diyos (labas kay Jesu-Cristo!) para sa mga itinakwil. Ngunit ang mga Kasulatan ay itinuturo sa’tin na iniibig ng Diyos ang Kanyang sarili, at iniibig Niya ang Kanyang hirang na iglesia (Efeso 5:25) nang may natatangi (Rom. 9:18), walang hanggan (Jer. 31:3), walang-katapusan (Ef. 3:17-19), di-nagbago (Awit 136) na pag-ibig ni Jesu-Cristo.

Itong pasimulang kamalian patungkol sa pag-ibig ng Diyos sa mga itinakwil ay ginagamit ng marami (kabilang ang mga nagpapahayag na sila’y mga Calvinist) upang pababawin ang antithesis (Gen. 3:15), pababawin ang doktrinang ganap na kasamaan (total depravity), ikompromiso ang partikular na pagtutubos (particular atonement), ipangaral ang pagnanais ng Diyos na iligtas ang mga itinakwil, upang patahimikin at (pagkatapos) itakwil ang walang kondisyong pagtatakwil at paghirang, tanggihang hatulan ang Arminianismo at ang mga tagapagturo nito, at payagan ang pakikisama sa mga di-mananampalataya.

Translated by: Jeremiah Baguhin Pascual

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/

Show Buttons
Hide Buttons