Menu Close

Iniingatan ng Diyos (at ng Kanyang mga Anghel)!

Rev. Angus Stewart

Ang mga banal na anghel ay laging nakaugnay sa kapanganakan ng Panginoong Jesus. Sa Lucas 1, ang anghel na si Gabriel ay nagtungo sa templo upang sabihin kay Zacarias, ang matandang pari, na siya’y magiging ama ni Juan Bautista, ang tagapagpauna ni Cristo; makalipas ang anim na buwan, ibinalita ni Gabriel kay birheng Maria na siya ang magsisilang sa Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Tatlong beses inutusan ng anghel, sa pamamagitan ng panaginip, sa Mateo 1-2: siya’y sinabihang pakasalan si Maria, tumakas mula kay Herodes (na nasa impluwensya ng diyablo; Apoc. 12:4) patungong Ehipto pagkalipas ng ilang buwan nang ipanganak si Cristo sa Bethlehem, at bumalik sa Israel pagkamatay ni Herodes.

Bukod pa riyan, sa mismong araw nang ipanganak si Cristo, nagpakita kinagabihan ang anghel sa ilang mga pastol na malapit sa Bethlehem upang ibalita ang kapanganakan ng Tagapagligtas. At ang isang anghel na iyon ay sinamahan ng kanyang mga kasama: “At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi, Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:13-14). Ito lamang ang kaisa-isahang naitala sa Biblia na ang mga anghel ay pinupuri ang Kataas-taasan dito sa lupa; saan man na mababanggit ang papuri ng mga anghel, laging nangyayari iyon sa langit. Kapansin-pansin ding inihayag ng Kasulatan na hindi lamang ang mga pinadalang anghel sa Bethlehem ang nagpuri sa Diyos; wala ni isa sa mga anghel sa langit ang hindi nagpuri sa bagong panganak na Hari: “At muli, nang Kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi Niya, Sambahin Siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos” (Heb. 1:6).

Sa papalapit na pasimula ng Kanyang ministeryo, ang mga anghel ay naglingkod kay Cristo matapos Siyang tuksuhin sa ilang (Mat. 4:11); sa papalapit na katapusan, isang anghel ang nagpalakas sa Kanya sa Kanyang pagkatao habang Siya’y naghihirap sa Hardin ng Getsemani (Luc. 22:43). Isang anghel ang nagpagulong pabukas ng bato sa libingan ni Cristo (Mat. 28:2)—hindi upang palabasin Siya (dahil ang nabuhay na Panginoon ay nakalabas na) kundi upang ipakita sa Kanyang mga tagasunod na Siya’y nakaalis na! Huling nakita ng mga disipulo ang Panginoong Jesus noong umakyat na Siya sa langit nang nakataas ang mga kamay upang pagpalain sila—ang tagpong ito ay ipinaliwanag ng dalawang anghel (Mga Gawa 1:10-11).

Ang Anak ng tao ay hindi lamang malimit na banggitin ang tungkol sa mga mabubuti at mga suwail na anghel; Siya din naman ay nakipaglaban sa diyablo at sa kanyang mga kampon, lalo noong tinutukso Siya nito, sa Kanyang pagpapalayas ng diyablo at sa Kanyang pagkakapako sa krus.

Lalo na nang inihayag iyon ng Juan 1:51, dahil sinabi ni Jesus kay Natanael at Felipe, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.” Bukod sa mga halimbawang nabanggit, ang paglilingkod ng mga anghel kay Cristo ay hindi hayag at hindi din nakita ng mga disipulo bago ang muling-pagkabuhay ni Cristo, dahil marahil sila’y wala o natutulog nang nagpakita ang mga anghel. Ngunit ang mga disipulo at tayo, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay nauunawaan ang tungkol sa pagkalinga, pagprotekta at paggabay—sa pamamagitan ng di-nakikitang paglilingkod ng mga anghel—ng Diyos ng langit at lupa sa Kanyang Anak na nagkatawang-tao.

Ang ang mga pagbanggit ng Panginoon sa mga anahel na nagmamanhik-manaog sa Kanya ay isang pagtukoy sa panaginip ni Jacob sa Bethel (Gen. 28:12). Ang mga anghel na nagprotekta kay Cristo—na kanilang ulo—ay nagbabantay nang di-nakikita kay Jacob o Israel at sa lahat ng mga “maliliit” (Mat. 18:10; Heb. 1:14) ni Cristo. Sa pamamagitan ng mga makalangit na mensahero, ang Makapangyarihan sa lahat ay tinutulungan ang ating mahinang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtitiyak sa’tin ng kanyang tipan na makasama natin Siya, pangangalaga sa’tin mula sa kasamaan, ayon sa Kanyang walang hanggan at soberanong kalooban. Ingatan ka, ikaw na mananampalataya, nawa ng Diyos na Trinidad—na siyang nagpapaalala sa’tin ng Kanyang pagkalinga sa pamamagitan ng Kanyang mga anghel—sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at Espiritu ni Jesu-Cristo ngayong 2012. “Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay Kanyang iingatan, mula sa panahong ito at magpakailanpaman” (Awit 121:8).

Translated by: Jeremiah Baguhin Pascual

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/

Show Buttons
Hide Buttons