Ni Bill Whyte
Isinalin ni: Pastor John L. Flores – First Reformed Church of Bulacan (Philippines)
Ang Dios ba ay may karapatang ipahayag kung paano Siya dapat sambahin? O ang tao ba ay binigyan ng awtoridad na maghandog ng papuri ng di-kinasihang ayon lamang sa Kanyang mga imbento at mga pagbabago? Ito ang mahalagang katanungan na dapat sagutin upang masamba ng tama ang Dios.
Sa Kasulatan, ang bayan ng Dios ay binigyan ng iba’t ibang mga babala na huwag pakialaman ang Salita ng Dios sa anomang panahon at pamamaraan.
Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo (Deut. 4:2).
Anumang bagay na ipinag-uutos ko sa iyo ay siya mong gagawin; huwag mong daragdagan, ni babawasan (Deut. 12:32).
Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita, baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka (Mga Kawikaan 30:6).
Aking sinasaksihan sa bawa’t taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito: At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito (Apocalipsis 22:18-19).
Maliwanag sa mga talatang ito na ang Biblia ay ganap at kumpleto para sa lahat ng mga usapin ng pananampalataya at kasanayan, kaya hindi dapat itong dagdagan pa. Ang prinsipyo din na ito ay naninindigan patungkol sa pag-awit ng papuri sa Dios. Ang Dios sa Kanyang walang katapusang pagiging ganap ay hindi nagpabaya sa tao sa madilim o sa kawalang kakayahan kung paano Siya dapat sambahin, dahil Siya ay mahabaging nagkaloob sa atin ng isang aklat ng papuri na naglalaman ng di-mapaghihiwalay na bahagi ng Kanyang Salita: ang Aklat ng Mga Awit.
Ngayon, ito ang mga huling salita ni David. Ang mga sinasabi ni David na anak ni Jesse, ang sinasabi ng lalaking inilagay sa itaas, ang hinirang ng Dios ni Jacob, ang matamis na mang-aawit ng Israel: Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsasalita sa pamamagitan ko, ang kanyang salita ay nasa aking dila (II Samuel 23:1-2).
Umawit kayo sa kanya, magsiwait kayo ng mga papuri sa kanya; ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanha-manghang mga gawa (I Cronica 16:9).
Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri; sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa (Mga Awit 105:2).
Na kayo’y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon (Efeso 5:19).
Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo’y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios (Colosas 3:16).
Nagbabata baga ang sinoman sa inyo? siya’y manalangin. Natutuwa ang sinoman? awitin niya ang mga pagpupuri (Santiago 5:13).
Sa Bagong Tipan, si Cristo na Panginoon mismo ay nagbigay ng kautusan at panuntunan patungkol sa banal na pagsamba: “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:24).
Sa pamamagitan ng salitang “espiritu,” tinukoy ni Cristo na ang Biblia na kinasihan ng Espiritu ng Dios, na “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Dios” (II Timoteo 3:16). Ang nilalaman ng papuring awit ay mula sa Aklat ng Mga Awit o Mga Salmo.
Ang binabanggit na salitang “katotohanan” ay nangangahulugan na ang lahat ng papuri sa Dios sa pagsamba ay dapat hindi naglalaman ng mga kapintasan o kamalian kundi ng dalisay na katotohanan. Hindi ganito sa naisulat na mga himno at mga awiting pantao, dahil ang salita ng tao na hindi kinasihan ay hindi “katotohanan.” Higit pa rito, madalas naglalaman ito ng mga maling doktrina at maging mga kabulaanan. Ibang iba kay David, na pangunahing sumulat ng Mga Awit. Na siyang “pinahiran ng langis ng Dios ni Jacob, At kalugodlugod na mangaawit sa Israel,” buong tapang niyang ipinahayag, “Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko, At ang kaniyang salita ay suma aking dila” (II Samuel 23:1-2).
Dahil ang Salita ng Dios ay hindi maaaring dagdagan o bawasan (kaya nga, ang Salmo bilang aklat ng awiting papuri sa Dios), ito dapat ang ating maging tiyak at huling may awtoridad sa lahat ng mga usaping patungkol sa pagsamba sa Dios. Kaya nga isang pagsalungat ang tumataas na bilang ng mga di-kinasihang mga aklat ng mga himno na para sa tunay at buhay na Dios, na hinihingi ang walang pagkukulang na pagsunod sa Kanyang Salita! “Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa” (Mga Awit 105:2).
*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/